Ang 10 Utos Ng Diyos Upang Maingatan Ang Kaligtasan
Ikatlong Utos
HUWAG UURONG SA PAGKA-IGLESIA NI CRISTO
(Heb. 10:37-39)
“Sapagka’t sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating, at hindi magluluwat. Nguni't ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa. Nguni’t tayo’y hindi doon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan; kundi doon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.”
Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Enero 11/12, 1997 ay ipinakilala ang kasamaan ng pag-urong sa pagka-Iglesia Ni Cristo. Ang katumbas ng pag-urong ay pagbabalik sa kapahamakan. Tiniyak din na ang umurong ay hindi kalulugdan ng Diyos.
Bago namin ipagpatuloy ang pagtalakay rito, nais sana namin na pag-isipan ito ng mga natiwalag sa Iglesia. Nauunawaan kaya ninyo na ang kalagayan ninyo ngayon ay pabalik sa kapahamakan? Kung gayon, ano pa ang hinihintay ninyo? Magbalik-loob na kayo.
Naniniwala rin ba kayo sa sinasabi ng Biblia na hindi kalulugdan ng Diyos ang umurong? Kung gayon, bakit ang iba’y tuwang-tuwa pa nang sila’y matiwalag? Pagkatapos ng pagsamba na kung saan ay nag-walk out sila habang binabasa ang pagkakatiwalag sa kanila ay nagpakuha pa sila ng larawan na sama-sama at ang nakalagay sa caption nito ay “a blessed Sunday.” “Blessed” ang matiwalag? May nagsabi pa na ang pinakamasayang pangyayari sa buhay niya ay noong siya ay matiwalag sa Iglesia?
Sa ganang sumasampalataya sa kahalagahan ng Iglesia Ni Cristo sa kaligtasan ay hindi nila sasabihin o gagawin iyon. Baka naroon ang suliranin. Umanib nga sila sa Iglesia Ni Cristo subalit hindi naman sumampalataya.
Nakalulungkot lang na isipin na ang mga natiwalag na ito ay mula pa sa angkan ng mga maituturing na “pioneers” sa Lokal. Kung sasabihin naman ninyo na wala kayong alinlangan na ang nasa loob ng Iglesia Ni Cristo lamang ang maliligtas, bakit hinahayaan ninyong lumipas ang mga araw na wala kayong ginagawang hakbang para makabalik? Mas mahalaga pa ba ang “pride” kaysa sa kaligtasan? Ang masaklap pa, ang iba sa halip na magbalik, ay tuluyan nang lumaban sa Pamamahala. Wala na silang sinisino-kahit ministrong destinado o tagapangasiwa nila ay nilalait, binabansagan ng kung anu-ano, naghahalukay ng kahit anuman na maaaring ipanira. Para sa ano? Para makaganti dahil sila ang nagrekumenda sa pagkakatiwalag sa inyo? Hindi ba lalo lamang ninyong pinatutunayan na dapat talaga kayong itiwalag? At lalong pinaliliit ninyo ang inyong tsansa na makabalik habang ipinagpapatuloy ninyo ang inyong paglaban?
Maaaring sa mga ito ay masugatan ang inyong damdamin ngunit wala kaming ibang hinahangad kundi mabuksan ang inyong isip. Tandaan rin ninyo na sa inyong ginagawang paninira at pagkakalat ng kung anu-anong kasiraan, marami ring nasasaktan—hindi lang ang ministro o tagapangasiwa kundi ang asawa nila, mga anak nila at mga taong nagmamahal sa kanila pati na ang mga kapatid na nasasakupan nila.
Kailan lalong hindi dap
at umurong ang mga kaanib sa INC at sa panig naman ng umurong o natiwalag, kailan lalong dapat nilang samantalahin na magbalik-loob? Naroon din sa unang talata na sinitas ang kasagutan:
“Sapagka’t sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating, at hindi magluluwat” (Heb. 10:37).
Ang tinutukoy na paririto ay ang ating Panginoong Jesucristo. Walang alinlangan na hindi na magluluwat o magtatagal ang Kaniyang muling pagparito sapagkat natupad na at patuloy pang natutupad ang mga palatandaang ibinigay Niya na naghuhudyat nito. Kaya ngayon, higit sa lahat ng panahon, ay gawin natin ang lahat para manatili tayong kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Huwag tayong gagawa ng anumang bagay na ikaaalis natin sa Iglesia tulad ng paglaban sa Pamamahala at paglikha ng anumang baha-bahagi. Sa panig naman ng mga naalis o natiwalag, samantalahin na ninyo ang pagkakataon habang hindi pa huli ang lahat na kayo ay makapagbalik-loob.
Nangangahulugan ba na sapat nang basta nananatiling kaanib lang sa Iglesia Ni Cristo? Kung tunay tayong alagad ni Jesus ay patuloy tayong susunod sa Kaniya:
“Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, ‘Kung patuloy kayong susunod sa aking aral, tunay ngang kayo’y mga alagad ko’” (Juan 8:31 MB).
Samakatuwid, ang hinahanap sa atin ay ang walang sawa at walang tigil na pagsunod kahit makasagupa tayo ng mga hadlang. Bakit kahit maraming mga hadlang at kahit ano pa ang pinagdaraanan ng Iglesia Ni Cristo ngayon ay hindi tayo dapat paapekto at hindi natin dapat payagang makasira ito ng ating loob? Ganito ang itinuro ni Apostol Pablo:
“Ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng kaanib sa iglesya ng Diyos dahil sa inyong pananampalataya at pagtitiis, sa kabila ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo. Ito ang katunayan ng makatarungang hatol ng Diyos: na kayo’y ariing karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis. Gagawin ng Diyos ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. Kayo namang mga nagtitiis ay aaliwin niyang kasama namin pagbabalik ng Panginoong Jesus mula sa langit, kasama ang makapangyarihan niyang mga anghel” (2 Tes. 1:4-7 MB).
Napansin ba ninyo? Ang mga unang Cristo ay nagtiis, inusig, nakaranas ng hirap at pagpapahirap. Bumigay ba sila o sumuko? O nag-isip man lamang na umalis na o magpatiwalag na sa Iglesia Ni Cristo? Hindi. Matibay ang patotoo sa kanila ni Apostol Pablo, “Ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng kaanib sa iglesya ng Diyos dahil sa inyong pananampalataya at pagtitiis, sa kabila ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo.”
Hindi pala ang pagkakatiwalag ang dapat ipagmalaki. Sa halip, ang ipinagmamalaki ng mga apostol ay ang pananampataya at pagtitiis ng mga unang Cristiano sa kabila ng matindi nilang pinagdaanan. Ano ang tiniyak ni Apostol Pablo sa kanila? Sinabi niya na “kayo’y ariing karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis.”
Bilang pagwawakas, ipinaaalaala namin sa inyo ang dakilang pag-ibig na iniukol ni Cristo sa Iglesia.
“Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para rito” (Efe. 5:25 MB).
Buhay ang inihandog ni Cristo bilang pagmamahal sa Iglesia Ni Cristo. May hihigit pa ba rito? At tayong mga kaanib sa Iglesia NI Cristo, papayagan ba natin masayang ang napakahalagang buhay na iniukol ni Cristo para sa Iglesia?
Kung sasabihin natin na mahal natin ang Iglesia Ni Cristo, papayag ba tayo na maalis dito? At kung sa panig ng mga naalis o natiwalag ay may natitira pa kayong pagmamahal sa Iglesia, papayag ba kayo na manatiling nasa labas ng Iglesia Ni Cristo? Kung talagang nakahanda tayong ibigay ang ating sariling buhay alang-alang sa pagmamahal natin sa Iglesia Ni Cristo, lalong madadalian tayo na isuko ang “pride”, alisin ang tampo o hinanakit, makabalik lamang sa Iglesia na ating minamahal.
Sa panig naman ng lahat ng kapatid, ganito natin dapat ipakita ang pagmamahal sa Iglesia ayon sa itinuro ni Apostol Pablo:
“Yamang nananabik kayo sa mga kaloob ng Espiritu, sikapin ninyong sumagana kayo sa mga kaloob na makapagpapaunlad sa iglesya” (1 Cor. 14:12 MB)
Ang hinahangad ng mga tunay na nagmamahal sa Iglesia ay ang makita itong umuunlad at hindi ang makita itong masira o ang makita itong tinutuligsa at pinagtatawanan ng mga kaibayo natin sa pananampalataya. Para ito ay umunlad, dapat magsikap at ang totoo’y doblehin pa ang pagsisikap na sumagana sa kaloob ng Espiritu.
Kaya sa mga kapatid na nakababasa nito, itanong natin sa ating sarili, ano ang naiaambag natin sa ikauunlad ng Iglesia? Alam naming pasadong-pasado rito ang mga tapat na maytungkulin at kapatid na marami nang isinakripisyo alang-alang sa pakikipagkaisa sa Pamamahala at sa pakikilahok sa mga gawain ng Iglesia. Mabuhay kayo, mga kapatid!
Sa nalalapit na Taunang Pagpapasalamat natin sa Diyos, pagpasok ninyo sa gusaling-sambahan, sa sandaling makaupo na kayo, manalangin kayo nang pansarili at kasama ninyong sabihin sa Diyos na, “Diyos ko, mangyari na po ang mangyari, hindi po ako uurong sa aking pagka-Iglesia Ni Cristo.”
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.