Tingnan muna ninyong mabuti ang mga larawang ito at pagkatapos
ay isipin ninyo na ang mga ito ay nasa katabing bakuran ninyo:
Mga hindi kilalang tao (hindi isa lang kundi marami sila)
Mga taong animo’y terorista na naka-bonnet para ikubli ang pagkakakilanlan
May mga two-way radios at mga digital recording devices sila
May mga bags sila na hindi natin alam kung ano ang laman
Hindi ba nakaaalarma ang ganito? Hindi ba ninyo iisipin ang
seguridad ng inyong pamilya na baka walang kaabog-abog ay biglang sumalakay ang
mga taong ito sa inyong bahay at gumawa ng masama? O kung hindi man sumalakay
ay gumawa ng isang bagay na ikapeperwisyo at ikapapahamak ninyo? At paano sila
mapananagot kung sila’y naka-bonnet
at nakatago ang kanilang mukha.
Kung kayo kaya ay nasa jeepney
at may pumasok na mga kalalakihang naka-bonnet,
ano ang gagawin ninyo? Maghihintay na lang sa kasunod na maaaring mangyari? O
hangga’t may pagkakataon ay bababa na kayo dahil hindi kayo makikipagsapalaran?
Kung kayo kaya ay nasa bangko at pagkatapos ay nagpasukan
ang mga naka-bonnet na may bags at two-way radios? Ano kaya ang unang magiging reaksiyon ninyo at ng
guwardiya? Wala lang?
Ang mga larawang nakita ninyo ay larawan ng mga taong tinatangkilik
at kinukupkop nina Angel at Lottie sa kanilang tinitirhan sa #36 TS. Marami sa
mga ito ay hindi kapatid sa Iglesia na inupahan ni Lottie para sa kaniyang seguridad.
Ang mga taong ito na nakamaskara ay pinatuloy nina Lottie at
Angel sa bahay ni Ka Erdy at sila ang mga taong sumalaula sa bahay ni Ka Erdy. Kaya
naman nagngingitngit sila sa galit nang kumilos ang Pamamahala para
proteksiyunan ang bahay ni Ka Erdy.
Mahalagang maunawaan ng bumabasa nito na ang bahay ni Ka
Eduardo ay katabi lang ng bahay ni Ka Erdy. Kaya ang taong ito na naka-maskara
ay nasa katabing bakuran lang ng bahay ng ating Tagapamahalang Pangkalahatan.
Hindi ba makatuwiran lamang na maalarma ang mga
pinagtiwalaan upang ingatan ang seguridad ng Namamahala sa Iglesia? Kaya hindi
maaari na hindi umaksiyon ang Pamamahala sa bagay na ito. Ito ang dahilan kaya
binakuran ang bahay ng Ka Erdy dahil katabi nito ang bahay ng ating
Tagapamahalang Pangkalahatan (Ka Eduardo). Mula sa paglalagay ng bakod ay
pinoproteksiyunan ang dalawang mahalagang bagay—ang bahay ng kasalukuyang Tagapamahalang
Pangkalahatan (Ka Eduardo) at ang bahay ng yumaong Tagapamahalang Pangkalahatan
(Ka Erdy).
Hindi totoo ang paratang na itinayo ang bakod para
unti-unting patayin ang nakatira sa kabilang bakod. Hindi kailanman hinangad ng
Pamamahala ang ikapapahamak ng mga kamag-anak niya. Kung sila ma’y itiniwalag
(na mas masaklap pa sa kamatayang pisikal), ito ay sapagkat sila ang gumawa ng
bagay na ikatitiwalag nila. Ang tanging hangad ng Pamamahala para sa kanila ay
makilala nila ang kanilang pagkakamali, itigil na nila ang paglaban sa
Pamamahala at magbalik-loob sila hangga’t may pagkakataon pa.
Kung may ipinakakalat mang negatibong interpretasyon tungkol
sa paglalagay ng bakod, tulad ng napatunayan na sa maraming pagkakataon,
sinasabi lang nila ito upang kumuha ng simpatiya.
Kaya tinatanong namin ang mga kapatid sa Iglesia Ni Cristo,
sino ang gusto ninyong proteksiyunan laban sa mga naka-maskarang ito? Ang ating
Tagapamahalang Pangkalahatan na si Ka Eduardo o ang mga tiwalag na naghimagsik
na sina Angel at Lottie?
Napakahalaga ang seguridad ng Pamamahala at ng Iglesia kahit ano pa ang sabihin ng mga tiwalag na ito na lumaban sa Iglesia.








No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.