Thursday, December 31, 2015

Ang Marapat Na Pag-alaala Sa Namahala Sa Atin (Part 11 of 11)

Ang 10 Utos Ng Diyos Upang Maingatan Ang Kaligtasan

Ikasampung Utos

HUWAG LALABAN SA PAMAMAHALA

(2 Tim. 3:8)

“At kung paanong si Janes at si Jambres ay nagsilaban kay Moises, ay gayon din naman ang mga ito’y nagsisilaban sa katotohanan; mga taong masasama ang pag-iisip, mga itinakuwil tungkol sa pananampalataya.”

Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Enero 01/02, 1997 ay ipinakilala ang kahalagahan ng wastong pagkilala at pagpapahalaga sa Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo. Itinuro ito bilang paggunita na rin sa pagsapit noon ng ika-72 na kaarawan ni Kapatid na Eraño G. Manalo. Kaya, dahil sa nalalapit na ang kaniyang ika-91 kaarawan ay minarapat namin na ipagunita sa inyo ang kahalagahan ng wastong pagkilala at pagpapahalaga sa Pamamahala ng Iglesia.
Mahalagang sampalatayanan ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo na ang karapatan ng Pamamahala sa Iglesia ay hindi sa tao nanggaling kundi sa Diyos mismo. Ang katunayan nito ay itinuro ni Apostol Pablo:

“At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una’y mga apostol, ikalawa’y mga propeta, ikatlo’y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba’t ibang mga wika” (1 Cor. 12:28).

Bakit naglagay ang Diyos ng Pamamahala? Narito pa ang pagtuturo ni Apostol Pablo na namahala sa Iglesia sa dako ng mga Gentil:

“Sapagka’t bagaman ako ay magmapuri ng marami tungkol sa aming kapamahalaan (na ibinigay ng Panginoon sa ikapagtitibay sa inyo, at hindi sa ikagigiba ninyo) ay hindi ako mapapahiya” (2 Cor. 10:8).

Ito ang pananampalataya ng mga tunay na Iglesia Ni Cristo tungkol sa Pamamahala sa tunay na Iglesia. Ang Pamamahala ay ibinigay ng Diyos sa ikatitibay ng Iglesia at hindi sa ikagigiba nito. Kaya ang mga tunay na kapatid ay kumikilala na ang bawat pagpapasiya ng Pamamahala ay sa ikabubuti at hindi sa ikasasama ng Iglesia. Dahil sa pagkakilalang ito, hindi nila kinukuwestiyon at lalong hindi nila pinupuna ang pasiya ng Pamamahala sa Iglesia.

Kaya nga totoong nakatatawag pansin at nakalulungkot pa ang pinasimulang gawin ng isang nagtago sa ilalim ng pseudonym na Antonio Ramirez Ebangelista. Sa pamamagitan ng social media, marami siyang kinuwestiyon at pinuna na pamamalakad at pagpapasiya ng kasalukuyang Pamamahala sa Iglesia. Pagkatapos ay nagsunuran na ang iba’t ibang mga nagtatago sa iba’t ibang pseudonyms na walang habas ang ginagawang pagpuna at paglapastangan sa Pamamahala, mula sa Tagapamahalang Pangkalahatan, sa mga nasa Sanggunian, sa mga Tagapangasiwa at sa mga Pastor at Destinado ng Lokal. Hindi lang nga matiyak kung ang mga ito ay mga kapatid sa Iglesia o mga nagpapanggap lamang na kapatid na nagnanais pinsalain ang Iglesia.

Dahil sa ang Pamamahala ay ibinigay ng Diyos sa ikatitibay, ano ang tungkulin at pananagutan nating gawin sa kanila?

“Sundin ninyo ang mga nangangasiwa sa inyo, at pasakop kayo sa kanilang pamamahala. Sila ang mangangalaga sa inyo at mananagot sa paglilingkod na ito. Sundin ninyo sila upang maging kagalakan at hindi pabigat ang paglilingkod na ginagawa nila; ito’y sa ikabubuti rin ninyo” (Heb. 13:17 NPV).

Pansinin na hindi lamang isang payo kundi isang kaatasan ng Diyos na ang mga kaanib ay sumunod sa mga nangangasiwa sa kanila at pasakop sa kanilang pamamahala. Hindi ibinigay na karapatan sa kaninumang kaanib ang kuwestiyunin o punahin ang Pamamahala sa kanilang pamamalakad at pagpapasiya sa Iglesia.

Sinu-sino ang hindi dapat tularan ng sinumang kaanib sa Iglesia Ni Cristo?

“At kung paanong si Janes at si Jambres ay nagsilaban kay Moises, ay gayon din naman ang mga ito’y nagsisilaban sa katotohanan; mga taong masasama ang pag-iisip, mga itinakuwil tungkol sa pananampalataya” (2 Tim. 3:8).

Hindi dapat tularan sina Janes at Jambres na lumaban kay Moises na siyang namahala sa bayan ng Diyos noong una. Sila’y lumaban sa katotohanan, mga taong masasama ang pag-iisip at mga itinakwil tungkol sa pananampalataya kaya tiyak na hindi sila maliligtas.

Sinu-sino pa ang hindi dapat tularan ng sinumang kaanib sa Iglesia Ni Cristo? Sina Core, Datham, Abiram at On na pawang nagsabwatan at naghimagsik kay Moises. Minarapat ng Diyos na ipasulat ang pangyayaring katulad nito sa ikatututo natin.

“Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, sapagkat lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito” (Rom. 15:4).

Anu-ano ang ating matututuhan sa pangyayaring naganap noon nang maghimagsik sina Core, Dathan, Abiram at On laban sa pamamahala ng bayan ng Diyos?

Kapag ang mga tao ay naghimagsik laban sa Pamamahala ng Iglesia at kanila itong tinuya at ininsulto, ang kanila mismong pinaghihimagsikan, tinutuya at iniinsulto ay ang Diyos na siyang pinagmulan ng karapatan ng Pamamahala sa Iglesia.

“Ang Dios ang kinakalaban ninyo sa ginagawa ninyong 'yan. Pagkat sino si Aaron para ireklamo ninyo?” (Blg 16:11 NPV)

Kahit pa sumamba at magdala ng mga handog ang mga naghimagsik sa Pamamahala ng Iglesia, hindi sila tatanggapin ng Diyos.

“Dahil dito, nagalit si Moises at sinabi kay Yahweh, ‘Huwag mong pahahalagahan ang kanilang handog...” (Blg. 16:15 MB)

Ang Diyos ay hindi kailanman papanig sa mga lalaban sa Pamamahala ng Iglesia kung paano na hindi Siya pumanig kay Core at sa kaniyang mga kasabwat. At upang mahadlangan ang mga tao na mag-isip man lamang na pumanig sa mga naghimagsik, sinabi ng Diyos, “Humiwalay kayo sa gitna ng kapisanang ito.”

“At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi, Humiwalay kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sangdali” (Blg. 16:20-21).

Hindi papayag ang Diyos na hindi parusahan ang mga naghimagsik laban sa Pamamahala na inilagay Niya sa Kaniyang bayan.

“Kapag ang mga taong ito’y namatay sa sakit o sa natural na kamatayan, nangangahulugang hindi ako ang sinugo ni Yahweh. Ngunit kapag bumuka ang lupa at sila’y nilulon nang buhay kasama ng lahat ng may kaugnayan sa kanila, nangangahulugang naghimagsik sila kay Yahweh. Hindi pa halos natatapos ang salita ni Moises, bumuka ang lupa, at nilulon nang buhay sina Core pati ang kanilang mga kasambahay at ari-arian” (Blg. 16:29-32 MB).

Kaya naghimagsik sina Core at ang mga kasabwat nito laban kay Moises ay hindi dahil sa ipinagmamalasakit nila ang kapakanan ng bayan ng Diyos kundi dahil may hinihingi sila na hindi naman para sa kanila at nais nila itong agawin. Ito rin ang dahilan kaya may lumalaban sa Pamamahala ngayon ng Iglesia, hindi para ipagmalasakit ang Iglesia kundi dahil sa kanilang pansariling kapakinabangan.

“Kayong mga Levita’y ibinukod na ni Yahweh upang maglingkod sa harapan niya, bakit ibig pa ninyong agawin pati ang pagiging saserdote? Dahil sa hangad ninyong iyan ay nagkakaisa kayo laban kay Yahweh” (Blg. 16:10-11).

Maging ang apostol na si Apostol Judas Tadeo ay binanggit ang pangyayari tungkol kay Core upang bigyang-diin sa mga Cristiano noon ang kasamaan ng paghihimagsik at paglaban sa Pamamahala.
“Ngunit nilalait ng mga taong ito ang di nila nalalaman; at ang mga bagay na likas nilang nalalaman—tulad ng mga hayop—ay ginagamit nila sa kanilang ikapapahamak. Nakakikilabot ang sasapitin nila, sapagkat sumunod sila sa halimbawa ni Cain. Tulad ni Balaam, sinugba nila ang kamalian dahil lamang sa salapi. Paris ni Core, sila’y naghimagsik at pawang napahamak” (Jud. 1:10-11 MB).

Sana’y napansin ninyo na “Nakakikilabot ang sasapitin” ng mga naghimagsik sa Pamamahala ng bayan ng Diyos. Ito sana ang pag-isipang mabuti ng mga nagtatago sa ilalim ng iba’t ibang pseudonyms na nagsasalita ng masama at ng iba’t ibang mga paglapastangan sa Pamamahala at sa Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia. Maaaring sa tao ay naitatago nila ang kanilang mga masasamang gawain ngunit sa Diyos ay wala silang anumang maitatago sapagkat ayon sa Biblia:
“Nagmamasid siya sa daan ng mga tao, at nakikita niya ang lahat nilang hakbang. Walang karimlan o lihim na mapagtataguan ng gumagawa ng masama” (Job 34:21-22 BSP).

Hindi nga ba’t ito ang nangyari kina Ananias at Safira nang hindi sila lubos na makipagkaisa sa Pamamahala? Silang dalawa lamang ang nag-usap at nagkasundo tungkol sa kanilang masamang gagawin subalit bakit nahayag kay Apostol Pedro ang kanilang pagtataksil? Ito’y iniudyok ng Diyos sa Kaniyang Pamamahala sa Iglesia (Gawa 5:1-10).

Ito rin ang nangyayari sa ating panahon. Inihahayag ng Diyos ang mga nagtataksil at naghihimagsik laban sa Pamamahala ng Iglesia. At upang huwag mahawa ang iba sa masamang gawain ng mga mapaghimagsik na ito, inilalapat sa kanila ang pagtitiwalag tulad ng mahigpit na tagubilin ng Diyos sa pamamagitan ng mga apostol (1 Cor. 5:13 MB).

Ang mga salita ng mga taong naligaw sa katotohanan ay tulad ng ganggrena na kumakalat sa katawan at sumisira ng pananampalataya.

“Iwasan mo ang walang kabuluhang usap-usapan, sapagkat lalong napapalayo sa Dios ang mga gumagawa noon. Parang ganggrenang kumakalat sa katawan ang kanilang mga turo. Kabilang sa mga taong ito sina Himeneo at Fileto, na naligaw na sa katotohanan. Itinuturo nilang naganap na ang pagbuhay sa mga patay, at sinisira nila ang pananampalataya ng ilan” (2 Tim. 2:16-18 NPV).

Ang sangkap ng isang tao na may ganggrena na nasa malubha nang kalagayan ay pinuputol at inaalis upang huwag nang kumalat sa iba pang sangkap ng katawan. Ang Iglesia ay itinulad sa katawan at ang mga kaanib nito ay itinulad sa mga sangkap (1 Cor. 12:27). Kaya inaalis bilang sangkap o itinitiwalag bilang kaanib ang sinumang lumalaban sa Pamamahala upang huwag mahawa ang iba pang mga sangkap o kaanib at upang huwag maligaw sa katotohanan at masira ang pananampalataya. Sa sandali namang sila’y matiwalag na, itinatagubilin pa rin sa mga kapatid na huwag makisimpatiya sa kanila ni huwag silang kausapin o batiin man (2 Juan 1:10-11) sa gayunding kadahilanan—ang salita nila’y magliligaw sa katotohanan at sisira ng pananampalataya. Ito ang nakalulungkot na nangyari sa iba na hindi sumunod sa tagubiling ito. Mas nanaig sa kanila ang simpatiya sa sinapit ng mga natiwalag kaysa sa aral ng Diyos kaya kasama silang naligaw sa katotohanan at nasira ang pananampalataya.

Yayamang ginugunita natin ang nalalapit na kaarawan ni Ka Erdy, nais naming manawagan sa lahat ng mga kaanib na kung tunay nating minahal at kinilala si Kapatid na Eraño G. Manalo at ang kaniyang karapatan bilang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia noong siya’y nabubuhay pa, kikilalanin din natin at mamahalin si Kapatid na Eduardo V. Manalo at ang kaniyang karapatan bilang kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia sapagkat kalooban ni Ka Erdy sa udyok ng Diyos na si Ka Eduardo ang pumalit sa kaniya sa banal na tungkuling ito. Si Ka Eduardo ang sinanay niya sa pangangasiwa at pamamahala sa Iglesia at kaya nang papagpahingahin ng Diyos si Ka Erdy noong 2009, walang anumang alinlangan sa puso ng mga kapatid na si Kapatid na Eduardo V. Manalo ang siyang inilagay ng Diyos bilang kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan ng buong Iglesia Ni Cristo.

Nawa’y magsilbing inspirasyon sa ating lahat ang mga pangungusap na ito ni Apostol Pablo tungkol sa Pamamahala ng Iglesia:

“Ipinamamanhik namin, mga kapatid, na igalang ninyo ang mga nagpapagal para sa inyo, ang mga pinili ng Diyos upang mamahala at magturo sa inyo. Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig, dahil sa kanilang gawain. Magsama-sama kayong mapayapa” (1 Tes. 5:12-13 MB).

Lubos na paggalang at pag-ibig sa Pamamahala ang inaasahan sa atin ng Diyos. Kaya sa ligalig na pinagdaraanan ngayon ng Iglesia, makatuwiran lamang na ang mga tunay na kaanib ay manindigan sa panig ng Tagapamahalang Pangkalahatan at kanila siyang ipagsanggalang kapuwa sa salita at sa gawa.

Bilang pagwawakas, nais naming bigyang-diin na ang tunay na gumugunita sa namahala sa Iglesia ay hindi kailanman lalaban o maghihimagsik sa Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo.

Saturday, December 26, 2015

Ang Marapat Na Pag-alaala Sa Namahala Sa Atin (Part 10 of 11)

Ang 10 Utos Ng Diyos Upang Maingatan Ang Kaligtasan

Ikasiyam na Utos

HUWAG IPAGWAWALANG BAHALA ANG PAGTUPAD SA MGA TUNGKULIN
(Jer. 48:10 MB)

“Sumpain siya na pabaya sa pagtupad sa gawain ni Yahweh!...”

Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Pebrero 01/02, 1997 ay binigyang-diin ang kahalagahan ng mga tungkulin sa loob ng Iglesia Ni Cristo. Ang katunayang may kinalaman sa kaligtasan ang matapat na pagtupad sa tungkulin ay ang ibinabala ng Diyos na susumpain Niya ang sinumang nagpapabaya sa pagtupad sa gawain ng Panginoon.

Sa panahon pa ng bayang Israel ay naglagay na ang Diyos ng mga maytungkulin na tinawag niyang “bantay.”

“Pagkatapos ng pitong araw, dumating sa akin ang salita ng PANGINOON: ‘Tao, ginawa kitang bantay sa sambahayan ng Israel; kaya makinig ka sa sasabihin ko at ipaabot mo sa kanila ang babala buhat sa akin’” (Ezek. 3:16-17 NPV).

Ipinakikilala nito ang kadakilaan ng tungkulin yayamang ang karapatang ito ay hindi sa tao nanggaling kundi sa Diyos.

Bakit tinawag na bantay ang mga maytungkuling ito? Ano ang pananagutan ng mga bantay na inilagay ng Diyos sa Kaniyang bayan?

“Kapag sinabi ko sa masamang tao, ‘Tiyak na mamamatay ka’, at hindi mo siya binabalaan o hindi ka magsalita para sawayin siya sa masama niyang gawain upang mailigtas ang kanyang buhay, mamamatay ang taong iyon dahil sa kanyang kasalanan, ngunit pananagutin kita sa kanyang dugo” (Ezek. 3:18 NPV).

Pananagutan ng mga itinalagang bantay na magbabala at sawayin ang mga nasa bayan ng Diyos na gumagawa ng masama. Hindi nila ito maaaring ipagwalang-bahala sapagkat mananagot sila sa Diyos kapag may nangyaring masama sa hinirang ng Diyos na hindi nila binabalaan o sinaway.
Napakahalagang maintindihan ito ng lahat ng mga kapatid. Hindi nila dapat ikatisod, ipagdamdam o ikasama ng loob kapag sila ay binababalaan o sinasaway ng mga ministro, manggagawa at maytungkulin kapag mayroon silang ginagawa na lihis na sa mga gawain ng isang Cristiano. Kung bakit ay sapagkat ang pagbibigay ng babala at saway ay kahayagan ng pag-ibig at pagmamalasakit sapagkat ayaw ng Pamamahala sa Iglesia na ang mga natawag na sa loob ng Iglesia Ni Cristo ay humantong pa sa kapahamakan.

Sa panahong Cristiano, ano ang layunin ng Diyos sa paglalagay Niya ng iba’t ibang tungkulin at maytungkulin sa Iglesia?

“At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba’y propeta; at ang mga iba’y evangelista; at ang mga iba’y pastor at mga guro; Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo: Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo: Upang tayo’y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian” (Efe. 4:11-14).

Ang panguhing layunin ng Diyos sa paglalagay Niya ng iba’t ibang tungkulin at maytungkulin sa Iglesia ay sa ikasasakdal ng mga banal. Mahalagang marating ng bawat isa ang kasakdalan sapagkat ito ang uri ng kaparat-dapat humarap kay Cristo (Col. 1:28-29) at magtamo ng pangakong kaligtasan.
Ano pa ang pinagsisikapang matupad ng mga maytungkulin sapagkat ito ay kabilang sa mga layunin ng Diyos sa paglalagay sa kanila sa Iglesia? Sinabi ni Apostol Pablo na:

“Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya.”

Kaya ang mga maytungkulin ay kaisa ng Pamamahala sa layuning mapanatili ang pagkakaisa ng Iglesia. Hindi papayag ang mga tunay na maytungkulin na ang Iglesia ay magkabaha-bahagi. Kaya kung sa hanay ng mga nasasakupan ng mga maytungkulin ay may lumilikha ng pagkakampi-kampi gaya ng pagsasalita o pagsusulat ng anumang laban sa Pamamahala, ito ay agad nilang kinakausap at pinagpapayuhang magbago. Kung sa kabila ng mga pagbibigay sa kaniya ng babala at saway ay ayaw pa niyang magbago ay iniuulat siya sa Pamamahala upang malapatan ng kaukulang aksiyon.

Kaya kung may mga natiwalag man sa Iglesia, wala silang dapat sisihin kundi ang kanilang sarili. Hindi nila dapat sisihin ang Destinado at Pamunuan ng Lokal na nagrekumenda na sila’y itiwalag at ang sinumang kapatid na nag-ulat sa kanila. Ang Destinado at Pamunuan ng Lokal ay nagrerekumenda lamang at hindi silang nagpapasiya ng pagtitiwalag. Ang pasiya ng pagtitiwalag ay nagmumula sa Pamamahala na siyang inutusan ng Diyos na itiwalag ang sinumang kaanib na nabubuhay sa kasamaan (1 Cor. 5:13 MB).

Sa halip na magngitngit sa galit ang mga natiwalag at maghanap ng kapintasan at kasiraan ng mga nag-ulat at nagrekumenda sa kanila na sila’y matiwalag, ang dapat nilang gawin ay kilalanin ang kanilang pagkakamali at kasalanan, magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos.

Sa muli, nais naming iparinig sa inyo ang tinig ni Ka Erdy at nawa’y maging kasangkapan ito para magbalik-loob ang mga natiwalag na hanggang ngayon ay hindi naman nawawaglit sa kanilang gunita ang alaala ng dating namahala sa Iglesia:

EGM on Unity

transcript

Kapatid na Eraño G. Manalo: Gusto ninyong magkaisa kayo? Pagsakitan ninyo ang pakikipagkaisa sa Espiritu. “Eh ako ho naman ay kaisa ng Diyos talaga eh.” Paano ba ang pakikiisa sa Diyos? Yung Espiritu … Diyos, 1:3 [1 Juan]…

Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “Ipinahahayag nga namin sa inyo ang aming nakita’t narinig...”

Kapatid na Eraño G. Manalo: “…upang…”

Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “…makasama namin kayo sa pakikiisa sa Ama…”

Kapatid na Eraño G. Manalo: …yung pamamahala ang may pakikiisa sa Ama, doon ka sasama,

Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “at sa Kaniyang…”

Kapatid na Eraño G. Manalo: kita mo sabi roon, “makasama namin kayo sa pakikiisa sa Ama.”
Samakatuwid, sasama ka sa Pamamahala, saka ka lang makakaisa ng Ama at ng Anak na si Jesucristo. E sabi ng iba, ah basta ako sa Diyos, pero kung ako’y susunod pa riyan sa pasiya ng Pamamahala... Ganyan ba ang utak ng mga unang Iglesia Ni Cristo? Ganyan ba ang isipan ng unang Iglesia Ni Cristo? Sinasabi ba nila Diyos na lang, puwera na Pamamahala… Pero ang unang Iglesia, heto sa 2 Corinto [8:5] MB:

Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “At higit pa sa inaasahan ko inilaan nila ang kanilang sarili,”

Kapatid na Eraño G. Manalo: heto…

Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “una sa Panginoon at…”

Kapatid na Eraño G. Manalo: wala na … wala na… tapos na sitas, hindi ba? Sige…

Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “At higit pa sa inaasahan ko inilaan nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos, sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos.”

Kapatid na Eraño G. Manalo: Ano ba ang ibig sabihin yung inilaan nila sa amin, pagkatapos sa Diyos, sa amin, ano ang ibig sabihin noon? 13:17 [Hebreo, NPV]

Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “Sundin ninyo ang mga nangangasiwa sa inyo, at pasakop kayo sa kanilang pamamahala. Sila ang mangangalaga sa inyo…”

Kapatid na Eraño G. Manalo: letra por letra iyon.

Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “… at mananagot sa paglilingkod na ito. Sundin ninyo sila upang maging kagalakan at hindi pabigat …”

Kapatid na Eraño G. Manalo: Tinatanong ko kayo mga kapatid, atas ba o payo lang? Atas eh.

Ano ang itinagubilin ni Apostol Pedro sa lahat ng mga maytungkulin sa Iglesia?

“Sa matatanda nga sa inyo’y umaaral ako, akong matandang kasamahan ninyo, at isang saksi ng mga hirap ni Cristo, na may bahagi naman sa kaluwalhatiang ihahayag: Pangalagaan ninyo ang kawan ng Dios na nasa inyo, na magsigamit kayo ng pagpupuno, na hindi sapilitan, kundi may kasayahan, na ayon sa kalooban ng Dios; ni hindi dahil sa mahalay na kapakinabangan, kundi sa handang pagiisip” (1 Ped. 5:1-2).

Dapat pangalagaan ang kawan ng Diyos na siyang Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28 Lamsa). Ito ang dapat suriing mabuti ng mga ministro at manggagawa na ngayo’y tiwalag na dahil sa paglaban sa Pamamahala. Hindi ba nanumpa kayo sa Diyos na tutuparin ninyo nang buong puso ang inyong tungkulin at kabilang sa mga tungkuling ito ang pangangalaga sa kawan? Paano ninyo masasabing natutupad ninyo ang tungkuling ito kung kayo ay wala o nasa labas ng kawan?

Ang masaklap pa nito ay hinihikayat pa ninyong lumabas sa kawan at sumama sa inyong grupo ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Wala na bang talab sa inyo ang babala ng Biblia na sinitas sa unahan?:

“Sumpain siya na pabaya sa pagtupad sa gawain ni Yahweh!...”

Yayamang ang mga maytungkulin lalo na ang mga ministro at manggagawa ay inaatasang pangalagaan ang Iglesia Ni Cristo, ano ang nararapat na pagsikapan ng bawat isa ayon pa rin kay Apostol Pedro?

“Ni hindi din naman ang gaya ng kayo’y may pagkapanginoon sa pinangangasiwaang ipinagtagubilin sa inyo, kundi kayo’y maging mga uliran ng kawan” (1 Ped. 5:3).

Ang maytungkulin sa bayan ng Diyos ay uliran ng Iglesia na pinangangasiwaan nila. Uliran sila sa lahat ng bagay—sa pananampalataya (hindi sila matitisurin), sa pag-ibig (hindi maiinggitin) at maging sa pagpapasakop sa Pamamahala (hindi sila pa ang nag-uudyok sa mga kapatid ng paglaban sa Pamamahala).

Yayamang sumasampalataya ang mga maytungkulin na ang tungkulin nila ay galing sa Diyos at sa Diyos din sila magbibigay-sulit, ano ang kanilang pinakahahangad at inaasahan?

“Ang aking pinakananais at inaasahan ay huwag akong magkulang sa aking tungkulin, kundi magkaroon ako ng lakas ng loob sa lahat ng panahon upang, sa mabuhay o sa mamatay, mabigyan ko ng karangalan si Cristo. Sapagkat para sa akin si Cristo ang buhay at dahil dito'y pakinabang ang kamatayan” (Fil. 1:20-21 MB).

Ang pinakananais at inaasahan ng mga tunay na maytungkulin ay huwag magkulang sa tungkulin. Kaya kung mayroong dapat bigyan ng “saludo” ng pagkilala, sila ang mga ministro, manggagawa at maytungkulin na kahit saan naroon, sa malapit man o sa malayong lugar, may pag-uusig man o wala, maginhawa man ang buhay o mahirap, ay tumutupad ng kani-kanilang tungkulin kahit magtiis sila at mamuhunan ng maraming sakripisyo.

Binibigyang-diin namin ito sapagkat iba naman ang pananaw ng mga natiwalag na nagsilaban sa Pamamahala ng Iglesia. Ang sinasaluduhan nila ay ang gaya nila na lumaban sa Pamamahala, mga nagbitiw sa tungkulin, mga ibinaba ang sariling tarheta at kung sinu-sino pang mga tumalikod sa tungkuling sinumpaan nila sa Diyos.

Samantala, ang lahat ng mga ministro, manggagawa at maytungkulin na nanindigan sa panig ng Pamamahala at hanggang ngayon ay walang tigil sa pagpapagal at sa pagtupad ng tungkuling sinumpaan sa Diyos ang binabansagan nilang uto-uto, bulag, traydor, minions at kung anu-ano pang masasakit na mga pananalita. Lalo na ang mga ministro at manggagawa na naging vocal sa pagsagot sa kanilang mga paninira at paratang ay ginagawan nila ng kuwento at inuungkat ang kahit ano na maaaring ungkatin para siraan ang kanilang pagkatao.

Nananawagan kami sa mga ministro, manggagawa at maytungkulin ng Iglesia na nagdaranas ng gayong mga pag-uusig at pag-upasala. Hindi kayo ang unang nakaranas nito. Narito ang katunayan sa Biblia:

Sinabi nila, “Halikayo, magplano tayo laban kay Jeremias; pagkat ang pagtuturo ng kautusan sa pamamagitan ng saserdote ay hindi mawawala, ni ang payo ng matalino, ni ang mga salita mula sa mga propeta. Kaya halikayo, salakayin natin siya sa pamamagitan ng ating mga dila at huwag nating pakinggan ang anumang sabihin niya” (Jer. 18:18 NPV).

Maging ang propeta na si Jeremias ay pinagplanuhan ng masama ng mga taong kalaban ng katotohanan. Nagkaisa sila salakayin siya sa pamamagitan ng kanilang dila. Ano ang katumbas nito sa mga salin ng Biblia sa Ingles:

“…So, instead of listening to Jeremiah any longer, let’s accuse him of a crime” (CEV).

“So let’s ruin him by telling lies about him. We won't pay attention to anything he says” (NCV).

“So let’s verbally attack him. Pay no attention to anything he says!” (ISV).

“Let’s spread rumors about him and ignore what he says” (NLT).

Ang mga kalaban ng propeta ng Diyos na si Jeremias ay nagkasundo na akusahan siya ng krimen, magsabi ng kasinungalingan laban sa kaniya upang siya ay siraan, atakehin siya sa pamamagitan ng mga salita at magkalat ng tsismis tungkol sa kaniya. Sounds familiar? Hindi ba dito nagpakadalubhasa sina Heliodoro Joy a.k.a. “Kelly Ong” Yuson, Rovic a.k.a. “Sher Lock” Canono at ng marami pa nilang mga kasamang tumalikod?

Alam ba ninyo na dahil sa tinidi ng hinagpis ni Jeremias sa mga taong ito na nagplano ng masama laban sa kaniya at nagkasundo pang siraan ang kaniyang pagkatao sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga kasinungalingan at tsismis, ay nasabi niya ang ganito sa kaniyang panalangin sa Diyos:
“Ngunit, PANGINOON, alam mo ang buong plano nila ng pagpatay sa akin. Huwag mong ipatawad ang kanilang kasamaan, ni pawiin sa paningin mo ang kanilang mga kasalanan. Bayaan silang bumagsak sa iyong harapan, pakitunguhan mo sila sa panahon ng iyong pagkagalit” (Jer. 18:23 NPV).

Palibhasa’y mga taong ring may damdaming nasasaktan ang mga maytungkulin kaya kung minsan ay halos katulad na rin nito ang nagiging panalangin nila sa Diyos laban sa mga taong lumalapastangan sa Pamamahala sa Iglesia at sa mga ministro, manggagawa at maytungkulin na naninindigan sa panig nila.

Sa pag-aalala natin sa nalalapit na kaarawan ni Ka Erdy, pabayaan ninyong sitasin namin ang talata ng Biblia na madalas ay laman ng kaniyang lektura sa mga ministro, manggagawa at maytungkulin:

“Mapalad ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon!” (Mat. 24:46 BMB).

Ayon mismo sa Tagapagligtas na si Cristo, ang alipin na mapalad ay ang tapat na naglingkod hanggang sa pagbabalik ng Kaniyang Panginoon—hindi ang nagbitiw at tumalikod sa tungkulin.

Ang Marapat Na Pag-alaala Sa Namahala Sa Atin (Part 09 of 11)

Ang 10 Utos Ng Diyos Upang Maingatan Ang Kaligtasan

Ikawalong Utos

HUWAG KALILIGTAAN ANG GAWANG PAGBUBUNGA
(Juan 15:2, 6)

“Ang bawa’t sanga na sa akin ay hindi nagbubunga, ay inaalis niya: at ang bawa’t sanga na nagbubunga ay nililinis niya: upang lalong magbunga. Kung sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya’y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog.”

Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Enero 29/30, 1997 ay ipinakilala ang kahalagahan ng gawang pagbubunga. Ang katunayang ito ay may kinalaman sa kaligtasan ay ang ibinabala ni Cristo sa sanga na hindi nagbubunga—ang gayo’y aalisin ng Ama at pagkatapos ay ihahagis sa apoy at masusunog o hindi maliligtas.

Ang gawang pagbubunga ay pangunahing tungkulin ng bawat isang Iglesia Ni Cristo. Ito ang isa sa mga dahilan kaya ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay itinulad ni Cristo sa mga sanga na nakaugnay sa Kaniya na puno.

“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin” (Juan 15:5 MB).

Dapat mapansin na inuri ang dapat ibunga ng mga sanga at hindi basta makapagbunga lamang. Ayon kay Cristo, marapat na ang mga sanga ay mamunga nang sagana.

Ano ang masaganang bunga na dapat ibunga ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo?

“Gayon din naman, mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan nang kayo’y maging bahagi ng katawan ni Cristo, upang maging kabiyak ni Cristo na muling binuhay, at magbunga ng mabubuting gawa ukol sa Diyos” (Rom. 7:4 MB).

Maliwanag ayon kay Apostol Pablo na tayo ay dapat magbunga ng mabubuting gawa ukol sa Diyos. Bagaman marami ang mabubuting gawa ukol sa Diyos subalit alin ang isa sa mga mabubuting gawa na dapat ibunga ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo?

“At ang iba’y inyong iligtas, na agawin ninyo sa apoy; at ang iba’y inyong kahabagan na may takot. ...” (Jud. 1:23)

Ang pag-agaw sa apoy ay isang mabuti at ang totoo’y isang dakilang gawain. Sa pamamagitan nito, magagawa nating mailigtas ang mga tao na nakatakda na sanang lipulin sa pamamagitan ng apoy pagdating ng Araw ng Paghuhukom (2 Ped. 3:7).

Paano magagawa ng lahat ng kaanib ang pag-agaw sa tao upang iligtas sa kaparusahan sa apoy?
“Ang pagliligtas mo’y aking inihayag Saanman magtipon ang ‘yong mga anak; Di ako titigil ng pagpapahayag. Ang pagliligtas mo’y ipinagsasabi, Di ko inilihim sa aking sarili; Pati pagtulong mo’t pag-ibig na tapat, Sa mga lingkod mo’y isinisiwalat” (Awit 40:9-10 MB).

Ito ang dahilan kaya ang mga mananampalatayang kapatid ay masigasig sa pagmimisyon at sa pagtulong sa gawaing pagpapalaganap ng ebanghelyo. Bagaman ang marami ay nakapagbunga na ng bungang kaluluwa, gayunman, katulad ng mga unang lingkod ng Diyos, hindi sila tumitigil ng pagpapahayag upang ipagsabi ang pagliligtas ng Diyos. Kahit ang Iglesia ngayon ay dumadaan sa pagsubok at sa matinding pag-uusig, ang mga kapatid naman na natamnan ng aral na ito ay buong pusong nakikipagkaisa sa Pamamahala sa puspusang pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos.

Naalaala nila ang binanggit ni Ka Erdy noong nabubuhay pa na ibinibigay ng Diyos sa atin ang teknolohiya para gamitin natin sa kapakanan ng Iglesia. Kaya naman maging ang internet sa pamamagitan ng social media ay ginagamit na rin ng mga kapatid ngayon para ibahagi ang kanilang pananampalataya sa mas maraming bilang ng mga tao saanman silang bahagi ng mundo naroroon.

Nakalulungkot lamang na ang mga natiwalag na naghimagsik sa Pamamahala sa Iglesia ay ginamit din ang social media subalit sa maling paraan. Ginamit nila ito sa paghahasik ng mga kasinungalingan at paninira laban sa Iglesia at sa Pamamahala nito kaya ang mga taong inaanyayahan ng mga kapatid na magsuri ay tila baga bantulot na magpaunlak dahil sa pinagdaraanang ito ng Iglesia.

Kaya nais naming manawagan sa mga natiwalag na kung talagang inaalaala ninyo ang kaarawan ni Ka Erdy, aalalahanin rin ninyo ang kaniyang mensahe noon tungkol sa paggamit ng internet—na ito ay magamit sa ikabubuti at hindi sa ikasasama ng sinuman lalo na ng Iglesia. Itigil na ninyo ang paghahasik ng mga kasinungalingan at paninira at magbalik-loob na kayo.

Bakit mahalaga na makapagbalik-loob ang mga nahiwalay sa Iglesia Ni Cristo?

“Kayoy manatili sa akin, at ako’y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo'y manatili sa akin. Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako'y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. Kung sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya’y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog” (Juan 15:4-6).

Mahalaga na makapagbalik-loob ang mga nahiwalay sa Iglesia Ni Cristo sapagkat hangga’t sila ay nasa kalagayang hiwalay kay Cristo ay hindi nila magagawa ang magbunga. Bukod sa gawang mabuti, ang hindi nila magagawa maibunga ay ang bunga ng kabanalan.

“Na mangapuspos ng bunga ng kabanalan, na ito’y sa pamamagitan ni Jesucristo, sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Dios” (Fil. 1:11).

Sana maisip ito ng mga natiwalag. Huwag nilang papaniwalain ang kanilang sarili na kahit sila’y tiwalag ay tinatanggap ng Diyos ang kanilang ginagawang pagsamba. Hindi nagbabago ang itinuro ng Sugo ng Diyos, na itinuro rin ni Kapatid na Eraño G. Manalo, na ay hanggang ngayon ay itinuturo ng kasalukuyang Tagapamahalang Pangkahalatan ng Iglesia Ni Cristo, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo na ayon sa Biblia, ang hiwalay kay Cristo ay walang pag-asa at walang Diyos o walang karapatang dumiyos sa Diyos.

Mahalaga ring makapagbalik-loob ang mga nahiwalay sa Iglesia Ni Cristo habang may pagkakataon pa sapagkat tapos na ang pasiya sa lahat ng aabutan ng kamatayan o ng Araw ng Paghuhukom na nasa kalagayang nahiwalay kay Cristo o hiwalay sa Iglesia Ni Cristo (kusa mang humiwalay sa paraang kusang tumiwalag o inihiwalay sa paraang itiniwalag):

“Kung sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya’y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog.”

Huwag ninyong isipin na kami lang ang may gusto na kayo ay magbalik-loob. Ang totoo’y kabilang pa rin sa gawang pagbubunga ang pagpapabalik-loob ng mga taong nalihis sa katotohanan. Ito ang kalooban ng Diyos na itinuro ni Apostol Santiago:

“Mga kapatid, kung nalilihis sa katotohanan ang isa sa inyo at may isang nagpapanumbalik sa kanya—ito ang tandaan ninyo: ang sinumang nagpapanumbalik sa isang makasalanan mula sa kanyang maling pamumuhay ay nagligtas ng kaluluwa nito sa kamatayan, at sa gayo’y napawi ang maraming kasalanan.”

Sa panig naman ng natin na mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo, pakaingatan natin ang kaugnayan nating ito ay Cristo. Huwag tayong gagawa ng anumang bagay na ikaaalis o ikatitiwalag natin sa Iglesiang ito. At kung paanong sinisikap nating mabuti na maingatan ang ating pagiging kaanib sa Iglesia Ni Cristo, sikapin din nating mabuti na mamunga nang sagana sapagkat sinabi ni Cristo na:
“Napararangalan ang Ama kung kayo’y namumunga nang sagana at sa gayo’y napatutunayang mga alagad ko kayo” (Juan 15:8 MB).

At dahil sa napararangalan o naluluwalhati natin ang Ama, kaya may garantiya Siya na hindi Niya malilimutan ang lahat ng ginawa nating ito at pagdating ng panahon ay ating kakamtin ang ating inaasahan.

“Makatarungan ang Diyos. Hindi niya lilimutin ang inyong ginawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita at hanggang ngayo’y ipinakikita sa paglilingkod ninyo sa inyong mga kapwa Cristiano. At pinakananais ko na ang bawat isa sa inyo’y patuloy na magsumikap hanggang wakas upang kamtan ninyo ang inyong inaasahan” (Heb. 6:10-11 MB).

Kaya yamang hinahangad nating alalahanin ang mga namahala sa atin, pagtalagahan natin ang gawaing pagpapalaganap at ang pagbubunga ng mga gawa ng kabanalan sapagkat sa pamamagitan nito ay nadudulutan natin ng kasiyahan at kaluwalhatian ang Diyos at napatatatag natin ang ating pagkakaugnay kay Cristo bilang Kaniyang sanga. 

Huwag nating panghinayangan ang ating pinupuhunang mga hirap sa pagsasagawa nito sapagkat hindi lilimutin ng Diyos ang ating mga ginawa.

Friday, December 25, 2015

Ang Marapat Na Pag-alaala Sa Namahala Sa Atin (Part 08 of 11)

Ang 10 Utos Ng Diyos Upang Maingatan Ang Kaligtasan

Ikapitong Utos
HUWAG PABABAYAANG WASAK ANG SAMBAHAN

(Hag. 1:8 NPV)

“Umahon kayo sa kabundukan, kumuha ng mga kahoy at itayo ninyo ang bahay upang makadama ako ng kasiyahan dito at maparangalan, sabi ng PANGINOON.”

Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Enero 25/26, 1997 ay binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtatayo at pagpapanatili ng mga bahay-sambahan ng Iglesia Ni Cristo at maging ang kahalagahan ng paghahandog o pag-aabuloy.

Dahil sa utos ng Diyos ang pagtatayo ng mga bahay-sambahan, kaya naman ang gawaing ito ay itinataguyod ng Iglesia mula pa sa panahon ng Pamamahala nina Kapatid na Felix Y. Manalo at Kapatid na Eraño G. Manalo hanggang sa kasalukuyang Pamamahala ni Kapatid na Eduardo V. Manalo.

Maging noong una, ang pagpapasiya kung kailan patatayuan ng bagong gusaling-sambahan ang isang Lokal at kung kailan gagawin ang mga kinakailangang renovation ay nasa Pamamahala ng Iglesia sa pamamagitan ng Tagapamahalang Pangkalahatan at ng kanilang mga pangunahing pinagtitiwalaan sa gawaing ito. Bagaman, hinahangad ng iba na mapagsabay-sabay ang mga gawaing ito ngunit ang pangunahing isinasaalang-alang ng Pamamahala sa pagtataguyod ng mga contruction and renovation projects ay ang nakasulat sa Biblia:

“Kung ang isa sa inyo’y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon?” (Luk. 14:28 MB)

Pansinin na tore lamang ang itatayo ay tatayahin muna ang magugugol at titiyakin kung may sapat na salaping maipagpapatapos niyon, gaano pa kung ang itatayo ay mga gusaling-sambahan?
Nauunawaan ito ng mga tunay na kapatid kaya sa sandaling maiparating nila ang kahilingan nila sa Pamamahala tungkol man ito sa pagbili ng lupa na pagtatayuan ng gusaling-sambahan o sa mismong pagtatayo ng gusaling-sambahan o kaya ay sa renovation nito, matiyaga silang naghihintay at nagpapasakop sa pasiya ng Pamamahala kung kailan ito mapagtitibay.

Habang hinihintay nila ang pasiya ng Pamamahala ng Iglesia ay isinasaayos nila at sinisinop kung ano man ang mayroon sila sa kasalukuyan sa abot ng kanilang makakaya. Hindi sila kailanman magrereklamo at lalong hindi sila babaling sa social media at magsusumbong kung kani-kanino sapagkat ang bagay na ito ay ang mga bagay na panloob lamang ng Iglesia.

Maging ang pagpapasiya sa laki o liit ng mga ipinatatayong gusaling-sambahan at ang mga materyales na gagamitin dito ay kinikilala ng mga tunay na kaanib sa Iglesia Ni Cristo na nasa karapatan at diskresyon ng Pamamahala.

Kung ang Iglesia man ngayon ay nagtatayo ng mga tinatawag na barangay chapels ay dahil lamang sa matindi at madaliang pangangailangan. Matatandaan na inilunsad ng Pamamahala sa pangunguna ni Kapatid na Eduardo V. Manalo ang Puspusang Pagpapalaganap ng Ebanghelyo na kinapalooban ng tinatawag na mga Barangay Evangelical Missions. Dahil sa malaking tagumpay ng gawaing ito at dahil na rin sa pagkaakit ng maraming mga tao sa Iglesia lalo na yaong mula sa mga dakong malalayo at liblib, mga dako na dati-rati’y hindi naaabot ng pangangaral ng Iglesia, kaya bumangon ang isang madaliang pangangailangan—ang isang pansamantalang dako na mapagsasambahan ng mga naakit na ito at dako kung saan din patuloy na mailulunsad ang mga gawaing pagpapalaganap upang marami pa ang taong maabot ng balita ng kaligtasan na ipinangangaral ng Iglesia Ni Cristo.

Ang mga kapatid kasama na ang mga dinuduktrinahan at sinusubok na nabiyayaang mapagtayuan ng barangay chapel ang kanilang Lokal o extension ay labis na natutuwa at lubos na nagpapasalamat sa Pamamahala sapagkat nailapit sa kanilang tinitirhan ang dako ng pagsamba. Nakalulungkot naman na ito ay pinupuna ng mga natiwalag na lumaban sa Pamamahala. Ito ay isyu na kanilang ginagamit para palitawing bangkarote na ang Iglesia, bagay na walang bahid ng kahit katiting na katotohanan.

Paano natutugunan ng Iglesia ang mga gugulin sa mga construction and renovation projects na ito maging ang may kinalaman sa maintenance ng mga bahay o gusaling-sambahan at ng iba pang gusali na ginagamit sa paglilingkod sa Diyos?

“At nagkagayon, nang dalhin ang kaban sa kawanihan ng hari, sa pamamagitan ng kamay ng mga Levita, at nang kanilang makita na maraming salapi, na ang kalihim ng hari at ang pinuno ng pangulong saserdote ay naparoon at inalisan ng laman ang kaban, at kinuha, at dinala uli sa dakong kinaroroonan. Ganito ang kanilang ginawa araw-araw, at nagtipon ng salapi na sagana” (2 Kron. 24:11).

Ang unang bayan ng Diyos ay naghandog araw-araw kung kaya’t nakapagtipon sila ng salapi na sagana. Ipinakikilala nito na mataas ang pagpapahalaga nila sa gawang paghahandog anupa’t kahit araw-araw nila itong ginawa ay hindi sila natisod at hindi rin nila kinuwestiyon ang namamahala sa kanila kung bakit nila ito ginawa. Lalong hindi nila pinagdudahan ng katiwalian ang mga nangunguna sa kanila.

Kung ang natiwalag kayang ito na lumaban sa Pamamahala ng Iglesia sa kasalukuyan ay nabuhay noong mga panahong iyon, marahil ay tisod na tisod sila sa ipinasiya noon ng namamahala sa bayan ng Diyos. At kung may FaceBook na noon, marahil ay ilalagay nila sa kanilang FaceBook wall ang mga salita ng panunuya gaya ng “handugan ng Lunes, handugan na naman ng Martes, handugan uli ng Miyerkules at handugan hanggang Linggo. Wala na bang katapusang handugan ito.” Baka ang iba sa kanila ay magvi-“vigil” pa sa labas ng Templo noon na may placards na ang nakasulat ay pawang naghahayag ng pagkatisod nila sa gawang paghahandog.

Bukod sa pagtatayo ng mga gusaling-sambahan, ang mga salaping natitipon ng bayan ng Diyos mula sa gawang paghahandog ay iniuukol sa pagsasaayos at sa pagpapanatiling maayos at malinis ng mga gusaling-sambahan at maging sa paggawa ng mga kagamitan at kasangkapang ginagamit nila sa mga paglilingkod sa Diyos (2 Cron. 24:11-14 MB).

Ang pamamaraang ito ng masaganang paghahandog ang tinupad ng Iglesia Ni Cristo maging noong siglo. Si Apostol Pablo mismo ang nagpatotoo nito:

“Ibig kong ibalita sa inyo, mga kapatid, ang nagawa ng pag-ibig ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia. Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanya.  At sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukas ang palad sa pagbibigay. Sila’y kusang-loob na nag-abuloy hindi lamang ayon sa kanilang kaya, kundi higit pa.  Alam ko ito pagkat mahigpit nilang ipinamanhik sa akin na sila'y bigyan no pagkakataong makatulong sa mga kapatid sa Judea. At higit pa sa inaasahan ko inilaan nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos, sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos” (2 Cor. 8:1-5 MB).

Ang mga mananampalatayang kapatid ngayon ay tulad din ng mga Cristianong ito sa dako ng Macedonia. Kahit ang marami ay mahihirap lang at ang totoo’y inuusig at inuupatan pa ng mga tiwalag na nagsilaban sa Pamamahala, gayunma’y “masayang-masaya pa rin sila at bukas ang palad sa pagbibigay.” Minsan pa ay napatunayan ito nang maghandog sila nang sagana noong nakaraang taunang Pasalamat.

Hindi sila napadala sa mga paninira ng mga kaaway ng Iglesia na kung anu-anong paratang ng katiwalian ang ikinakalat maging sa social media nang walang matibay na batayan. Hindi sila naakit sa sinasabi ng mga tiwalag na lumaban sa Pamamahala na huwag daw munang dalhin ang handog pasalamat o kaya ay kaunti lang daw ang ibigay muna at itira ang mas malaking halaga at ilagak muna sa bangko.

Nahalata ng mga tunay na kaanib ang talagang layunin ng mga tiwalag na ito na kahit pinsalain ang Iglesia ay gagawin makaganti lamang sa Pamamahala na itinuring nilang kalaban. Hindi nga ba’t ang mga ito ang nag-uudyok sa mga kaanib na sa loob ng tatlong buwan ay huwag munang maghandog ng abuloy para maapektuhan daw ang pananalapi ng Iglesia?

Ang tanong, bakit hindi nila naakit ang mga mananampalatayang kapatid na gawin ang gusto nilang mangyari? Sapagkat alam ng mga kaanib na ang Diyos ang may utos na sa tuwing pagsamba ay magdala ng handog o abuloy. Alam din nilang kasalanan sa Diyos ang matisod sa banal na gawaing ito. Ito ang dahilan kaya ang Iglesia ay patuloy sa pagtagumpay at sa pagtatayo ng malalaking gusaling-sambahan at ng iba pang gusali na ginagamit sa paglilingkod sa Diyos sa kabila ng pag-uusig at paninirang ito ng mga kaaway ng ating pananampalataya.

Palibhasa’y ang bahay-sambahan ay bahay ng Diyos, tahanan ng Kaniyang kaluwalhatian at pangalan na doon ginagawa ang tunay na pagsamba sa Kaniya at doon din ipinangako ni Cristo na doroon Siya sa panahon ng pagkakatipon sa Kaniyang pangalan, marapat lamang na pag-ukulan ito ng mataas na pagkakilala at pagpapahalaga.

Kaya ang tunay na gumugunita sa nalalapit na kaarawan ni Ka Erdy ay hindi kailanman matitisod sa gawang paghahandog. Hindi nila kailanman lalapastangin ang gusaling-sambahan at ang banal na pagsamba na isinasagawa sa loob nito. Hindi nila gagawin ang mag-walk out sa panahon ng pagsamba o ang magsagawa ng vigil sa labas ng compound nito.

Ang Marapat Na Pag-alaala Sa Namahala Sa Atin (Part 07 of 11)

Ang 10 Utos Ng Diyos Upang Maingatan Ang Kaligtasan

Ikaanim na Utos
HUWAG SISIRAIN ANG PAG-IIBIGANG MAGKAKAPATID
(1 Juan 3:14-15)

“Nalalaman nating tayo’y nangalipat na sa buhay mula sa kamatayan, sapagka’t tayo’y nagsisiibig sa mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananahan sa kamatayan. Ang sinomang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan.”

Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Enero 22/23, 1997 ay sinariwa sa mga kapatid ang utos ng Diyos tungkol sa pag-iibigang magkakapatid. Ang katunayang may malaking kinalaman ito sa kaligtasan ay ang itinuro ni Apostol Juan na:

“Ang sinomang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan.”

Sa halip na magmana ng buhay na walang hanggan, ang mamamatay-tao, gaya ng napopoot sa kaniyang kapatid, ay nakatakdang ibulid sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre na siyang ikalawang kamatayan.

“Nguni’t sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan” (Apoc. 21:8).

Kaya hindi dapat na ituring na isang magaan na kasalanan ang pagkapoot sa kapatid. Ang katunayan na isang napakabigat na kasalanan ang pagsira sa kapatiran ng Iglesia ay ang napakabigat na parusa na ihahatol sa kanila ng Diyos—ang kaparusahan sa dagatdagatang apoy.

Anu-ano ba ang mga gawa na nakasisira sa pag-ibig ng magkakapatid sa tunay na Iglesia Ni Cristo?
“Huwag gagawan ng masama ang iyong kaibigan, Na sa iyo’y umaasa, nagtitiwalang lubusan” (Kaw. 3:29-30).

Pansinin na kung hindi marapat gawan ng masama ang kaibigan, lalong hindi ito marapat gawin sa kapatid sa pananampalataya.

Sa maraming salin ng Biblia sa Ingles, ang nakasulat ay:

DON’T PLAN ANYTHING that will hurt your neighbors; they live beside you, trusting you (Kaw. 3:29 TEV).

DO NOT PLOT harm against your neighbor, who lives trustfully near you (Kaw. 3:29 NIV).

DO NOT DEVISE evil against your neighbor, For he dwells by you for safety’s sake (Kaw. 3:29 NKJV).

Ito ang nakalulungkot na ginawa ng mga natiwalag na nagsilaban sa Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo. Sila-sila’y palihim na nagplano na gumawa ng masama, hindi lamang sa kanilang kapatid sa laman at sa pananampalataya kundi sa mismong Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo. Ang iba sa mga ito ay nakipagsabwatan sa kanila sa panahong sila’y nasa ilalim pa ng pagtitiwala ng Pamamahala ng Iglesia. Ang iba pa sa mga kasabwat nila sa pagpaplano ng masama ay mga dati nang tiwalag sa Iglesia sa panahon pa ni Ka Erdy gaya nina Rovic Canono (a.k.a. Sher Lock) at Grace Hernandez (a.k.a. Benito Affleck).

At hanggang ngayon ay pilit nilang itinatanggi ang masama nilang ginawa at ang kanilang ibinabandila ay ang kanilang diumano’y pagmamahal at pagmamalasakit sa Iglesia.
Kailan naging pagmamahal at pagmamalasakit sa Iglesia ang makitang ito ay lalong inuusig, inaalimura at nilalapastangan ng mga kaaway natin sa pananampalataya dahil sa ineskandalo ng mga tiwalag na ito ang Iglesia kapwa sa broadcast at social media? Ang mga kapatid na dating nananahimik sa pag-aaral at paghahanap-buhay ay inuusig ng kanilang mga kamag-aral at kasamahan sa hanap-buhay na agad naniwala sa mga kasinungalingan at paratang na ikinalat ng mga natiwalag na ito sa Iglesia.

Ano ba ang ibinubunga ng paghahasik ng mga kasinungalingan at mga walang batayang paratang laban sa kapatid at laban lalo na sa Pamamahala ng Iglesia? Ayon sa Biblia, naghahasik ito ng pagtatalo at nagpupunla ng kaguluhan sa kapatiran.

“Sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, at ang NAGHAHASIK NG PAGTATALO sa gitna ng magkakapatid” (Kaw. 6:19).

“bulaang saksing nagkakalat ng kasinungalingan at taong NAGPUPUNLA NG KAGULUHAN sa kapatiran” (Kaw. 6:19 NPV).

Ito ang dahilan kaya itiniwalag sa Iglesia ang mga nagsilaban na ito sa Pamamahala dahil bukod sa lumikha sila ng pagkakampi-kampi o pagkakabaha-bahagi ay tinangka pa nilang sirain ang kapatiran sa Iglesia sa paraang naghasik sila ng pagtatalo at nagpunla ng kaguluhan sa gita ng magkakapatid.

Hindi kataka-taka na nagsasalimbayan ngayon sa social media ang iba’t ibang komento ng mga panig sa Pamamahala at ng mga panig sa mga lumaban sa Pamamahala. Samantala, tuwang-tuwa naman ang mga kaaway ng Iglesia sa napapanood nilang ito. Sinakyan nila ang pangyayaring ito at ang iba’y nagpanggap pa na mga kapatid para palitawing marami ang sumusuporta sa mga natiwalag sa Iglesia.
Walang ibang dapat sisihin sa pangyayaring ito kundi ang grupo ng mga tiwalag na nagpasimuno ng paghahasik ng kaguluhan sa Iglesia.

Kahit sabihin pang may mga suliraning panloob na dapat malunasan, hindi kailanman naging tama ang ikalat ito sa social media, na ito ang pinasimulang gawin ng isang nagtatago sa pseudonym na Antonio Ramirez Ebangelista. Hindi rin maaaring bigyan-katuwiran ang kaniyang ginawa dahil lang sa sinabi niyang wala nang iba pang paraan upang maiparating ang kaniyang hinaing sa Tagapamahalang Pangkalahatan sapagkat diumano’y hinaharang ito ng mga nasa Sanggunian ng Iglesia.

Ano ang nakakatulad ng ginawang ito ni Antonio Ramirez Ebangelista (A.E.) at ng kaniyang mga kasama? Nakakatulad lamang ito ng kapangahasan na ginawa ni Haring Saul nang maharap siya at ang bayan ng Diyos noon sa isang malaking panganib.

“Nagtipun-tipon din ang mga Filisteo upang harapin ang mga Israelita. Ang karwahe nila ay 30,000, at 6,000 ang mga kawal na kabayuhan, at tila buhangin sa dagat ang dami ng mga kawal na naglalakad. At sila’y nagkampo sa Micmas, sa gawing silangan ng Bet-aven. Nakita ng mga Israelita ang malaking panganib na kanilang kinasuungan sapagkat masusukol sila, kaya’t nagkanya-kanya silang tago sa mga kuweba, hukay, puntod, malalaking bato, at mga punongkahoy. Ang iba nama’y tumawid sa Jordan papuntang Gad at Galaad. Naiwan si Saul sa Gilgal at nanginginig sa takot ang mga naiwang kasama niya. Pitong araw siyang naghintay roon, tulad ng sinabi sa kanya ni Samuel; ngunit hindi ito dumating. Ang mga kasama niya’y isa-isa nang umaalis, kaya nagpakuha si Saul ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan at sinunog ang mga ito. Katatapos lamang niyang maghandog nang dumating si Samuel. Sinalubong siya ni Saul at binati. Tinanong siya ni Samuel, “Bakit mo ginawa iyan?” Sumagot siya, “Ang mga kasama ko’y isa-isang umaalis, nariyan na sa Micmas ang mga Filisteo, at ikaw nama’y hindi dumating sa oras na ating usapan. Ako’y nangambang lusubin kami ng mga Filisteo rito sa Gilgal na hindi pa ako nakapaghahandog kay Yahweh, kaya napilitan akong maghandog.” Sinabi sa kanya ni Samuel, “Malaking kasalanan ’yang ginawa mo. Kung sinunod mo ang iniuutos sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos, ang sambahayan mo sana ang maghahari sa buong Israel habang panahon” (1 Sam. 13:5-13 MB).

Naharap ang Israel noon sa pakikipagdigma laban sa mga Filisteo. Palibhasa’y nakita ng mga Israelita ang malaking panganib na kanilang kinasuungan sapagkat masusukol sila, kaya’t
nagkanya-kanya silang tago sa mga kuweba, hukay, puntod, malalaking bato, at mga punongkahoy.

Dahil dito, naiwan si Saul sa Gilgal at ang mga naiwang kasama niya na nanginginig sa takot. Kahit wala siyang karapatan na pangasiwaan ang paghahandog sa Diyos, pinangahasan niyang ito’y gawin sa pag-aakalang maganda naman ang kaniyang layunin at para sa kapakinabangan ng bayan ng Diyos noon.

Ngunit pinaging-dapat ba ng Diyos si Saul sa mali niyang pamamaraan kahit ipinakita nito na maganda naman ang kaniyang layunin? Hindi. Sa halip na purihin ay sinita pa siya ng propetang si Samuel at sinabing “Malaking kasalanan ’yang ginawa mo.” Ang masaklap pa nito, sa halip na tanggapin niya ang kaniyang pagkakamali ay sinisi pa niya si Samuel dahil sa hindi nito pagdating sa oras na kanilang pinag-usapan. Hindi ba ganito rin ang ugali ni A.E. at ng kaniyang kasama? Sa halip na kilanin ang kanilang pagkakamali at ang pinsala na idinulot ng kanilang ginawa, pinangangatuwiranan pa nila at ibinubunton ang sisi sa Tagapamahalang Pangkalahatan at sa Sanggunian ng Iglesia.

Ano ang marapat at ano ang hindi marapat na paraan upang ayusin ang anumang usapin o sigalot sa loob ng Iglesia?

“Kung kayo’y may usapin, idudulog pa ba ninyo ito sa mga taong di kinikilala ng iglesya? Mahiya-hiya naman kayo! Wala na ba sa inyong marunong mag-ayos sa sigalutan ng magkakapatid? Anot nagsasakdal pa kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harapan pa ng mga taong walang pananampalataya?” (1 Cor. 6:4-6 MB)

Ayon kay Apostol Pablo, ang anumang usapin ay dapat idulog sa mga taong kinikilala ng Iglesia o sa Pamamahala. Ito ang dahilan kaya bawal na bawal na idemanda ng sinumang kaanib ang sinumang kapatid sa Iglesia. Kaya hindi kataka-takang itiwalag sina Isaias Samson, Jr. at Lowell Menorca II nang idemanda nila ang Pamamahala sa mga hukuman dito sa lupa. Ano naman ang ginawa ng iba na siyang dahilan ng kanilang pagkakatiwalag? Ang usapin ay idinulog nila sa broadcast media at sa YouTube gayong ito ay mga panloob na usapin. Batay sa terminong ginamit ni Apostol Pablo ay kahiya-hiya ang gawaing ito ng mga itiniwalag sa Iglesia.

Kapansin-pansin din ang nais palitawin ni Rovic Canono (a.k.a. Sher Lock) na sa kaniya nagdudulog ang mga kapatid ng kanilang hinaing thru text messages at FaceBook posts. Sino ba si Rovic Canono? Hindi siya kinikilala ng Iglesia (itiniwalag pa nga siya sa panahon ni Ka Erdy) at hindi rin siya kumikilala sa Iglesia (hanggang sa namatay si Ka Erdy ay hindi siya nakapagbalik-loob). Kaya kung totoong mga kapatid ang nagdudulog sa kaniya ng mga hinaing sa Iglesia, nalalabag nila ang kautusan ng Diyos na itinuro ni Apostol Pablo.

Kaya, sa nalalapit na kaarawan ni Ka Erdy, ang tunay na gumugunita sa kaniya ay hindi kailanman sisirain ang pag-iibigang magkakapatid. Kasama ito sa 10 utos ng Diyos na kaniyang itinuro upang maingatan natin ang kaligtasan.

Sa mga natiwalag sa Iglesia na nais gunitain si Ka Erdy sa kaniyang nalalapit na kaarawan, ang napakahalagang magawa ninyo ay ang makapagbalik-loob. Maging inspirasyon sa inyo ang talinhaga ni Cristo tungkol sa alibughang anak na dahil sa masaklap na sinapit ay natutong magpakumbaba, kilalanin ang pagkakamali, magsisi, at magbalik-loob (Luk. 15).

Handa rin kami na muli kayong ituring na mga kapatid namin kung lubusan na kayong magbabago at hindi na uulitin ang kamalian ng inyong mga ginawa.

Higit sa lahat, handa ang Diyos na muli kayong tanggapin na mga anak Niya at handa Siyang muling patawag sa inyo na Ama kung maipapangako ninyo na hihiwalay kayo sa kaninuman o sa anuman na makapagpaparumi ng inyong isip at pananampalataya (2 Cor. 6:17-18 MB).

Ang Marapat Na Pag-alaala Sa Namahala Sa Atin (Part 06 of 11)

Ang 10 Utos Ng Diyos Upang Maingatan Ang Kaligtasan

Ikalimang Utos
HUWAG MABUBUHAY SA LAMAN O SA LIKONG PAMUMUHAY
(1 Cor. 6:9-10)

“O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga liko ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios? Huwag kayong padaya: kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diosdiosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga nangbababae, ni ang mga mapakiapid sa kapuwa lalake. Ni ang mga magnanakaw, ni ang mga masasakim, ni ang mga manglalasing, ni ang mga mapagtungayaw, ni ang mga manglulupig, ay hindi mangagmamana ng kaharian ng Dios.”

Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Enero 18/19, 1997 ay ipinakilala ang kahalagahan ng puspusang pagbabagong-buhay. Ang katunayang may malaking kinalaman ang pagbabagong-buhay sa kaligtasan ay ang itinuro ni Apostol Pablo:

“na ang mga liko ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios…”

Kasama sa mga likong gawain ang mga gawang imoral gaya ng pakikiapid, pangangalunya at pakikipagrelasyon sa magkatulad na kasarian. Likong gawain din ang pagnanakaw, paglalasing sa alak man o sa ipinagbabawal na gamot, at pagtutungayaw.

Ano ang ibang tawag sa likong gawain? Ganito pa ang itinuturo ni Apostol Pablo na nakasulat sa Biblia:

“At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kahalayan, Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios” (Gal. 5:19-21).

Ang mga likong gawain ay tinatawag ding mga gawa ng laman na hindi ikapagmamana ng
kaharian ng Diyos sa langit. Anu-ano pa ang mga gawa ng laman bukod sa mga binanggit sa itaas?
Ang mga pagtatalo, paninibugho, pagkakaalitan, pagkakampikampi, pagkakabahabahagi at mga hidwang pananampalataya ay kabilang pa rin sa mga gawa ng laman na hindi ikapagmamana ng kaharian ng Diyos o hindi ikaliligtas.

Kaya kung paanong hindi marapat sa sinumang kaanib na mabuhay na may masamang bisyo o kaya ay mabuhay sa imoral na gawain, hindi rin marapat sa sinumang kaanib na siyang maging dahilan ng pagtatalo o pag-aalitan ng mga magkakapatid sa Iglesia. Ano ang idinudulot ng mga pagtatalo o pag-aalitan? Ang mga pagkakampikampi at mga pagkakabahabahagi.

Marapat naman kaya na isipin ng sinuman na maliit na kasalanan lang ang paglikha ng pagkakampikampi at mga pagkakabahabahagi? Hindi. Ang dahilan ay sapagkat ang paglikha ng pagkakampikampi at mga pagkakabahabahagi ay may panganib na maging dahilan ng pagkagiba o pagbagsak ng kaharian o sambahayan na siyang Iglesia.

“Datapuwa't siya, na nakatataho ng mga pagiisip nila, sa kanila'y sinabi, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay magkakawatakwatak; at ang sangbahayan na nagkakabahabahagi laban sa sangbahayan ay nagigiba” (Luk. 11:17).

Mabigat na kasalanan ang paglikha ng pagkakampi-kampi o mga pagkakabahabahagi. May mga kasalanan na ang tanging pinipinsala ay ang sarili ng gumagawa nito. Ngunit ang paglikha ng paglakampi-kampi o mga pagkakabahabahagi kasalanang nagdudulot kapuwa ng pinsala sa sarili at sa Iglesia.

Iminamatuwid ng mga natiwalag na lumaban sa Iglesia na mas mainam daw na magkabaha-bahagi sa paggawa ng mabuti kaysa magkaisa sa paggawa ng masama. Nilalayon nilang bigyang-katuwiran ang ginawa nilang mga pagpuna lalo na sa social media na nagdulot ng kasalukuyang ligalig na kinakaharap ng Iglesia. Ang totoo, walang mas mainam at wala ring mainam sa dalawang binanggit.
Hindi maaaring makagawa ng mabuti ang nagkakabaha-bahagi at hindi rin maaaring magdulot ng mabuti ang pagkakaroon nito sapagkat itinuro ni Apostol Santiago na:

“Nguni’t kung kayo’y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan. Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo. Sapagka't kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama” (Sant. 3:14-16).

Napansin ba ninyo na “kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama”? Itinuro pa ni Apostol Santiago na ang pagkakaroon ng pagkakampikampi ay nauukol sa lupa, sa laman at sa diablo.

Sana maunawaan ito ng mga natiwalag na hanggang ngayon ay hindi maamin sa sarili na masama ang kanilang ginawa dahil lamang sa inaakala nila na mabuti naman ang kanilang layunin. Ipagpalagay nang totoo na mabuti ang kanilang layunin gayunman ay hindi kailanman maaari na maging tamang paraan ang paglikha ng pagkakabaha-bahagi sa Iglesia.

Ang isa pang katunayan na napakabigat na kasalanan sa Diyos ang paglikha ng pagkakampi-kampi o pagkakabaha-bahagi ay ang ibinabala ng Diyos na mababasa sa Biblia:

“Kung ang sinuman ay magtangkang gumiba sa templo ng Diyos, ang taong ito’y gigibain ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at ang templong ito ay kayo” (1 Cor. 3:17).

Kaya nga natitiyak nating hindi totoong “restoration” kundi “destruction” ang nais ng mga natiwalag na nagsilaban sa Pamamahala at hanggang ngayon ay patuloy sa pagkakalat ng paninira at iba’t ibang kasinungalingan. Ito ay sapagkat ang paglikha ng pagkakabaha-bahagi ay pagtatangka na gibain (“destroy” ang katumbas sa maraming salin ng Bibla sa Ingles) ang templo ng Diyos na tinutukoy, na siyang Iglesia. Ano ang pasiya ng Diyos sa sinumang magtatangka ng gibain ang templo ng Diyos? “Ang taong ito’y gigibain ng Diyos.” Tiyak na hindi maliligtas ang gumagawa nito kaya nga kung ang gumagawa nito ay kaanib, inilalapat sa kaniya ang pinakamabigat na disiplina na maaaring igawad. Alin ito? Ang pagtitiwalag.

“Ang mga nasa loob ng iglesya ang dapat ninyong hatulan, hindi ba? Ganito ang sabi ng Kasulatan, ‘Itiwalag ninyo ang masamang kasamahan ninyo’ (1 Cor. 5:13 MB).

Ano ang napakahalaga na dapat nating mapansin? Ang Diyos ang may desisyon na gibain ang magtatangka na gibain ang Iglesia. Ang Diyos din ang may desisyon na itiwalag ang masama. Kaya bagaman tao (Pamamahala) ang inutusan niyang magtiwalag sa masama, natitiyak nating kapag sila’y pinasiyahan ng Pamamahala na itiwalag, ang Diyos mismo ang Siyang nagtiwalag sa kanila.
Paano naman ang sinasabi ng iba na oo nga’t nagkakaisa naman daw ang mga kaanib ngunit sa paggawa naman ng masama kaya mas mainam pa raw sila na baha-bahagi nga ngunit sa paggawa naman ng mabuti? Inuulit namin na walang mainam at walang mas mainam sa dalawa. Bakit daw nila sinasabi na nagkakaisa tayo sa paggawa ng masama? Ito raw ay dahil nakikipagkaisa pa rin tayo sa Pamamahala kahit daw kitang-kita na raw natin diumano ang mga katiwalian na ginagawa nila sa Iglesia.

Ang sinasabi ng iba na katiwalian sa loob ng Iglesia ay pawang mga bintang at akusasyon lamang na hanggang ngayon ay walang napatunayan kahit isa. At kaya lang may ilan silang napaniwala ay sapagkat pinuno nila ng kasinungalingan at paninira ang kanilang mga FaceBook pages at blogs sa layuning palitawin na parang totoo ngang may katiwalian sapagkat pinalilitaw nila na iba’t ibang tao ang nagsasabi nito samantalang ang totoo ay sila-sila lang din ang may gawa at katha nito.

Kaya, walang bahid ng kahit katiting na katotohanan ang sinasabi ng iba na ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay nagkakaisa sa panig ng masama. Walang masama na sumunod at magpasakop sa Pamamahala manapa’y ito ang mabuti at ayon sa utos ng Diyos (Heb. 13:17). Walang masama manapa’y mabuti ang magtiwalang ang Pamamahala ay inilagay ng Diyos sa ikatitibay at hindi sa ikagigiba (2 Cor. 10:8).

Kaya kung ang mga kaanib ay nakikipagkaisa sa Pamamahala, ang katumbas nito ay nakikipagkaisa tayo sa panig ng mabuti. Sa kabila dako, kapag ang sinuman ay nakipagkaisa sa paglaban sa Pamamahala, ang katumbas nito ay nakikipagkaisa sila sa panig ng masama.

At yayaman din lamang na ang mga sunud-sunod na artikulong ito ay naglalayong gunitain natin ang dati nating Tagapamahalang Pangkalahatan na si Kapatid na Eraño G. Manalo sa nalalapit na pagsapit ng kaniyang kaarawan, minarapat namin sa pagkakataong ito na iparinig sa inyo ang kaniyang tinig.



Ka Eraño G. Manalo: Yun ay sa indibiduwal. E pero sa kabuuan ng Iglesia, paano maililigtas ang Iglesia sa pagkagiba? Heto sa Mat. 12:25 MB:

Ka Teofilo Ramos, Sr.: Batid ni Jesus ang kanilang iniisip, kaya't sinabi niya, “Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat. At mawawasak ang alinmang bayan o bahay na nagkakabaha-bahagi at nagkakalaban-laban.”

Ka Eraño G. Manalo: Sabi ni Cristo yung kaharian, yung bahay… ipinaalaala ko sa inyo ang Iglesia kaharian ng Diyos, kaharian ni Cristo… ipinaalaala ko sa inyo ang bahay ng Diyos, alin? Ano ang ikagigiba ng kaharian o ng Iglesia? Pagka nahahati na, pagka magkakalaban na, pagka nagkakabaha-bahagi na. Ano ang sabi ng ating Panginoon? Babagsak at mawawasak. Samakatuwid kung mayroon tayong dapat na pakaingatan na mangyari sa Iglesia, magkahati-hati tayo.

Ayon din sa pagtuturo ni Ka Erdy na nakabatay sa kalooban ng Diyos na nasa Biblia, paano magkakaisa ang Iglesia at hindi magkakahati-hati?



Ka Eraño G. Manalo: Napakahalaga ng pagkakaisa ng Iglesia. Iyan ang dahilan kaya ang Diyos ay naglagay ng Pamamahala. Ang Pamamahala ang magpapatupad ng ikatitibay ng Iglesia. Paano? Huwag magkabaha-bahagi. Paano mabubuo ang Iglesia? Lahat ng maytungkulin ang mangunguna. Saan? Sa pagtupad ng saguting ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos.

Maliwanag ang sinabi ni Ka Erdy, “Ang Pamamahala ang magpapatupad ng ikatitibay ng Iglesia.” Samakatuwid, hindi maaaring tumibay ang Iglesia sa pamamagitan ng paglaban at paghihimagsik sa Pamamahala.

Sana kung paanong napakinggan ito ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay mapakinggan din ito ng mga natiwalag sa Iglesia na gumugunita kay Ka Erdy. Mula sana rito, makilala ninyo ang inyong naging pagkakamali sa ginawa ninyong pagkilos na lumikha ng pagkampi-kampi at pagkabaha-bahagi sa Iglesia.

Bakit mahalaga ang pagkilala sa ating nagawang kasalanan?

“Aking kinilala ang aking kasalanan sa iyo, At ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli: Aking sinabi, Aking ipahahayag ang aking pagsalangsang sa Panginoon; At iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking kasalanan” (Awit 32:5).

Mahalaga ang pagkilala o pag-amin sa naging kasalanan upang magawa natin itong ipahayag sa Diyos at ihingi sa Kaniya ng kapatawaran. Ang totoo ay ito ang unang dapat magawa ng sinumang magbabalik-loob sa Diyos at nawa’y samantalahin ito ng mga natiwalag sa Iglesia habang may pagkakataon pa.

Paano ang marapat at lubos na pagbabalik loob sa Diyos?

“Hanapin si Yahweh Samantalang siya’y iyong makikita, Siya ay tawagin habang malapit pa. Ang mga gawain ng taong masama’y Dapat nang talikdan, at ang mga liko’y Dapat magbago na ng maling isipan; Sila’y manumbalik, Lumapit kay Yahweh upang kahabagan, At mula sa Diyos, Matatamo nila ang kapatawaran” (Isa. 55:6-7 MB).

Ang tunay na nagbabalik-loob sa Diyos ay dapat magbago na ng maling isipan. Tandaan natin na ang isipan ng tao ang nag-uudyok sa kaniyang paggawa. Kaya kapag marumi ang kaniyang isipan o kapag hinayaan niyang parumihin ang kaniyang isipan ng mga katakut-takot na kasinungalingan na nababasa niya sa kung saan-saan ay ito ang magbubuyo sa kaniya sa mali ring gawain.
Pagkatapos na magbago ng maling isipan, ang kasunod ay dapat nang talikdan ang masamang gawain—ito man ay masamang bisyo, gawang imoral o gawang lumilikha ng pagkakampi-kampi o pagkakabaha-bahagi sa Iglesia.

Sa panig ng ilan na mga kaanib pa sa Iglesia Ni Cristo subalit nasusumpungan pa rin sa mga likong gawain o gawa ng laman, kailan nila dapat gawin ang pagsisisi at pagbabagong-buhay? Katulad ng binanggit sa talata ng Biblia:

“Hanapin si Yahweh Samantalang siya’y iyong makikita, Siya ay tawagin habang malapit pa.”

Huwag nating sayangin ang pagkakataong ito na ibinibigay ng Diyos upang muli tayong maging dapat sa Kaniya. Makipagkaisa tayo sa puspusang pagbabagong-buhay na ikinakampanya ng Pamamahala sa Iglesia upang maingatan natin ang ating kaligtasan. Nangako naman ang Diyos na kung gagawin natin ang totoong panunumbalik at pagbabagong-buhay ay mahahabag Siya at matatamo natin mula sa Kaniya ang kapatawaran.

Wednesday, December 23, 2015

Napakahalaga Ng Seguridad Ng Pamamahala At Ng Iglesia


Tingnan muna ninyong mabuti ang mga larawang ito at pagkatapos ay isipin ninyo na ang mga ito ay nasa katabing bakuran ninyo:


Mga hindi kilalang tao (hindi isa lang kundi marami sila)
Mga taong animo’y terorista na naka-bonnet para ikubli ang pagkakakilanlan
May mga two-way radios at mga digital recording devices sila
May mga bags sila na hindi natin alam kung ano ang laman










Hindi ba nakaaalarma ang ganito? Hindi ba ninyo iisipin ang seguridad ng inyong pamilya na baka walang kaabog-abog ay biglang sumalakay ang mga taong ito sa inyong bahay at gumawa ng masama? O kung hindi man sumalakay ay gumawa ng isang bagay na ikapeperwisyo at ikapapahamak ninyo? At paano sila mapananagot kung sila’y naka-bonnet at nakatago ang kanilang mukha.

Kung kayo kaya ay nasa jeepney at may pumasok na mga kalalakihang naka-bonnet, ano ang gagawin ninyo? Maghihintay na lang sa kasunod na maaaring mangyari? O hangga’t may pagkakataon ay bababa na kayo dahil hindi kayo makikipagsapalaran?

Kung kayo kaya ay nasa bangko at pagkatapos ay nagpasukan ang mga naka-bonnet na may bags at two-way radios? Ano kaya ang unang magiging reaksiyon ninyo at ng guwardiya? Wala lang?

Ang mga larawang nakita ninyo ay larawan ng mga taong tinatangkilik at kinukupkop nina Angel at Lottie sa kanilang tinitirhan sa #36 TS. Marami sa mga ito ay hindi kapatid sa Iglesia na inupahan ni Lottie para sa kaniyang seguridad.

Ang mga taong ito na nakamaskara ay pinatuloy nina Lottie at Angel sa bahay ni Ka Erdy at sila ang mga taong sumalaula sa bahay ni Ka Erdy. Kaya naman nagngingitngit sila sa galit nang kumilos ang Pamamahala para proteksiyunan ang bahay ni Ka Erdy.

Mahalagang maunawaan ng bumabasa nito na ang bahay ni Ka Eduardo ay katabi lang ng bahay ni Ka Erdy. Kaya ang taong ito na naka-maskara ay nasa katabing bakuran lang ng bahay ng ating Tagapamahalang Pangkalahatan.

Hindi ba makatuwiran lamang na maalarma ang mga pinagtiwalaan upang ingatan ang seguridad ng Namamahala sa Iglesia? Kaya hindi maaari na hindi umaksiyon ang Pamamahala sa bagay na ito. Ito ang dahilan kaya binakuran ang bahay ng Ka Erdy dahil katabi nito ang bahay ng ating Tagapamahalang Pangkalahatan (Ka Eduardo). Mula sa paglalagay ng bakod ay pinoproteksiyunan ang dalawang mahalagang bagay—ang bahay ng kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan (Ka Eduardo) at ang bahay ng yumaong Tagapamahalang Pangkalahatan (Ka Erdy).

Hindi totoo ang paratang na itinayo ang bakod para unti-unting patayin ang nakatira sa kabilang bakod. Hindi kailanman hinangad ng Pamamahala ang ikapapahamak ng mga kamag-anak niya. Kung sila ma’y itiniwalag (na mas masaklap pa sa kamatayang pisikal), ito ay sapagkat sila ang gumawa ng bagay na ikatitiwalag nila. Ang tanging hangad ng Pamamahala para sa kanila ay makilala nila ang kanilang pagkakamali, itigil na nila ang paglaban sa Pamamahala at magbalik-loob sila hangga’t may pagkakataon pa.

Kung may ipinakakalat mang negatibong interpretasyon tungkol sa paglalagay ng bakod, tulad ng napatunayan na sa maraming pagkakataon, sinasabi lang nila ito upang kumuha ng simpatiya.

Kaya tinatanong namin ang mga kapatid sa Iglesia Ni Cristo, sino ang gusto ninyong proteksiyunan laban sa mga naka-maskarang ito? Ang ating Tagapamahalang Pangkalahatan na si Ka Eduardo o ang mga tiwalag na naghimagsik na sina Angel at Lottie?

Napakahalaga ang seguridad ng Pamamahala at ng Iglesia kahit ano pa ang sabihin ng mga tiwalag na ito na lumaban sa Iglesia.

Friday, December 18, 2015

Ang Marapat Na Pag-alaala Sa Namahala Sa Atin (Part 05 of 11)

Ang 10 Utos Ng Diyos Upang Maingatan Ang Kaligtasan

Ikaapat Na Utos
HUWAG MAWAWALAN NG PANANAMPALATAYA
 (Juan 3:18)


“Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka’t hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios.”

Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Enero 15/16, 1997 ay binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtataglay ng tunay na pananampalataya at ang kasamaan kawalan nito. Nang ang Panginoong Jesucristo ay narito pa lupa ay itinuro Niya ang ganito:

 “At sinabi niya sa kanila,  Magsiyaon kayo sa boong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas;  datapuwa’t ang hindi sumasampalataya ay parurusahan” (Marcos 16:15-16).

Maliwanag na kung paanong ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, ang hindi naman sumasampalataya ay parurusahan. Ito ang dahilan kaya sinabing:

“…ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na.”

Hindi naman ito nangangahulugan na sapat nang magkaroon ng kahit na anong uri ng pananampalataya. Kapag nagbasa tayo ng Biblia, may mababasa tayong termino na “hidwang pananampalataya (Gal. 5:20).” Sa salin ng Biblia sa Ingles, ang itinumbas ay “false teachings” (BBE) at “wrong doctrine” (TLB). Yayamang ang pananampalataya ay buhat sa pakikinig ng aral ng Diyos (Rom. 10:17 MB) kaya kapag ang pinakinggan ng tao ay maling aral o maling doktrina, ano rin ang magiging pananampalataya niya? Mali rin o hidwa.

Ito ang dahilan ng pagsusugo ng Diyos yayamang ang sugo ng Diyos ang pinagkalooban ng karapatang mangaral ng dalisay na ebanghelyo (Rom. 10:15). Kahit pinapagpahinga na ng Diyos ang Kaniyang Sugong lider, naglagay naman Siya ng Pamamahala na pinagkalooban din ng karapatang ipahayag kung ano ang ayon sa kalooban Niya (Col. 1:25).

Nang mamatay ang Kapatid na Felix Y. Manalo, ang sugo ng Diyos sa mga huling araw, itinindig ng Diyos si Kapatid na Eraño G. Manalo bilang Tagapamahalang Pangkalahatan at siyang binigyan ng Diyos ng karapatan sa pangangaral ng Kaniyang mga salita. Makalipas ang halos 46 na taon ng kaniyang matagumpay at makapangyarihang Pamamahala sa Iglesia, pinapagpahinga siya ng Diyos noong Agosto 31, 2009.

Bago pa siya namatay, sinanay na niya si Kapatid na Eduardo V. Manalo sa gampanin ng Pamamahala sa Iglesia pagkatapos na pagkaisahan ng mga natitipong noon na Tagapangasiwa ng Distrito, na si Kapatid na Eduardo V. Manalo ay maging Pangalawang Tagapamahalang Pangkalahatan. At kaya naman, nang papagpahingahin ng Diyos ang Kapatid na Eraño G. Manalo, walang alinlangan sa puso ng mga kapatid na si Kapatid na Eduardo V. Manalo ang inihalal ng Diyos bilang kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan ng buong Iglesia Ni Cristo.

Kung ano ang aral na itinuro ng Sugo ng Diyos, ang Kapatid na Felix Y. Manalo, na siya ring mga aral na ipinangaral at ipinatupad ni Kapatid na Eraño G. Manalo, ang siya ring mga aral na itinataguyod ni Kapatid na Eduardo V. Manalo. Wala silang anumang doktrina na binabago—walang idinaragdag at wala ring ibinabawas.

Kaya sa pamamagitan ng pakikinig sa dalisay na ebanghelyo na ipinangangaral ni Kapatid na Eduardo V. Manalo at ng mga katulong niyang mga ministro at manggagawa, ang mga tao ay magkakaroon ng tunay na pananampalataya.

Ito ang dahilan kaya ang mga kapatid ay hindi dapat makinig sa kung kani-kanino upang huwag silang maakit ng maling pananampalataya. Hindi nila dapat pakinggan ang mga nangangaral ng Biblia na wala namang karapatang mangaral. At kahit pa ang mga ito ay dating ministro at manggagawa ng Iglesia, na ngayon ay mga tiwalag na. Maaaring baun-baon nila sa labas ang kasanayan nila sa pagbuklat ng Biblia o ang kaalaman sa mga talata ng Biblia na batayan ng pananampalatayang Cristiano, gayunman, nang sila ay alisan ng bahagi sa ministeryo at nang sila’y itiwalag sa Iglesia ay kasamang inalis sa kanila ng Diyos ang karapatan sa pangangaral ng dalisay na ebanghelyo.

Kaya mangaral man sila nang mangaral, ang lahat ng makikinig sa kanila ay hindi magkakaroon ng dalisay na pananampalataya. Ang masaklap pa nito, ang mga dating ministro at manggagawa na ito ang siya pang pasimuno ng pagtuturo ng mga bago at maling doktrina.

Hindi nga ba’t sa hanay ng mga tiwalag ay may nagsasabing tao lang naman daw ang nagtiwalag sa kanila at hindi ang Diyos? Hindi ba sa hanay rin nila nagmula ang paniniwala tungkol sa pagbangon ng isa pang Elias bukod sa tatlong Elias na pawang nagkaroon na ng katuparan? At ano ang sinasabi nila tungkol sa handog? Huwag na raw maghandog o mag-abuloy. Piso na lamang ang ibigay. Magpasalamat ngunit huwag magdala ng handog. Anumang natipong handog sa Pasalamat ay ibangko raw muna at huwag munang ibigay sa araw ng Pasalamat. Pinauuso nila ang walk-out sa panahon ng pagsamba, pinupuri nila ang gumagawa nito at inuudyukan ang iba na gayahin ito o gumawa ng katulad nito gaya ng “vigil” sa labas ng compound ng kapilya.

Nais naming manawagan sa mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa panahong ito ng ligalig na pinagdaraanan ng Iglesia. Alam namin na ang marami sa inyo ay nagmamasid, iba-iba ang naririnig ninyo at nababasa mula sa iba’t ibang posts sa social media o kaya ay mula sa mga pahayagan o sa mga tagapagbalita sa radyo at telebisyon. Maaaring ang iba ay nalilito at sabihin pang naguguluhan ang isip. Bago mabuo ang inyong pasiya, nais naming isaalang-alang ninyong mabuti ang itinurong ito ni Apostol Pedro:

“Be sober and on watch. Your adversary, the Devil, walks about like a roaring lion, seeking someone to swallow. Resist him, BE SOLID IN YOUR FAITH, knowing that the same sufferings are being performed by your brethren who are in the world” (1 Peter 5:8-9, Messianic Renewed Covenant).

Mahalagang maunawaan natin na ang diablo, na pangunahing kalaban ng ating pananampalataya, ay kumikilos gaya ng leon umuungal na naghahanap ng kaniyang masisila. Walang ibang nais ang diablo at ang kaniyang mga kasangkapan kundi agawin ang ating pananampalataya upang huwag tayong maligtas kundi mapahamak.

Kung kaya’t itinuro ni Apostol Pedro na tanggihan natin ang diablo. Kasama nating tanggihan ang anumang simbuyo ng damdamin na mag-uudyok sa atin na kumampi sa kaniya. Ang nais ng Diyos ay maging SOLIDO ANG ATING PANANAMPALATAYA. Ito rin ang madalas na ipanawagan ng ating Tagapamahalang Pangkalahatan sa kasalukuyan.

Ano ang ibang sabihin na dapat na maging SOLIDO ANG ATING PANANAMPATAYA? Itinuro ni Apostol Pablo na:

For though I am absent from you in person I am with you in spirit, and I am glad to observe your harmony and the SOLIDITY OF YOUR FAITH in Christ. So just as you once accepted the Christ, Jesus, as your Lord, you must live in vital union with him. You must be rooted and built up in him and made strong in faith, just as you were taught to be, overflowing with it in your gratitude. TAKE CARE THAT NOBODY EXPLOITS YOU through the pretensions of philosophy, guided by human tradition, following material ways of looking at things, instead of following Christ (Col. 2:5-8 Goodspeed).

Mapapansin na ikinatuwa ni Apostol Pablo bilang namahala noon sa Iglesia, sa dako ng mga Gentil, na makitang ang mga kapatid noon ay mayroong SOLIDITY OF FAITH IN CHRIST. Dapat ding mapansin na ang pananampalataya nila ay hindi nakasalig sa kanilang kamag-anak o kaya ay sa kamag-anak ng mga namahala sa kanila kundi kay Cristo. Kaya pumapayag ba sila na dahil sa mga mahal nila sa buhay o dahil sa mga naulilang mahal sa buhay ng namahala o sa anumang dahilan ay mahiwalay sila kay Cristo? Ayon kay Apostol Pablo, dapat tayong mamuhay na taglay ang mahalagang kaugnayan kay Cristo (you must live in vital union with him).

Alam naman natin na ang may kaugnayan kay Cristo ay ang Iglesia Ni Cristo (Efe. 5:32 MB) at kaya mahalaga ang kaugnayang ito ay sapagkat dahil sa kaugnayang ito kaya tayo nakatitiyak ng kaligtasan (Efe. 5:23 MB). Alam din natin na sa sandali na mawalan tayo ng kaugnayan kay Cristo, mawawala rin ang ating pag-asa sa kaligtasan (Efe. 2:12 Salita ng Buhay). Si Cristo na Tagapagligtas mismo ang nagpatotoo na ang nahiwalay sa Kaniya ay matatapong katulad ng sanga, ihahagis sa apoy at masusunog (Juan 15:4-6).

Ito ang dahilan kaya ipinagpauna ni Apostol Pablo sa talatang binanggit sa itaas na:

“TAKE CARE that nobody EXPLOITS you…”

Ayon sa diksyunaryo, ang ibig sabihin ng EXPLOIT ay “to take selfish or unfair advantage of a person or situation, usually for personal gain.” Sa madaling salita, hindi tayo dapat pumayag na pagamit sa iba para lamang sa kanilang pansariling pakinabang.

Alam ba ninyo ang dahilan kung bakit hindi mahalata ng iba na napagagamit na pala sila sa iba? Iyan man ay ipinagpauna na rin ni Apostol Pablo:

“Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, tandaan ninyo ang mga lumilikha ng pagkakampi-kampi at nagiging sanhi ng pagtalikod sa mga aral na tinanggap ninyo; iwasan ninyo sila. Ang mga gayong tao ay hindi naglilingkod kay Cristo na ating Panginoon, kundi sa kanilang makasariling hangarin, at sa pamamagitan ng kanilang magaganda at matatamis na pangungusap ay inililigaw nila ang mga mapaniwalain” (Rom. 16:17-18 MB).

Samakatuwid, gumagamit ng “magaganda at matatamis na pangungusap ang mga taong ito” sa layuning iligaw ang mga mapaniwalain. Kunwa’y nagpapakita sila ng malasakit sa Iglesia Ni Cristo habang binabatikos naman ang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia maging ang mga ministro at manggagawa na nanindigan sa panig nila at sinasabing wala raw silang malasakit sa Iglesia. Ang kapansin-kapansin pa ay dati nang tiwalag sa panahon pa ng Ka Erdy ang nagkukunwa na nagmamalasakit sa Iglesia, na ngayon ay waring siya nang naging sumbungan ng mga kapatid na hindi naman nakakakilala sa kaniya. Subalit sana napansin ninyo ang layunin kaya nila ito ginagawa?
“Ang mga gayong tao ay hindi naglilingkod kay Cristo na ating Panginoon, kundi sa kanilang makasariling hangarin.”

Bakit natin natitiyak na ang sinasabi nilang pagmamalasakit ay hindi tunay na pagmamalasakit kundi naglalayon lamang na manggamit ng ibang tao? Sapagkat ang ginagawa nila ay ang paglikha ng pagkakampi-kampi at sila ang nagiging sanhi ng pagtalikod sa mga aral na tinanggap ng mga kapatid. Hindi nga ba’t ganito na nga ang nangyari? Ang mga napaniwala nila ay naakit nila na umalis na rin sa Iglesia. Paano na ngayon sila? Ano’ng kaligtasan ang maiaalok ng mga natiwalag na ito sa mga napaniwala nila?

Kaya noon pa man ay mahigpit nang nagbilin ang mga apostol tungkol sa kung ano ang dapat gawin sa gayong mga tao? Ang sabi ni Apostol Pablo:

“… iwasan ninyo sila.”

Ito ang hindi nasunod ng iba. Sa halip na dumalo sila sa gawain (para manariwa ang doktrina) at makinig na mabuti sa leksiyon sa pagsamba, nagbabad sila sa mga “sites” na nagpapalaganap ng kung-anong kasinungalingan kaya pinasok sila ng alinlangan. Ang alinlangan (na kalaban ng pananampalataya) ay pinalaki ng walang tigil na paghahasik ng kasinungalingan ng mga kaibayo natin sa pananampalataya kasama ng ilang mga natiwalag sa Iglesia hanggang sa sila man ay matiwalag na rin. Dumating ang panahon na wala na silang takot na magsalita ng masama laban sa Tagapamahalang Pangkalahatan.

Kaya nga hindi kami nagsasawa na managawan sa mga natiwalag na habang may panahon pa ay magbalik-loob na sa Diyos. Hindi ba’t tanggap naman ninyo na ang kaligtasan ay wala sa labas kundi nasa loob ng Iglesia Ni Cristo?

Sa panig naman ng mga kapatid, manindigan tayo na kahit ano pa ang mangyari, kahit usigin pa tayo nang malabis na pagsabihan pa ng masasakit na mga salita ng mga nang-uusig sa atin, HINDI MAGBABAGO ANG ATING PANANAMPALATAYA KAY CRISTO (unchanging faith in Christ, Col. 2:5 BBE). Ganiyan ang may SOLIDONG PANANAMPALATAYA—hindi kailanman hihiwalay sa pagiging kaanib sa Iglesia Ni Cristo.

Ito ang pinakahahangad ni Ka Erdy noong siya ay nabubuhay pa. Kaya, sa nalalapit na paggunita natin sa kaarawan ng namahala sa atin, ano ang napakahalaga na lagi nating ipakiusap sa Diyos na ito rin ang hiniling ng mga apostol ni Jesus:

“Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, ‘Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya!’” (Luk. 17:5 NPV)

Ito rin sana ang hilingin natin sa araw ng ating pagpapasalamat sa Diyos. Nawa’y sumagana tayong lahat sa pananampalataya, pag-ibig at pag-asa.

Ang Marapat Na Pag-alaala Sa Namahala Sa Atin (Part 04 of 11)

Ang 10 Utos Ng Diyos Upang Maingatan Ang Kaligtasan

Ikatlong Utos
HUWAG UURONG SA PAGKA-IGLESIA NI CRISTO
(Heb. 10:37-39)

“Sapagka’t sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating, at hindi magluluwat. Nguni't ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa. Nguni’t tayo’y hindi doon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan; kundi doon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.”

Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Enero 11/12, 1997 ay ipinakilala ang kasamaan ng pag-urong sa pagka-Iglesia Ni Cristo. Ang katumbas ng pag-urong ay pagbabalik sa kapahamakan. Tiniyak din na ang umurong ay hindi kalulugdan ng Diyos.

Bago namin ipagpatuloy ang pagtalakay rito, nais sana namin na pag-isipan ito ng mga natiwalag sa Iglesia. Nauunawaan kaya ninyo na ang kalagayan ninyo ngayon ay pabalik sa kapahamakan? Kung gayon, ano pa ang hinihintay ninyo? Magbalik-loob na kayo.

Naniniwala rin ba kayo sa sinasabi ng Biblia na hindi kalulugdan ng Diyos ang umurong? Kung gayon, bakit ang iba’y tuwang-tuwa pa nang sila’y matiwalag? Pagkatapos ng pagsamba na kung saan ay nag-walk out sila habang binabasa ang pagkakatiwalag sa kanila ay nagpakuha pa sila ng larawan na sama-sama at ang nakalagay sa caption nito ay “a blessed Sunday.” “Blessed” ang matiwalag? May nagsabi pa na ang pinakamasayang pangyayari sa buhay niya ay noong siya ay matiwalag sa Iglesia?

Sa ganang sumasampalataya sa kahalagahan ng Iglesia Ni Cristo sa kaligtasan ay hindi nila sasabihin o gagawin iyon. Baka naroon ang suliranin. Umanib nga sila sa Iglesia Ni Cristo subalit hindi naman sumampalataya.

Nakalulungkot lang na isipin na ang mga natiwalag na ito ay mula pa sa angkan ng mga maituturing na “pioneers” sa Lokal. Kung sasabihin naman ninyo na wala kayong alinlangan na ang nasa loob ng Iglesia Ni Cristo lamang ang maliligtas, bakit hinahayaan ninyong lumipas ang mga araw na wala kayong ginagawang hakbang para makabalik? Mas mahalaga pa ba ang “pride” kaysa sa kaligtasan? Ang masaklap pa, ang iba sa halip na magbalik, ay tuluyan nang lumaban sa Pamamahala. Wala na silang sinisino-kahit ministrong destinado o tagapangasiwa nila ay nilalait, binabansagan ng kung anu-ano, naghahalukay ng kahit anuman na maaaring ipanira. Para sa ano? Para makaganti dahil sila ang nagrekumenda sa pagkakatiwalag sa inyo? Hindi ba lalo lamang ninyong pinatutunayan na dapat talaga kayong itiwalag? At lalong pinaliliit ninyo ang inyong tsansa na makabalik habang ipinagpapatuloy ninyo ang inyong paglaban?

Maaaring sa mga ito ay masugatan ang inyong damdamin ngunit wala kaming ibang hinahangad kundi mabuksan ang inyong isip. Tandaan rin ninyo na sa inyong ginagawang paninira at pagkakalat ng kung anu-anong kasiraan, marami ring nasasaktan—hindi lang ang ministro o tagapangasiwa kundi ang asawa nila, mga anak nila at mga taong nagmamahal sa kanila pati na ang mga kapatid na nasasakupan nila.
Kailan lalong hindi dap
at umurong ang mga kaanib sa INC at sa panig naman ng umurong o natiwalag, kailan lalong dapat nilang samantalahin na magbalik-loob? Naroon din sa unang talata na sinitas ang kasagutan:

“Sapagka’t sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating, at hindi magluluwat” (Heb. 10:37).

Ang tinutukoy na paririto ay ang ating Panginoong Jesucristo. Walang alinlangan na hindi na magluluwat o magtatagal ang Kaniyang muling pagparito sapagkat natupad na at patuloy pang natutupad ang mga palatandaang ibinigay Niya na naghuhudyat nito. Kaya ngayon, higit sa lahat ng panahon, ay gawin natin ang lahat para manatili tayong kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Huwag tayong gagawa ng anumang bagay na ikaaalis natin sa Iglesia tulad ng paglaban sa Pamamahala at paglikha ng anumang baha-bahagi. Sa panig naman ng mga naalis o natiwalag, samantalahin na ninyo ang pagkakataon habang hindi pa huli ang lahat na kayo ay makapagbalik-loob.

Nangangahulugan ba na sapat nang basta nananatiling kaanib lang sa Iglesia Ni Cristo? Kung tunay tayong alagad ni Jesus ay patuloy tayong susunod sa Kaniya:

“Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, ‘Kung patuloy kayong susunod sa aking aral, tunay ngang kayo’y mga alagad ko’” (Juan 8:31 MB).

Samakatuwid, ang hinahanap sa atin ay ang walang sawa at walang tigil na pagsunod kahit makasagupa tayo ng mga hadlang. Bakit kahit maraming mga hadlang at kahit ano pa ang pinagdaraanan ng Iglesia Ni Cristo ngayon ay hindi tayo dapat paapekto at hindi natin dapat payagang makasira ito ng ating loob? Ganito ang itinuro ni Apostol Pablo:

“Ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng kaanib sa iglesya ng Diyos dahil sa inyong pananampalataya at pagtitiis, sa kabila ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo. Ito ang katunayan ng makatarungang hatol ng Diyos: na kayo’y ariing karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis. Gagawin ng Diyos ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. Kayo namang mga nagtitiis ay aaliwin niyang kasama namin pagbabalik ng Panginoong Jesus mula sa langit, kasama ang makapangyarihan niyang mga anghel” (2 Tes. 1:4-7 MB).

Napansin ba ninyo? Ang mga unang Cristo ay nagtiis, inusig, nakaranas ng hirap at pagpapahirap. Bumigay ba sila o sumuko? O nag-isip man lamang na umalis na o magpatiwalag na sa Iglesia Ni Cristo? Hindi. Matibay ang patotoo sa kanila ni Apostol Pablo, “Ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng kaanib sa iglesya ng Diyos dahil sa inyong pananampalataya at pagtitiis, sa kabila ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo.”

Hindi pala ang pagkakatiwalag ang dapat ipagmalaki. Sa halip, ang ipinagmamalaki ng mga apostol ay ang pananampataya at pagtitiis ng mga unang Cristiano sa kabila ng matindi nilang pinagdaanan. Ano ang tiniyak ni Apostol Pablo sa kanila? Sinabi niya na “kayo’y ariing karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis.”

Bilang pagwawakas, ipinaaalaala namin sa inyo ang dakilang pag-ibig na iniukol ni Cristo sa Iglesia.
“Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para rito” (Efe. 5:25 MB).

Buhay ang inihandog ni Cristo bilang pagmamahal sa Iglesia Ni Cristo. May hihigit pa ba rito? At tayong mga kaanib sa Iglesia NI Cristo, papayagan ba natin masayang ang napakahalagang buhay na iniukol ni Cristo para sa Iglesia?

Kung sasabihin natin na mahal natin ang Iglesia Ni Cristo, papayag ba tayo na maalis dito? At kung sa panig ng mga naalis o natiwalag ay may natitira pa kayong pagmamahal sa Iglesia, papayag ba kayo na manatiling nasa labas ng Iglesia Ni Cristo? Kung talagang nakahanda tayong ibigay ang ating sariling buhay alang-alang sa pagmamahal natin sa Iglesia Ni Cristo, lalong madadalian tayo na isuko ang “pride”, alisin ang tampo o hinanakit, makabalik lamang sa Iglesia na ating minamahal.
Sa panig naman ng lahat ng kapatid, ganito natin dapat ipakita ang pagmamahal sa Iglesia ayon sa itinuro ni Apostol Pablo:

“Yamang nananabik kayo sa mga kaloob ng Espiritu, sikapin ninyong sumagana kayo sa mga kaloob na makapagpapaunlad sa iglesya” (1 Cor. 14:12 MB)

Ang hinahangad ng mga tunay na nagmamahal sa Iglesia ay ang makita itong umuunlad at hindi ang makita itong masira o ang makita itong tinutuligsa at pinagtatawanan ng mga kaibayo natin sa pananampalataya. Para ito ay umunlad, dapat magsikap at ang totoo’y doblehin pa ang pagsisikap na sumagana sa kaloob ng Espiritu.

Kaya sa mga kapatid na nakababasa nito, itanong natin sa ating sarili, ano ang naiaambag natin sa ikauunlad ng Iglesia? Alam naming pasadong-pasado rito ang mga tapat na maytungkulin at kapatid na marami nang isinakripisyo alang-alang sa pakikipagkaisa sa Pamamahala at sa pakikilahok sa mga gawain ng Iglesia. Mabuhay kayo, mga kapatid!

Sa nalalapit na Taunang Pagpapasalamat natin sa Diyos, pagpasok ninyo sa gusaling-sambahan, sa sandaling makaupo na kayo, manalangin kayo nang pansarili at kasama ninyong sabihin sa Diyos na, “Diyos ko, mangyari na po ang mangyari, hindi po ako uurong sa aking pagka-Iglesia Ni Cristo.”