Sa ganang mga tunay na Ministro at kaanib ng Iglesia Ni
Cristo, ang sagot ay nasa labas
ng Iglesia Ni Cristo ang mga tiwalag. Kaya ang katumbas ng sinabi ni Apostol
Pablo na “Itiwalag ninyo ang masamang kasamahan ninyo” sa 1 Corinto 5:13 MB ay
“… put that sinful person out of your
church” (NLV, emphasis mine).
Kapag sinabing “PUT … OUT OF YOUR CHURCH,” kung gayon, nasaan
na ang mga dating nasa loob ngunit ngayon ay tiwalag na? Nasa loob pa rin ba o
nasa labas? Nasa labas. Sa iba pang
salin ng Biblia ay sinasabing, “alisin
nga ninyo sa inyo ang masamang tao” (Dating Salin, emphasis mine).
Kung tatanungin naman ang mga dating Ministro at kaanib ng
Iglesia subalit ngayon ay nagdilim na, kung nasaan ang mga tiwalag, ano ang
isasagot nila? Ang mga tiwalag daw ay ang mga nasa loob ng Iglesia at nasa
talaan pa nito subalit nabubuhay naman sa masamang gawain. Paano naman daw sila
na dating kaanib subalit ngayon ay nasa labas na ng Iglesia at wala na rin ang
pangalan sa talaan sa Iglesia? Hindi raw totoo na sila ay mga tiwalag.
Sabagay, hindi kataka-taka na may mga ganiyang tao na ang
tawag ng Biblia ay mga baliktad ang isip:
Kawawa kayo, mga baligtad ang isip! Ang
mabuting gawa ay minamasama, Ang masama naman ay minamabuti, ang kaliwanaga’y
inaaring dilim at ang kadilima’y liwanag ang turing. Mapait na apdo ang sabi’y
matamis at ang matamis ay minamapait (Isa. 5:20 MB).
Hindi nga ba’t baliktad ang isip ang sabihing ang tiwalag ay ang nasa loob pa at nananatili pa sa talaan ng Iglesia at ang mga dating nasa loob na ngayo’y nasa labas
na at wala na sa talaan ng Iglesia ay hindi
tiwalag.
Tao lang daw ang
nagtiwalag
Ano ang tunay na dahilan kaya sinasabi ng mga natiwalag na
dating Ministro at kaanib ng Iglesia na hindi raw sila tiwalag? Una, ito ay
upang makakuha ng simpatiya sa mga kasalukuyang kaanib sapagkat paano nga naman
sila kakampihan ng mga kaanib kung sila’y mga tiwalag na sa Iglesia.
Ikalawa, para bigyang-katuwiran ang kanilang isinisigaw na
sila ay mga INC Defenders daw. Paano nga naman nila masasabing sila’y INC
Defenders kung hindi naman sila INC (Iglesia Ni Cristo).
Paano naman nila pinalilitaw na hindi sila tiwalag gayong
binasa pa sa mga pagsambang kongregasyunal ng Iglesia Ni Cristo ang kanilang
pangalan at ang pasiya na sila’y itiwalag? Sinasabi nilang tao lang naman daw
ang nagtiwalag sa kanila at hindi ang Diyos.
Sadyang pinagdilim na ng Diyos ang kanilang pag-iisip. Alam
nila at ito ay itinuturo pa noon ng mga dating Ministro na ito ng Iglesia na
ang kalagan sa lupa ay kinakalagan sa langit. Ang pagkakalag na tinutukoy ay ang
pagtitiwalag (Mateo 18:18; 1 Cor. 5:13 MB).
Ang karapatan sa pagkakalag ay ibinigay ni Cristo sa
Pamamahala sa Iglesia. Ang Pamamahala rin ang binigyan ng karapatan sa
pagtatali o pangangaral ng mga salita ng Diyos. Ang mga natalian ng mga
kautusan ng Diyos sa paraang sila’y pinangaralan, sumampalataya at
nabautismuhan sa loob ng Iglesia Ni Cristo (Mar. 16:15-16; 1 Cor. 12:13 NPV) ay itinala
sa talaan ng Iglesia. Kaya naman ang mga pangalan nila ay nakatala sa aklat ng
buhay sa langit na siyang aklat na kinasusulatan ng pangalan ng mga maliligtas
(Heb. 12:22-24 TLB; Gawa 20:28 Lamsa; Apoc. 20:12, 15; Dan. 12:1).
Tanong, hindi ba ito alam ng mga dating Ministro na ngayon
ay tiwalag na sa Iglesia? Hindi nila maikakaila na ito ay alam nila sapagkat
ito ay itinuro nila noon sa mga umaanib pa lamang sa Iglesia Ni Cristo at hindi
miminsang itinuro nila sa panahon ng mga pagsamba. Ang suliranin nga lamang ay baka
alam nga nila subalit hindi sinampalatayanan kaya hindi kataka-takang sila ay
nahiwalay sa Iglesia Ni Cristo gaya ng mga alagad ni Jesus na nahiwalay dahil
sa kawalan ng pananampalataya (Juan 6:60-61, 64, 66).
Isa pa, bakit nang sila ay itinala sa talaan ng Iglesia ay
hindi nila ito kinuwestiyon at sinabing “bakit tao ang nagtatala sa atin, hindi
ba marapat na ang Diyos mismo ang magtala sa atin?” Subalit hanggang ngayon ay
hindi naman nila ito kinukuwestiyon. Alam nila kung gaano kalahaga na sila’y
itinala ng tao sa talaan ng Iglesia kaya nga iginigiit nila na hindi sila
tiwalag. Alam nila na ang itinala ng tao sa talaan ng Iglesia ay itinatala
naman ng Diyos sa talaan ng mga pangalan na nasa aklat ng buhay sa langit.
Kung gayon, bakit nila ngayon kinukuwestiyon na tao lang ang
nagtiwalag sa kanila at hindi ang Diyos. Gusto na ba nilang ibahin at baguhin
ang nakasulat sa Mateo 18:18? Ganito ba ang nais nilang palitawin: “ang lahat ng
mga bagay na inyong talian sa lupa ay tatalian sa langit: at ang lahat ng mga bagay na inyong kalagan sa
lupa ay kayo-kayong lang ang
nagkalag at hindi kakalagan sa
langit.
Isa pang dahilan kaya nila itinatanggi na sila’y tiwalag ay
sapagkat kung ito’y tatanggapin nila ay para na rin nilang tinanggap na wala na
ang pangalan nila sa aklat ng buhay sa langit.
Bukod dito, sino ba ang inutusan ng Diyos na itiwalag ang
masamang kasamahan? Alinsunod sa kalooban ng Diyos na itinuro ni Apostol Pablo,
“Itiwalag ninyo ang masamang kasamahan ninyo” (1 Cor. 5:13 MB). Malinaw na ang
tao (Pamamahala) ang inuutusan na itiwalag ang mga hindi na karapat-dapat na
manatiling kaanib sa Iglesia Ni Cristo.
Bakit may
pagtitiwalag pa?
Ang pagtitiwalag ay iniutos ng Diyos na dapat gawin sa mga
masamang kasamahan. Ang tanong ay bakit ito ipinag-utos ng Diyos?
Ang nais ng Diyos ay abutan ang Iglesia Ni Cristo na nasa
kalagayang sakdal na tulad sa dalagang malinis (Col. 1:28-29; 2 Cor. 11:2). Ang
pagtitiwalag ay isa sa mga kaparaanan ng paglilinis sa paraang ang bawa’t sanga
(kaanib) na hindi nagbubunga (bunga ng kabanalan), ay inaalis ng Diyos (Juan
15:2, Fil. 1:11). Ang pagtuturo ng mga salita ng Diyos upang ang mga kapatid ay
sumunod sa katotohanan at mahikayat na isagawa ang puspusang pagbabagong-buhay
ay isa pa ring kaparaanan ng paglilinis. Gayunman, hindi kasama sa mga kaparaanan
ng paglilinis ang ginawa ng mga nagpapakilalang INC Defenders na idinemanda ang
Pamamahala ng Iglesia at naghasik pa ng katakut-takot na mga kasinungalingan sa
internet.
Ano na ang kalagayan ng mga dating sanga (kaanib) subalit
inalis na sa Iglesia o itiniwalag? May karapatan pa ba silang sumamba sa Diyos?
Wala na sapagkat sinumang hiwalay kay Cristo o hiwalay sa Iglesia Ni Cristo ay
walang Diyos at walang pag-asa sa kaligtasan (Efe. 2:12 Salita ng Buhay). Paano
kung ngayong sila’y tiwalag na ay ipagpatuloy nila ang pagsamba sa Diyos na
gaya nga ng ginagawa nila ngayon? Tapos na ang pasiya ni Cristo nang sabihin
Niyang “kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa” (Juan 15:5). Ang
hindi nila magagawa ay kung ano magbubunga ng kabanalan at kaligtasan para sa
kanila. Sa halip, ang mga hiwalay (dati nang hiwalay, kusang humiwalay o
inihiwalay) ay nakatakdang itapon sa apoy upang masunog (Juan 15:4, 6).
Isang panawagan sa
mga natiwalag sa Iglesia Ni Cristo
Kung may mahalagang magawa ang lahat ng mga natiwalag sa
Iglesia, mula pa noon at hanggang ngayon ay ang magbalik-loob sa Diyos. Lamang ay
dapat pailalim sa kondisyon ng Diyos ang sinumang magbabalik-loob sa Kaniya
(Isa. 1:16 MB; Isa. 55:7 MB).
Alam naming alam ninyo na ang kaligtasan ay matatagpuan
lamang sa Iglesia Ni Cristo. Alam naming alam ninyo na ang inabot ng kamatayan
o ng araw ng paghuhukom na nasa kalagayang tiwalag ay hindi maliligtas.
Ang nagiging hadlang nga lamang sa iba ay ang kanilang “pride.”
Hindi nila magawang isuko ang “pride” at aminin na nagkamali sila gayung ang
isa pa naman sa mga kondisyon ng Diyos para patawarin ang nagbabalik-loob ay
ang magpakumbaba (2 Kron. 7:14 MB).
Sana’y alalahanin ninyo ang mga salitang ito na mula sa mga
apostol: “Yamang kami'y mga katulong sa gawain ng Diyos, ipinamamanhik namin sa
inyo na huwag ninyong sayangin ang
pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos” (2 Cor. 6:1 MB, emphasis mine).
Lowell Menorca: Ang Sagot
“We didn’t try to BURY you, because we know that you are
WEEDS.”
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.