Ang 10 Utos Ng Diyos Upang Maingatan Ang Kaligtasan
Unang Utos
HUWAG MANLALAMIG ANG PAG IBIG SA DIYOS
(Apoc. 2:3-5 MB)
HUWAG MANLALAMIG ANG PAG IBIG SA DIYOS
(Apoc. 2:3-5 MB)
“Alam ko ring matiyaga ka, nagtiis ng maraming hirap alang-alang sa akin, at hindi nanlupaypay. Ngunit ito ang ipinagdaramdam ko sa iyo: nanlalamig ka na sa akin - hindi mo na ako mahal tulad ng dati. Alalahanin mo ang dati mong kalagayan, pagsisihan mo at talikdan ang iyong masasamang gawa, at gawin mong muli ang mga ginawa mo noong una. Kapag hindi ka nagsisi, paririyan ako at aalisin ko sa kinalalagyan ang iyong ilawan.”
Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Enero 4/5, 1997, binigyang-diin na hindi dapat pumayag ang isang Iglesia Ni Cristo na manlamig ang kaniyang pag-ibig sa Diyos. Ang tinutukoy na pag-ibig sa Diyos ay sa pamamagitan ng pagsunod sa Kaniyang mga utos gaya ng itinuro ni Aposol Juan:
“Sapagka’t ito ang pag-ibig sa Dios, na ating tuparin ang kaniyang mga utos: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat” (1 Juan 5:3).
Kaya kapag sinabing ang isang kapatid ay “nanlalamig”, katumbas ito na nawawala na ang alab o init niya at namamatay na ang ningas niya sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Marami mang maibibigay na dahilan ang iba sa panlalamig ngunit dapat nilang tandaan na hindi tinatanggap ng Diyos ang alinman sa mga yaon.
Para sa Diyos, ano ang katumbas kapag ang isang kaanib ay nanlamig? Ang katumbas ay hindi na siya mahal tulad ng dati. Ayaw ng Diyos na maging ganito ang kalagayan ng sinuman kaya nga nagkakaloob siya ng pagkakataon. Nakasaad sa talata ng Biblia na binanggit sa itaas na:
“…Alalahanin mo ang dati mong kalagayan, pagsisihan mo at talikdan ang iyong masasamang gawa, at gawin mong muli ang mga ginawa mo noong una.”
Kaya nga magandang pagkakataon na sa nalalapit na kaarawan ng Kapatid na Eraño G. Manalo, yayamang katungkulan nating alalahanin ang namahala sa atin ay suriin natin ang ating kalagayan noon at ihambing sa kalagayan natin ngayon.
Masigla ba tayo noon sa pagsamba sa Diyos at sa pakikilahok sa mga gawain ng Iglesia? Noon ba ay lagi tayong kasa-kasama ng mga ministro at manggagawa sa pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos? Kapag may panawagan ang Pamamahala, sabik na sabik ba tayo noon na tayo ang unang tumugon at makipagkaisa? Kumusta naman tayo ngayon? Gayon pa rin ba ang ating kasiglahan?
Totoo na maraming pagsubok at masasabi pang mahigpit ang pag-uusig na pinagdaraanan ng Iglesia ngayon. Subalit paaapekto ba tayo? Hindi ba’t nasasabi nga ng marami sa atin na magdamdam na ang lahat, huwag lang ang Panginoong Diyos?
Gayunman, kahit ayaw pa nating magdamdam ang Diyos subalit napaapekto naman tayo sa mga nangyayari ngayon sa Iglesia sa paraang bumitiw tayo sa kasiglahan, kung sa panig ng maytungkulin ay tinatamad nang tumupad at kung sa kapatid ay ayaw nang sumamba at tumulong sa gawain, tiyak na magdaramdam at magagalit ang Panginoong Diyos sa atin. At kapag sa kabila ng pagkakataong ibinibigay ng Diyos ay nanatili pa rin ang sinuman sa gayong kalagayan, tapos na ang pasiya ng Diyos:
“Kapag hindi ka nagsisi, paririyan ako at aalisin ko sa kinalalagyan ang iyong ilawan.”
Kaya pala, may nagdidilim sapagkat inalis na sa kanila ng Diyos ang liwanag. Dati-rati’y kay liwanag ng katotohanang ang kaligtasan ay nasa loob lamang ng Iglesia Ni Cristo subalit ngayon ay iniisip nilang sila’y ligtas pa rin kahit tiwalag na sila sa Iglesia. Dati-rati’y kay liwanag sa kanila ang aral ni Cristo na ang manatiling tapat hanggang sa wakas ay siyang maliligtas ngunit ngayon ay ipinagmamalaki pa ng mga natiwalag na ang pinakamasayang pangyayari raw sa kanilang buhay ay nang sila ay matiwalag sa Iglesia.
Kaya nais naming muling manawagan sa mga natiwalag, na maaaring nadala lang ng simbuyo ng damdamin at ng namuong hinanakit at pagdaramdam bunga ng iba’t ibang dahilan. Nais rin naming manawagan sa mga kapatid pa sa Iglesia subalit wari baga’y ang simpatiya ay nasa mga natiwalag sa Iglesia. Higit sa lahat, nais naming manawagan sa lahat ng mga kapatid na araw-araw ay nakikipagbakang mabuti para ingatan at ipagsanggalang ang ating pananampalataya.
Ang panawagang ito ay hindi amin lamang. Panawagan ito ni Ka Erdy noong nabubuhay pa siya at siyang namamahala sa atin at siyang una sa 10 utos na kanilang itinuro upang maingatan natin ang ating kaligtasan:
HUWAG TAYONG PAPAYAG NA MANLAMIG ANG ATING PAG-IBIG SA DIYOS.
Ito rin ang panawagan sa atin ng ating kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo palibhasa’y iisa sila ng mga naunang namahala sa Iglesia Ni Cristo sa diwa ng pagmamahal at pagmamalasakit sa Iglesia.
Ang gusto ng Diyos na maging katangian natin at sa ganitong kalagayan tayo abutan ng kamatayan ay itinuturo sa atin ng Biblia:
“Kaya’t kailangang magpakatatag ang mga hinirang ng Diyos, ang mga sumusunod sa utos ng Diyos at nananatili sa pananalig kay Jesus. At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mula ngayon, mapapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan!” “Tunay nga,” sabi ng Espiritu. “Magpapahinga na sila sa kanilang pagpapagal; sapagkat susundan sila ng kanilang mga gawa” (Apoc. 14:12-13).
Gusto naming bigyang-diin na ang mga talatang ito ay ukol mismo sa atin sapagkat sa mga kasunod na talata nito (Apoc. 14:14-15) ay binabanggit ang panahon ng paggapas o pag-aani na siyang katapusan ng sanlibutan (Mat. 13:39). Ang Iglesia Ni Cristo na pinamamahalaan ngayon ni Kapatid na Eduardo V. Manalo, ang huling gawain ng Diyos sa pagliligtas na aabutan na ng katapusan ng sanlibutan na siyang Araw ng Paghuhukom.
Gusto ng Diyos na magpakatatag tayo sa pagsunod sa utos Niya at manatili tayo sa pananalig kay Jesus. Palibhasa’y alam ng Panginoong Diyos na pilit na liligligin at uugain ni satanas at ng kaniyang mga kasangkapan ang ating pananampalataya, kaya ipinagpauna na Niya na KAILANGAN TAYONG MAGPAKATATAG.
Kaya, kapit lang na mahigpit, kapatid at tuluy-tuloy ang ating kasiglahan sa paglilingkod sa Diyos. Gusto ng Diyos na maglingkod tayo sa Kaniya hanggang kamatayan. Kapag nagkagayon, matutupad sa atin ang garantiya ng Diyos. Magpapahinga na tayo sa ating pagpapagal. Ang kapahingahang ito ay doon sa Bayang Banal na doon ay makakasama natin ang Sugo ng Diyos sa mga huling araw, maging ang Kapatid na Eraño G. Manalo at ang lahat ng mga nauna sa atin na kaanib sa Iglesia Ni Cristo na namatay sa kasiglahan ng paglilingkod sa Panginoong Diyos.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.