Saturday, January 9, 2016

Sulyap Sa Hinaharap (Ikalawang Bahagi)


Sulyapan naman natin ang magiging kahihinatnan ng grupo ng mga tiwalag na nagsilaban sa Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo. Bagaman sila ay nakakalat at nagkakalat sa social media, tawagin na lang natin silang RTC-AGI mula sa ipinarehistro nilang grupo sa SEC.

Tanawin natin sila 12 taon mula ngayon. Bakit sinabi kong 12 taon mula ngayon? Sapagkat ito ang edad na maaari nang doktrinahan ang isang bata lalo pa’t ipinanganak sa Iglesia.

Ano kaya ang magiging kahihinatnan ng mga anak ng mga natiwalag na sumapit ang edad na ito?

Paano sila mababaustimuhan sa Iglesia Ni Cristo gayong tiwalag ang kanilang mga magulang? Uutusan kaya sila ng kanilang mga magulang na magpadoktrina sa loob ng Iglesia Ni Cristo upang mabautismuhan ang kanilang mga anak? Ang problema ay papayag ba sila na ang magdodoktrina sa anak nila ay ang mga ministro at manggagawa na pinaratangan nilang uto-uto, bulag, duwag, minions, bayaran at ng iba pang kung anu-anong panlalait dahil lamang sa hindi kumampi sa kanila?

Paano ang pagsamba ng mga batang ito na mga anak ng mga natiwalag? Padadaluhin ba nila sila sa pagsamba ng Iglesia Ni Cristo na ang nangangasiwa ay ang mga ministro at manggagawa na binansagan nila ng kung anu-anong masasakit na salita? Pasasambahin ba nila ang kanilang anak gayong silang mga magulang ay tisod sa mga leksiyong itinuturo sa pagsamba at napakaraming puna sa paraan ng pagtuturo at pananalangin ng mga ministro at manggagawa?

Hindi ba imposible nilang gawin ang mga nabanggit? Paano ngayon ang kanilang mga anak? Matitiis ba nilang ang mga ito ay hindi mabautismuhan gayong alam nilang ang bautismo ay sa ikapagtatawad ng kasalanan (Gawa 2:38) at sa ikapagtatamo ng kaligtasan (Mar. 16:15-16?

Samakatuwid, ano ngayon ang gagawin nila? Sana kung maisip nilang magbalik-loob alang-alang sa kanila at sa kanilang magiging mga anak at apo.

Paano kung panindigan nilang hindi sila babalik hangga’t hindi nangyayari ang ilusyon nilang “restoration” ng Iglesia? Nakikini-kinita ko nang mapipilitan silang magsagawa ng sarili nilang bautismo.

Itatanong ninyo marahil, ano ang problema doon? Ang problema (at ito ay problema nila) ay may “isang bautismo” lamang.

May isa lamang Panginoon, isang pananampalataya, at isang bautismo (Efe. 4:5 MB).

Kung ang Iglesia Ni Cristo na kinikilala rin nilang tunay ay may bautismo at silang tiwalag ay may bukod na bautismo rin, lilitaw na “dalawang bautismo” na ito at hindi isa. Kung sasabihin nilang pareho lang iyon, ang sagot ko ay hindi totoong pareho iyon.

Sa loob ng Iglesia Ni Cristo, ang magdudoktrina at magbabautismo ay may karapatang mula sa Diyos dahil sa pagkakaugnay sa Pamamahala ng Iglesia. Sa labas nito o sa hanay ng mga tiwalag, ang magdudoktrina at magbabautismo ay walang karapatang mula sa Diyos dahil sa inalisan na sila ng karapatan mula nang lumaban sila sa Pamamahala ng Iglesia.

At ang binabautismuhan ay binabautismuhan upang maging sangkap ng isang katawan.

“Tayong lahat - maging Judio o Griego, alipin o malaya - ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging sangkap ng isang katawan…” (1 Cor. 12:13 NPV)

Sa ano masasangkap ang mga babautismuhan nila gayong tiwalag nga sila at nasa labas ng isang katawan o Iglesia na siyang Iglesia Ni Cristo (Col. 1:18; Roma 16:16 NPV)?

Tingnan naman natin ang ibubunga kapag nagpilit silang bumukod ng bautismo, paano ang tala ng kanilang mga anak? May bukod na kaya silang talaan ng mga kaanib. Sa ano kaanib? Sa “Iglesia Ng Mga Tiwalag”? Kung sasabihin nila na kaanib sa Iglesia Ni Cristo, hindi kaya sila tanungin ng kanilang mga anak ng ganito, “Tay, Nay, Iglesia Ni Cristo pala ako, bakit hindi tayo sumasamba sa kapilya ng Iglesia Ni Cristo”?
 
May kasunod.

 
Lowell Menorca: Ang Sagot
“We didn’t try to BURY you, because we know that you are WEEDS.”

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.