Monday, January 11, 2016

Sulyap Sa Hinaharap (Ikaapat na Bahagi)

Pag-usapan naman natin ang pagsamba ng kabataan o PNK. Alam naman ninyo na may estilo ng pagtuturo na para lamang sa matured o nasa katandaan at ang para sa mga nasa kabataan pa lamang o hindi pa matured.

Siyanga pala, matanong ko ang mga natiwalag, ano ang karapatan ng mga ministro o manggagawa na nangangasiwa sa inyong pagsamba ng katandaan? Saang galing ang karapatan nila gayong nang lumaban sila sa Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo ay inalis na sa kanila ang karapatang iyon? Sino ang nagbigay sa kanila ng karapatan at ano ang karapatan ng nagbigay sa kanila ng karapatan? Sino ang nagsusugo sa mga ito? Tiyak na may suguan kayong bukod, sapagkat alam ninyong kung wala, ay magiging magulo ang inyong pagsamba at alam din ninyo na ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan (1 Cor. 14:33). Ito ba ang inyong suguan?
 
Ano ang karapatan ng nagsusugo sa inyo? Kung kayo ay kakampi ni Antonio Ramirez Ebangelista, ang kikilalanin ninyong Tagapamahalang Pangkalahatan na may karapatang magsugo ay si Kapatid na Eduardo V. Manalo at hindi ang pinasiyahang itiwalag ni Kapatid na Eduardo V. Manalo.

Ang nabanggit kong ito ay isyu rin sa PNK. May bukod na ba kayong PNK? Kung hindi ministro o manggagawa ang mangagasiwa nito, sino? Dating guro ng PNK na natiwalag din? Kung bagong guro, sino ang nagpanumpa sa kaniya? At ano ang karapatan niya na nagpanumpa?

Gagawa rin ba kayo ng bukod na palasumpaan? O gagamitin ninyo ang palasumpaan ng Iglesia kung paanong hanggang ngayon ay ginagamit pa rin ninyo ang seal ng Iglesia kaya nga nakademanda na si Farley De Castro sa kasong infringement.

Kung gagamitin ninyo pa rin ang palasumpaan ng Iglesia Ni Cristo, paano kaya sasabihin ng guro (o ng kahit na sinong maytungkulin) na manunumpa ang mga salitang ito:

 “Akong si ______________, kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa Lokal ___________, Distrito Eklesiastiko ng ______________.”

Kaanib sa Iglesia Ni Cristo o tiwalag sa Iglesia Ni Cristo? Lokal ng ano? Distrito ng ano?

Heto pa ang bahagi ng nasa palasumpaan ng Iglesia Ni Cristo:

“…sa pamamagitan ng lubos at buong kababaang loob na nagpapasakop sa Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw.”

Uulitin ko ang tanong sa nakaraan: Aling Pamamahala? Ang Pamamahalang nilabanan ninyo, minura, nilait, nilapastangan at sinabihang mapupunta sa impiyerno? O ang bukod na pamamahala ninyo?

Uulitin ko rin ang pangwakas kong pahayag sa nakaraan: Maaari ba na iisa ang Iglesia Ni Cristo, tapos dalawang magkabukod na Pamamahala? Kaya kung magpapatuloy talaga kayo sa inyong gawain, darating at darating ang panahon, mapipilitan kayong bumukod at magtatayo kayo ng sarili ninyong Iglesia, na may bukod na pamamahala at aral na gusto ninyo. Ayaw lang ninyong aminin sapagkat tiyak na ang naakit ninyo ay biglang kakalas sa inyo at magbabalik-loob sa Iglesia Ni Cristo.

May kasunod.
 

Lowell Menorca: Ang Sagot
“We didn’t try to BURY you, because we know that you are WEEDS.”

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.