Ikasampung Utos
HUWAG LALABAN SA PAMAMAHALA
(2 Tim. 3:8)
“At kung paanong si Janes at si Jambres ay nagsilaban kay Moises, ay gayon din naman ang mga ito’y nagsisilaban sa katotohanan; mga taong masasama ang pag-iisip, mga itinakuwil tungkol sa pananampalataya.”
Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Enero 01/02, 1997 ay ipinakilala ang kahalagahan ng wastong pagkilala at pagpapahalaga sa Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo. Itinuro ito bilang paggunita na rin sa pagsapit noon ng ika-72 na kaarawan ni Kapatid na Eraño G. Manalo. Kaya, dahil sa nalalapit na ang kaniyang ika-91 kaarawan ay minarapat namin na ipagunita sa inyo ang kahalagahan ng wastong pagkilala at pagpapahalaga sa Pamamahala ng Iglesia.
Mahalagang sampalatayanan ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo na ang karapatan ng Pamamahala sa Iglesia ay hindi sa tao nanggaling kundi sa Diyos mismo. Ang katunayan nito ay itinuro ni Apostol Pablo:
“At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una’y mga apostol, ikalawa’y mga propeta, ikatlo’y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba’t ibang mga wika” (1 Cor. 12:28).
Bakit naglagay ang Diyos ng Pamamahala? Narito pa ang pagtuturo ni Apostol Pablo na namahala sa Iglesia sa dako ng mga Gentil:
“Sapagka’t bagaman ako ay magmapuri ng marami tungkol sa aming kapamahalaan (na ibinigay ng Panginoon sa ikapagtitibay sa inyo, at hindi sa ikagigiba ninyo) ay hindi ako mapapahiya” (2 Cor. 10:8).
Ito ang pananampalataya ng mga tunay na Iglesia Ni Cristo tungkol sa Pamamahala sa tunay na Iglesia. Ang Pamamahala ay ibinigay ng Diyos sa ikatitibay ng Iglesia at hindi sa ikagigiba nito. Kaya ang mga tunay na kapatid ay kumikilala na ang bawat pagpapasiya ng Pamamahala ay sa ikabubuti at hindi sa ikasasama ng Iglesia. Dahil sa pagkakilalang ito, hindi nila kinukuwestiyon at lalong hindi nila pinupuna ang pasiya ng Pamamahala sa Iglesia.
Kaya nga totoong nakatatawag pansin at nakalulungkot pa ang pinasimulang gawin ng isang nagtago sa ilalim ng pseudonym na Antonio Ramirez Ebangelista. Sa pamamagitan ng social media, marami siyang kinuwestiyon at pinuna na pamamalakad at pagpapasiya ng kasalukuyang Pamamahala sa Iglesia. Pagkatapos ay nagsunuran na ang iba’t ibang mga nagtatago sa iba’t ibang pseudonyms na walang habas ang ginagawang pagpuna at paglapastangan sa Pamamahala, mula sa Tagapamahalang Pangkalahatan, sa mga nasa Sanggunian, sa mga Tagapangasiwa at sa mga Pastor at Destinado ng Lokal. Hindi lang nga matiyak kung ang mga ito ay mga kapatid sa Iglesia o mga nagpapanggap lamang na kapatid na nagnanais pinsalain ang Iglesia.
Dahil sa ang Pamamahala ay ibinigay ng Diyos sa ikatitibay, ano ang tungkulin at pananagutan nating gawin sa kanila?
“Sundin ninyo ang mga nangangasiwa sa inyo, at pasakop kayo sa kanilang pamamahala. Sila ang mangangalaga sa inyo at mananagot sa paglilingkod na ito. Sundin ninyo sila upang maging kagalakan at hindi pabigat ang paglilingkod na ginagawa nila; ito’y sa ikabubuti rin ninyo” (Heb. 13:17 NPV).
Pansinin na hindi lamang isang payo kundi isang kaatasan ng Diyos na ang mga kaanib ay sumunod sa mga nangangasiwa sa kanila at pasakop sa kanilang pamamahala. Hindi ibinigay na karapatan sa kaninumang kaanib ang kuwestiyunin o punahin ang Pamamahala sa kanilang pamamalakad at pagpapasiya sa Iglesia.
Sinu-sino ang hindi dapat tularan ng sinumang kaanib sa Iglesia Ni Cristo?
“At kung paanong si Janes at si Jambres ay nagsilaban kay Moises, ay gayon din naman ang mga ito’y nagsisilaban sa katotohanan; mga taong masasama ang pag-iisip, mga itinakuwil tungkol sa pananampalataya” (2 Tim. 3:8).
Hindi dapat tularan sina Janes at Jambres na lumaban kay Moises na siyang namahala sa bayan ng Diyos noong una. Sila’y lumaban sa katotohanan, mga taong masasama ang pag-iisip at mga itinakwil tungkol sa pananampalataya kaya tiyak na hindi sila maliligtas.
Sinu-sino pa ang hindi dapat tularan ng sinumang kaanib sa Iglesia Ni Cristo? Sina Core, Datham, Abiram at On na pawang nagsabwatan at naghimagsik kay Moises. Minarapat ng Diyos na ipasulat ang pangyayaring katulad nito sa ikatututo natin.
“Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, sapagkat lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito” (Rom. 15:4).
Anu-ano ang ating matututuhan sa pangyayaring naganap noon nang maghimagsik sina Core, Dathan, Abiram at On laban sa pamamahala ng bayan ng Diyos?
Kapag ang mga tao ay naghimagsik laban sa Pamamahala ng Iglesia at kanila itong tinuya at ininsulto, ang kanila mismong pinaghihimagsikan, tinutuya at iniinsulto ay ang Diyos na siyang pinagmulan ng karapatan ng Pamamahala sa Iglesia.
“Ang Dios ang kinakalaban ninyo sa ginagawa ninyong 'yan. Pagkat sino si Aaron para ireklamo ninyo?” (Blg 16:11 NPV)
Kahit pa sumamba at magdala ng mga handog ang mga naghimagsik sa Pamamahala ng Iglesia, hindi sila tatanggapin ng Diyos.
“Dahil dito, nagalit si Moises at sinabi kay Yahweh, ‘Huwag mong pahahalagahan ang kanilang handog...” (Blg. 16:15 MB)
Ang Diyos ay hindi kailanman papanig sa mga lalaban sa Pamamahala ng Iglesia kung paano na hindi Siya pumanig kay Core at sa kaniyang mga kasabwat. At upang mahadlangan ang mga tao na mag-isip man lamang na pumanig sa mga naghimagsik, sinabi ng Diyos, “Humiwalay kayo sa gitna ng kapisanang ito.”
“At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi, Humiwalay kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sangdali” (Blg. 16:20-21).
Hindi papayag ang Diyos na hindi parusahan ang mga naghimagsik laban sa Pamamahala na inilagay Niya sa Kaniyang bayan.
“Kapag ang mga taong ito’y namatay sa sakit o sa natural na kamatayan, nangangahulugang hindi ako ang sinugo ni Yahweh. Ngunit kapag bumuka ang lupa at sila’y nilulon nang buhay kasama ng lahat ng may kaugnayan sa kanila, nangangahulugang naghimagsik sila kay Yahweh. Hindi pa halos natatapos ang salita ni Moises, bumuka ang lupa, at nilulon nang buhay sina Core pati ang kanilang mga kasambahay at ari-arian” (Blg. 16:29-32 MB).
Kaya naghimagsik sina Core at ang mga kasabwat nito laban kay Moises ay hindi dahil sa ipinagmamalasakit nila ang kapakanan ng bayan ng Diyos kundi dahil may hinihingi sila na hindi naman para sa kanila at nais nila itong agawin. Ito rin ang dahilan kaya may lumalaban sa Pamamahala ngayon ng Iglesia, hindi para ipagmalasakit ang Iglesia kundi dahil sa kanilang pansariling kapakinabangan.
“Kayong mga Levita’y ibinukod na ni Yahweh upang maglingkod sa harapan niya, bakit ibig pa ninyong agawin pati ang pagiging saserdote? Dahil sa hangad ninyong iyan ay nagkakaisa kayo laban kay Yahweh” (Blg. 16:10-11).
Maging ang apostol na si Apostol Judas Tadeo ay binanggit ang pangyayari tungkol kay Core upang bigyang-diin sa mga Cristiano noon ang kasamaan ng paghihimagsik at paglaban sa Pamamahala.
“Ngunit nilalait ng mga taong ito ang di nila nalalaman; at ang mga bagay na likas nilang nalalaman—tulad ng mga hayop—ay ginagamit nila sa kanilang ikapapahamak. Nakakikilabot ang sasapitin nila, sapagkat sumunod sila sa halimbawa ni Cain. Tulad ni Balaam, sinugba nila ang kamalian dahil lamang sa salapi. Paris ni Core, sila’y naghimagsik at pawang napahamak” (Jud. 1:10-11 MB).
Sana’y napansin ninyo na “Nakakikilabot ang sasapitin” ng mga naghimagsik sa Pamamahala ng bayan ng Diyos. Ito sana ang pag-isipang mabuti ng mga nagtatago sa ilalim ng iba’t ibang pseudonyms na nagsasalita ng masama at ng iba’t ibang mga paglapastangan sa Pamamahala at sa Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia. Maaaring sa tao ay naitatago nila ang kanilang mga masasamang gawain ngunit sa Diyos ay wala silang anumang maitatago sapagkat ayon sa Biblia:
“Nagmamasid siya sa daan ng mga tao, at nakikita niya ang lahat nilang hakbang. Walang karimlan o lihim na mapagtataguan ng gumagawa ng masama” (Job 34:21-22 BSP).
Hindi nga ba’t ito ang nangyari kina Ananias at Safira nang hindi sila lubos na makipagkaisa sa Pamamahala? Silang dalawa lamang ang nag-usap at nagkasundo tungkol sa kanilang masamang gagawin subalit bakit nahayag kay Apostol Pedro ang kanilang pagtataksil? Ito’y iniudyok ng Diyos sa Kaniyang Pamamahala sa Iglesia (Gawa 5:1-10).
Ito rin ang nangyayari sa ating panahon. Inihahayag ng Diyos ang mga nagtataksil at naghihimagsik laban sa Pamamahala ng Iglesia. At upang huwag mahawa ang iba sa masamang gawain ng mga mapaghimagsik na ito, inilalapat sa kanila ang pagtitiwalag tulad ng mahigpit na tagubilin ng Diyos sa pamamagitan ng mga apostol (1 Cor. 5:13 MB).
Ang mga salita ng mga taong naligaw sa katotohanan ay tulad ng ganggrena na kumakalat sa katawan at sumisira ng pananampalataya.
“Iwasan mo ang walang kabuluhang usap-usapan, sapagkat lalong napapalayo sa Dios ang mga gumagawa noon. Parang ganggrenang kumakalat sa katawan ang kanilang mga turo. Kabilang sa mga taong ito sina Himeneo at Fileto, na naligaw na sa katotohanan. Itinuturo nilang naganap na ang pagbuhay sa mga patay, at sinisira nila ang pananampalataya ng ilan” (2 Tim. 2:16-18 NPV).
Ang sangkap ng isang tao na may ganggrena na nasa malubha nang kalagayan ay pinuputol at inaalis upang huwag nang kumalat sa iba pang sangkap ng katawan. Ang Iglesia ay itinulad sa katawan at ang mga kaanib nito ay itinulad sa mga sangkap (1 Cor. 12:27). Kaya inaalis bilang sangkap o itinitiwalag bilang kaanib ang sinumang lumalaban sa Pamamahala upang huwag mahawa ang iba pang mga sangkap o kaanib at upang huwag maligaw sa katotohanan at masira ang pananampalataya. Sa sandali namang sila’y matiwalag na, itinatagubilin pa rin sa mga kapatid na huwag makisimpatiya sa kanila ni huwag silang kausapin o batiin man (2 Juan 1:10-11) sa gayunding kadahilanan—ang salita nila’y magliligaw sa katotohanan at sisira ng pananampalataya. Ito ang nakalulungkot na nangyari sa iba na hindi sumunod sa tagubiling ito. Mas nanaig sa kanila ang simpatiya sa sinapit ng mga natiwalag kaysa sa aral ng Diyos kaya kasama silang naligaw sa katotohanan at nasira ang pananampalataya.
Yayamang ginugunita natin ang nalalapit na kaarawan ni Ka Erdy, nais naming manawagan sa lahat ng mga kaanib na kung tunay nating minahal at kinilala si Kapatid na Eraño G. Manalo at ang kaniyang karapatan bilang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia noong siya’y nabubuhay pa, kikilalanin din natin at mamahalin si Kapatid na Eduardo V. Manalo at ang kaniyang karapatan bilang kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia sapagkat kalooban ni Ka Erdy sa udyok ng Diyos na si Ka Eduardo ang pumalit sa kaniya sa banal na tungkuling ito. Si Ka Eduardo ang sinanay niya sa pangangasiwa at pamamahala sa Iglesia at kaya nang papagpahingahin ng Diyos si Ka Erdy noong 2009, walang anumang alinlangan sa puso ng mga kapatid na si Kapatid na Eduardo V. Manalo ang siyang inilagay ng Diyos bilang kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan ng buong Iglesia Ni Cristo.
Nawa’y magsilbing inspirasyon sa ating lahat ang mga pangungusap na ito ni Apostol Pablo tungkol sa Pamamahala ng Iglesia:
“Ipinamamanhik namin, mga kapatid, na igalang ninyo ang mga nagpapagal para sa inyo, ang mga pinili ng Diyos upang mamahala at magturo sa inyo. Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig, dahil sa kanilang gawain. Magsama-sama kayong mapayapa” (1 Tes. 5:12-13 MB).
Lubos na paggalang at pag-ibig sa Pamamahala ang inaasahan sa atin ng Diyos. Kaya sa ligalig na pinagdaraanan ngayon ng Iglesia, makatuwiran lamang na ang mga tunay na kaanib ay manindigan sa panig ng Tagapamahalang Pangkalahatan at kanila siyang ipagsanggalang kapuwa sa salita at sa gawa.
Bilang pagwawakas, nais naming bigyang-diin na ang tunay na gumugunita sa namahala sa Iglesia ay hindi kailanman lalaban o maghihimagsik sa Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo.








