Ikasiyam na Utos
HUWAG IPAGWAWALANG BAHALA ANG PAGTUPAD SA MGA TUNGKULIN
(Jer. 48:10 MB)
“Sumpain siya na pabaya sa pagtupad sa gawain ni Yahweh!...”
Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Pebrero 01/02, 1997 ay binigyang-diin ang kahalagahan ng mga tungkulin sa loob ng Iglesia Ni Cristo. Ang katunayang may kinalaman sa kaligtasan ang matapat na pagtupad sa tungkulin ay ang ibinabala ng Diyos na susumpain Niya ang sinumang nagpapabaya sa pagtupad sa gawain ng Panginoon.
Sa panahon pa ng bayang Israel ay naglagay na ang Diyos ng mga maytungkulin na tinawag niyang “bantay.”
“Pagkatapos ng pitong araw, dumating sa akin ang salita ng PANGINOON: ‘Tao, ginawa kitang bantay sa sambahayan ng Israel; kaya makinig ka sa sasabihin ko at ipaabot mo sa kanila ang babala buhat sa akin’” (Ezek. 3:16-17 NPV).
Ipinakikilala nito ang kadakilaan ng tungkulin yayamang ang karapatang ito ay hindi sa tao nanggaling kundi sa Diyos.
Bakit tinawag na bantay ang mga maytungkuling ito? Ano ang pananagutan ng mga bantay na inilagay ng Diyos sa Kaniyang bayan?
“Kapag sinabi ko sa masamang tao, ‘Tiyak na mamamatay ka’, at hindi mo siya binabalaan o hindi ka magsalita para sawayin siya sa masama niyang gawain upang mailigtas ang kanyang buhay, mamamatay ang taong iyon dahil sa kanyang kasalanan, ngunit pananagutin kita sa kanyang dugo” (Ezek. 3:18 NPV).
Pananagutan ng mga itinalagang bantay na magbabala at sawayin ang mga nasa bayan ng Diyos na gumagawa ng masama. Hindi nila ito maaaring ipagwalang-bahala sapagkat mananagot sila sa Diyos kapag may nangyaring masama sa hinirang ng Diyos na hindi nila binabalaan o sinaway.
Napakahalagang maintindihan ito ng lahat ng mga kapatid. Hindi nila dapat ikatisod, ipagdamdam o ikasama ng loob kapag sila ay binababalaan o sinasaway ng mga ministro, manggagawa at maytungkulin kapag mayroon silang ginagawa na lihis na sa mga gawain ng isang Cristiano. Kung bakit ay sapagkat ang pagbibigay ng babala at saway ay kahayagan ng pag-ibig at pagmamalasakit sapagkat ayaw ng Pamamahala sa Iglesia na ang mga natawag na sa loob ng Iglesia Ni Cristo ay humantong pa sa kapahamakan.
Sa panahong Cristiano, ano ang layunin ng Diyos sa paglalagay Niya ng iba’t ibang tungkulin at maytungkulin sa Iglesia?
“At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba’y propeta; at ang mga iba’y evangelista; at ang mga iba’y pastor at mga guro; Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo: Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo: Upang tayo’y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian” (Efe. 4:11-14).
Ang panguhing layunin ng Diyos sa paglalagay Niya ng iba’t ibang tungkulin at maytungkulin sa Iglesia ay sa ikasasakdal ng mga banal. Mahalagang marating ng bawat isa ang kasakdalan sapagkat ito ang uri ng kaparat-dapat humarap kay Cristo (Col. 1:28-29) at magtamo ng pangakong kaligtasan.
Ano pa ang pinagsisikapang matupad ng mga maytungkulin sapagkat ito ay kabilang sa mga layunin ng Diyos sa paglalagay sa kanila sa Iglesia? Sinabi ni Apostol Pablo na:
“Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya.”
Kaya ang mga maytungkulin ay kaisa ng Pamamahala sa layuning mapanatili ang pagkakaisa ng Iglesia. Hindi papayag ang mga tunay na maytungkulin na ang Iglesia ay magkabaha-bahagi. Kaya kung sa hanay ng mga nasasakupan ng mga maytungkulin ay may lumilikha ng pagkakampi-kampi gaya ng pagsasalita o pagsusulat ng anumang laban sa Pamamahala, ito ay agad nilang kinakausap at pinagpapayuhang magbago. Kung sa kabila ng mga pagbibigay sa kaniya ng babala at saway ay ayaw pa niyang magbago ay iniuulat siya sa Pamamahala upang malapatan ng kaukulang aksiyon.
Kaya kung may mga natiwalag man sa Iglesia, wala silang dapat sisihin kundi ang kanilang sarili. Hindi nila dapat sisihin ang Destinado at Pamunuan ng Lokal na nagrekumenda na sila’y itiwalag at ang sinumang kapatid na nag-ulat sa kanila. Ang Destinado at Pamunuan ng Lokal ay nagrerekumenda lamang at hindi silang nagpapasiya ng pagtitiwalag. Ang pasiya ng pagtitiwalag ay nagmumula sa Pamamahala na siyang inutusan ng Diyos na itiwalag ang sinumang kaanib na nabubuhay sa kasamaan (1 Cor. 5:13 MB).
Sa halip na magngitngit sa galit ang mga natiwalag at maghanap ng kapintasan at kasiraan ng mga nag-ulat at nagrekumenda sa kanila na sila’y matiwalag, ang dapat nilang gawin ay kilalanin ang kanilang pagkakamali at kasalanan, magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos.
Sa muli, nais naming iparinig sa inyo ang tinig ni Ka Erdy at nawa’y maging kasangkapan ito para magbalik-loob ang mga natiwalag na hanggang ngayon ay hindi naman nawawaglit sa kanilang gunita ang alaala ng dating namahala sa Iglesia:
transcript
Kapatid na Eraño G. Manalo: Gusto ninyong magkaisa kayo? Pagsakitan ninyo ang pakikipagkaisa sa Espiritu. “Eh ako ho naman ay kaisa ng Diyos talaga eh.” Paano ba ang pakikiisa sa Diyos? Yung Espiritu … Diyos, 1:3 [1 Juan]…
Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “Ipinahahayag nga namin sa inyo ang aming nakita’t narinig...”
Kapatid na Eraño G. Manalo: “…upang…”
Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “…makasama namin kayo sa pakikiisa sa Ama…”
Kapatid na Eraño G. Manalo: …yung pamamahala ang may pakikiisa sa Ama, doon ka sasama,
Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “at sa Kaniyang…”
Kapatid na Eraño G. Manalo: kita mo sabi roon, “makasama namin kayo sa pakikiisa sa Ama.”
Samakatuwid, sasama ka sa Pamamahala, saka ka lang makakaisa ng Ama at ng Anak na si Jesucristo. E sabi ng iba, ah basta ako sa Diyos, pero kung ako’y susunod pa riyan sa pasiya ng Pamamahala... Ganyan ba ang utak ng mga unang Iglesia Ni Cristo? Ganyan ba ang isipan ng unang Iglesia Ni Cristo? Sinasabi ba nila Diyos na lang, puwera na Pamamahala… Pero ang unang Iglesia, heto sa 2 Corinto [8:5] MB:
Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “At higit pa sa inaasahan ko inilaan nila ang kanilang sarili,”
Kapatid na Eraño G. Manalo: heto…
Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “una sa Panginoon at…”
Kapatid na Eraño G. Manalo: wala na … wala na… tapos na sitas, hindi ba? Sige…
Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “At higit pa sa inaasahan ko inilaan nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos, sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos.”
Kapatid na Eraño G. Manalo: Ano ba ang ibig sabihin yung inilaan nila sa amin, pagkatapos sa Diyos, sa amin, ano ang ibig sabihin noon? 13:17 [Hebreo, NPV]
Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “Sundin ninyo ang mga nangangasiwa sa inyo, at pasakop kayo sa kanilang pamamahala. Sila ang mangangalaga sa inyo…”
Kapatid na Eraño G. Manalo: letra por letra iyon.
Kapatid na Teofilo C. Ramos, Sr. (tagabasa): “… at mananagot sa paglilingkod na ito. Sundin ninyo sila upang maging kagalakan at hindi pabigat …”
Kapatid na Eraño G. Manalo: Tinatanong ko kayo mga kapatid, atas ba o payo lang? Atas eh.
Ano ang itinagubilin ni Apostol Pedro sa lahat ng mga maytungkulin sa Iglesia?
“Sa matatanda nga sa inyo’y umaaral ako, akong matandang kasamahan ninyo, at isang saksi ng mga hirap ni Cristo, na may bahagi naman sa kaluwalhatiang ihahayag: Pangalagaan ninyo ang kawan ng Dios na nasa inyo, na magsigamit kayo ng pagpupuno, na hindi sapilitan, kundi may kasayahan, na ayon sa kalooban ng Dios; ni hindi dahil sa mahalay na kapakinabangan, kundi sa handang pagiisip” (1 Ped. 5:1-2).
Dapat pangalagaan ang kawan ng Diyos na siyang Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28 Lamsa). Ito ang dapat suriing mabuti ng mga ministro at manggagawa na ngayo’y tiwalag na dahil sa paglaban sa Pamamahala. Hindi ba nanumpa kayo sa Diyos na tutuparin ninyo nang buong puso ang inyong tungkulin at kabilang sa mga tungkuling ito ang pangangalaga sa kawan? Paano ninyo masasabing natutupad ninyo ang tungkuling ito kung kayo ay wala o nasa labas ng kawan?
Ang masaklap pa nito ay hinihikayat pa ninyong lumabas sa kawan at sumama sa inyong grupo ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Wala na bang talab sa inyo ang babala ng Biblia na sinitas sa unahan?:
“Sumpain siya na pabaya sa pagtupad sa gawain ni Yahweh!...”
Yayamang ang mga maytungkulin lalo na ang mga ministro at manggagawa ay inaatasang pangalagaan ang Iglesia Ni Cristo, ano ang nararapat na pagsikapan ng bawat isa ayon pa rin kay Apostol Pedro?
“Ni hindi din naman ang gaya ng kayo’y may pagkapanginoon sa pinangangasiwaang ipinagtagubilin sa inyo, kundi kayo’y maging mga uliran ng kawan” (1 Ped. 5:3).
Ang maytungkulin sa bayan ng Diyos ay uliran ng Iglesia na pinangangasiwaan nila. Uliran sila sa lahat ng bagay—sa pananampalataya (hindi sila matitisurin), sa pag-ibig (hindi maiinggitin) at maging sa pagpapasakop sa Pamamahala (hindi sila pa ang nag-uudyok sa mga kapatid ng paglaban sa Pamamahala).
Yayamang sumasampalataya ang mga maytungkulin na ang tungkulin nila ay galing sa Diyos at sa Diyos din sila magbibigay-sulit, ano ang kanilang pinakahahangad at inaasahan?
“Ang aking pinakananais at inaasahan ay huwag akong magkulang sa aking tungkulin, kundi magkaroon ako ng lakas ng loob sa lahat ng panahon upang, sa mabuhay o sa mamatay, mabigyan ko ng karangalan si Cristo. Sapagkat para sa akin si Cristo ang buhay at dahil dito'y pakinabang ang kamatayan” (Fil. 1:20-21 MB).
Ang pinakananais at inaasahan ng mga tunay na maytungkulin ay huwag magkulang sa tungkulin. Kaya kung mayroong dapat bigyan ng “saludo” ng pagkilala, sila ang mga ministro, manggagawa at maytungkulin na kahit saan naroon, sa malapit man o sa malayong lugar, may pag-uusig man o wala, maginhawa man ang buhay o mahirap, ay tumutupad ng kani-kanilang tungkulin kahit magtiis sila at mamuhunan ng maraming sakripisyo.
Binibigyang-diin namin ito sapagkat iba naman ang pananaw ng mga natiwalag na nagsilaban sa Pamamahala ng Iglesia. Ang sinasaluduhan nila ay ang gaya nila na lumaban sa Pamamahala, mga nagbitiw sa tungkulin, mga ibinaba ang sariling tarheta at kung sinu-sino pang mga tumalikod sa tungkuling sinumpaan nila sa Diyos.
Samantala, ang lahat ng mga ministro, manggagawa at maytungkulin na nanindigan sa panig ng Pamamahala at hanggang ngayon ay walang tigil sa pagpapagal at sa pagtupad ng tungkuling sinumpaan sa Diyos ang binabansagan nilang uto-uto, bulag, traydor, minions at kung anu-ano pang masasakit na mga pananalita. Lalo na ang mga ministro at manggagawa na naging vocal sa pagsagot sa kanilang mga paninira at paratang ay ginagawan nila ng kuwento at inuungkat ang kahit ano na maaaring ungkatin para siraan ang kanilang pagkatao.
Nananawagan kami sa mga ministro, manggagawa at maytungkulin ng Iglesia na nagdaranas ng gayong mga pag-uusig at pag-upasala. Hindi kayo ang unang nakaranas nito. Narito ang katunayan sa Biblia:
Sinabi nila, “Halikayo, magplano tayo laban kay Jeremias; pagkat ang pagtuturo ng kautusan sa pamamagitan ng saserdote ay hindi mawawala, ni ang payo ng matalino, ni ang mga salita mula sa mga propeta. Kaya halikayo, salakayin natin siya sa pamamagitan ng ating mga dila at huwag nating pakinggan ang anumang sabihin niya” (Jer. 18:18 NPV).
Maging ang propeta na si Jeremias ay pinagplanuhan ng masama ng mga taong kalaban ng katotohanan. Nagkaisa sila salakayin siya sa pamamagitan ng kanilang dila. Ano ang katumbas nito sa mga salin ng Biblia sa Ingles:
“…So, instead of listening to Jeremiah any longer, let’s accuse him of a crime” (CEV).
“So let’s ruin him by telling lies about him. We won't pay attention to anything he says” (NCV).
“So let’s verbally attack him. Pay no attention to anything he says!” (ISV).
“Let’s spread rumors about him and ignore what he says” (NLT).
Ang mga kalaban ng propeta ng Diyos na si Jeremias ay nagkasundo na akusahan siya ng krimen, magsabi ng kasinungalingan laban sa kaniya upang siya ay siraan, atakehin siya sa pamamagitan ng mga salita at magkalat ng tsismis tungkol sa kaniya. Sounds familiar? Hindi ba dito nagpakadalubhasa sina Heliodoro Joy a.k.a. “Kelly Ong” Yuson, Rovic a.k.a. “Sher Lock” Canono at ng marami pa nilang mga kasamang tumalikod?
Alam ba ninyo na dahil sa tinidi ng hinagpis ni Jeremias sa mga taong ito na nagplano ng masama laban sa kaniya at nagkasundo pang siraan ang kaniyang pagkatao sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga kasinungalingan at tsismis, ay nasabi niya ang ganito sa kaniyang panalangin sa Diyos:
“Ngunit, PANGINOON, alam mo ang buong plano nila ng pagpatay sa akin. Huwag mong ipatawad ang kanilang kasamaan, ni pawiin sa paningin mo ang kanilang mga kasalanan. Bayaan silang bumagsak sa iyong harapan, pakitunguhan mo sila sa panahon ng iyong pagkagalit” (Jer. 18:23 NPV).
Palibhasa’y mga taong ring may damdaming nasasaktan ang mga maytungkulin kaya kung minsan ay halos katulad na rin nito ang nagiging panalangin nila sa Diyos laban sa mga taong lumalapastangan sa Pamamahala sa Iglesia at sa mga ministro, manggagawa at maytungkulin na naninindigan sa panig nila.
Sa pag-aalala natin sa nalalapit na kaarawan ni Ka Erdy, pabayaan ninyong sitasin namin ang talata ng Biblia na madalas ay laman ng kaniyang lektura sa mga ministro, manggagawa at maytungkulin:
“Mapalad ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon!” (Mat. 24:46 BMB).
Ayon mismo sa Tagapagligtas na si Cristo, ang alipin na mapalad ay ang tapat na naglingkod hanggang sa pagbabalik ng Kaniyang Panginoon—hindi ang nagbitiw at tumalikod sa tungkulin.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.