Ang 10 Utos Ng Diyos Upang Maingatan Ang Kaligtasan
Ikalawang Utos
HUWAG PABABAYAAN ANG MGA PAGSAMBA
(Heb. 10:25-27)
“Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa’t isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw. Sapagka't kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.”
Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Enero 8/9, 1997, binigyang-diin naman ang kahalagahan ng ating mga pagkakatipon o pagsambang kongregasyunal. Ang ibig sabihin na huwag natin itong pabayaan ay huwag tayong liliban sa pagdalo.
“Do not ABSENT yourself from your own assemblies, as some do, but encourage each other; the more so as you see the Day drawing near” (Heb. 10:25 NJB).
Ang katunayang ang utos na ito ay may kinalaman para maingatan ang kaligtasan ay ang mismong ibinabala ng Diyos sa mga sinadya ang pagkakasala pagkatapos na matanggap ang pagkakilala sa katotohanan:
“… isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng APOY na lalamon sa mga kaaway.”
Ang apoy na tinutukoy rito ay ang dagat-dagatang apoy (Apoc. 21:8). Tinatakot ba tayo ni Ka Erdy noong ituro nila sa atin at ihayag ang katotohanang ito kasama na ang kasamaan ng sadyang pagpapabaya sa pagsamba? Hindi. Inihahatid lamang nila sa atin ang babalang ito ng Diyos, udyok ng pag-ibig upang huwag tayong humantong sa kapahamakan.
Bakit isang napakabigat na kasalanan na sadyang pabayaan ng sinuman sa atin ang pagsamba sa Panginoong Diyos? Ito ay sapagkat ang pagsamba sa Diyos ay katutubong pananagutan ng taong nilalang sa Diyos na lumalang sa kaniya.
“Tayo ay lumapit, Sa kanya’y sumamba at magbigay-galang, Lumuhod sa harap Nitong Panginoong sa ati’y lumalang. Siya ang ating Diyos, Tayo ay kalinga niyang mga hirang, Mga tupa tayong inaalagaan. Ang kanyang salita ay ating pakinggan” (Awit 95:6-7 MB).
Subalit bagaman ang pagsamba sa Diyos ay katutubong pananagutan ng lahat ng tao, ang hinahanap ng Diyos ay ang mga tunay na mananamba sa Kaniya.
“Datapuwa’t dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga TUNAY NA MANANAMBA ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka't HINAHANAP NG AMA ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya” (Juan 4:23).
Hindi naman ito isang bagong bagay. Sapagkat kahit sa panahon ng mga propeta ay mayroon lamang binigyan ng karapatan sa tunay na pagsamba—ang mga Israelita noon.
“Sila’y mga Israelita at itinuring ng Diyos na mga anak niya. Nakita nila ang maliwanag na tanda na nagpapakilalang siya’y kasama nila. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos; sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ANG TUNAY NA PAGSAMBA, at ang mga pangako” (Rom. 9:4 MB).
Pagdating naman ng panahong Cristiano, ang karapatan sa tunay na pagsamba ay nakamit ng mga tinubos ng dugo ni Cristo samakatuwid baga’y ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Ito ay sapagkat ang dugo ni Cristo ang naglilinis sa tao mula sa kasalanan upang makapaglingkod siya sa buhay na Diyos (Heb. 9:14, Gawa 20:28 Lamsa).
Dahil dito, alam na alam ng mga kapatid na ang pagsambang isinasagawa sa labas ng Iglesia Ni Cristo ay mawawalan lamang ng kabuluhan. Ito ang dahilan kaya marubdob ang paghahangad ng mga kapatid na ang mga hindi pa natin kapananampalataya ay maakit sa Iglesia Ni Cristo upang huwag masayang ang kanilang pagsasakripisyo sa pagsamba sa Diyos. Ito rin ang dahilan kaya lagi tayong nananawagan sa mga natiwalag na magbalik-loob na sapagkat kahit sila sumamba sa Diyos, kung sila nama’y hiwalay sa Iglesia Ni Cristo, ay mauuwi lamang ito sa wala. Si Cristo mismo ang nagpapatunay nito:
“Kayo’y manatili sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo'y manatili sa akin. Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako'y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka't kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. Kung sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya'y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog” (Juan 15:4-6).
Sana ay napansin ninyo na kapag hiwalay kay Cristo, na katumbas ng hiwalay sa Iglesia Ni Cristo, ay wala silang magagawa. Maaaring marami silang gawin ngunit ang tiyak na hindi nila magagawa ay ang magbunga ng bunga ng kabanalan (Fil. 1:11). At para patunayang hindi tinatanggap ng Diyos ang kanilang pagsamba, ipinasiya na ang hiwalay kay Cristo ay ihagis sa apoy at masunog.
Naalaala ba ninyo ang binanggit sa itaas na apoy na lalamon sa mga sadyang nagpabaya sa pagsamba? Iisa pala ang kahihinatnan ng mga sadyang pinabayaan ang pagsamba sa Diyos at ng mga oo nga’t sumasamba raw sa Diyos subalit hiwalay naman kay Cristo—ang kaparusahan sa dagat-dagatang apoy.
Ang isa pa sa maraming dahilan kaya ang tunay na pagsamba ay nasa loob lamang ng Iglesia Ni Cristo ay sapagkat narito rin sa Iglesia Ni Cristo ang binigyan ng karapatan na magturo ng mga salita ng Diyos—ang Sugo ng Diyos (Juan 3:34 MB) at ang Pamamahala (Col. 1:25).
Mula nang papagpahingahin ng Diyos ang Kapatid na Eraño G. Manalo, ang karapatan sa pagpapahayag ng kalooban ng Diyos ay isinalin kay Kapatid na Eduardo V. Manalo. Ito naman ang isinasalin sa mga binigyan ng Diyos ng bahagi sa ministeryo upang ipangaral ang mga salita ng Diyos lalo na sa mga pagsambang kongregasyunal para sa ikatitibay ng pananampalataya ng mga kapatid (1 Cor. 14:26).
Gayunman, ang karapatang ito ay mananatili lamang sa ministro at manggagawa kung mananatili sila sa loob ng ministeryo. Sa sandali na sila ay maalis o umalis sa ministeryo, kasama itong iniaalis sa kanila. Kaya kung sila’y mangaral pa rin sa labas ng Iglesia o mangasiwa ng pagsamba ng mga tiwalag ay katulad lamang ito ng pangangaral ng walang karapatang mangaral ng mga salita ng Diyos—walang kalakip na Espiritu Santo.
Kung sasabihin naman ng mga nakapakinig sa kanilang pangangaral na mabiyaya raw ang pangangasiwa ng mga ministro at manggagawang tumalikod sa ministeryo at lumaban pa sa Pamamahala, natitiyak nating hindi biyaya iyon na dulot ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay ipinangako ni Cristo sa pagkakatipon sa pangalan Niya samakatuwid ay sa pagkakatipon sa loob (hindi sa labas) ng katawan Niya na siyang Iglesia Ni Cristo (Mat. 18:20).
Kung hindi raw iyon Espiritu Santo, ano raw iyon? Iyon ay damdamin lamang nila maaaring bunga ng hapis o hirap na kanilang pinagdaraanan lalo na’t nakanti o nasapul ng mga tagapangaral na ito ang mismong pinagdaraanan ng mga nakikinig sa kanila. Walang iniwan sa pagsamba ng ibang Iglesia at samahang panrelihiyon. Hindi ba’t napapaluha rin at napapaiyak ang mga sumasamba sa kanila? Dahil ba roon ay sasabihin na natin na tumanggap din sila ng Espiritu Santo?
Mahalagang makatawag ito ng pansin sa lahat ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Bigyan natin ng prayoridad ang ating mga pagsamba sa Diyos, higit pa sa pagpapahalaga sa paghahanap-buhay, pag-aaral o anumang kapakanang pansarili.
Hindi naman ito nangangahulugan na sapat nang basta lang tayo dumalo. Sumama at makiisa tayo sa lahat ng palatuntunan ng pagsamba at tuparin natin ang aral na itinuro ng mga apostol:
“Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y namamanhik sa inyo: ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa kanya. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos” (Rom. 12:1 MB).
Kaya marapat na paghandaang mabuti ang pagsamba sa Panginoong Diyos at lagi nating isipin na ang Diyos na pinakakagalang-galang sa lahat ang ating sasambahin. Kaya, ayon mismo sa Biblia,
“Tayo ay lumapit, Sa kanya’y sumamba at MAGBIGAY-GALANG, Lumuhod sa harap Nitong Panginoong sa ati’y lumalang (Awit 95:6 MB).
Sa pamamagitan ng kagalang-galang na pananamit ay maipakikita natin ang ating paggalang sa Diyos. Higit sa lahat, maipapakita natin ang ating paggalang sa pamamagitan ng ating pagkilos.
Sa palagay ba natin ay paggalang sa Diyos at sa bahay Niya na ang sinuman ay mag-walk out sa panahon ng pagsamba? Huwag sanang pausuhin ng mga natiwalag ang gayong ugali sapagkat kapag ginawa ninyo iyon ay hindi lamang ang ministro na nangasiwa ng pagsamba ang inyong nilalapastangan kundi mismong ang Diyos. Ikakatwiran ba ninyo na nag-walk out lang kayo sa ministro at hindi sa Diyos? Hindi ba nasa loob pa kayo ng bahay ng Diyos at hindi ba nasa panahon pa kayo noon ng pagsamba? Yun lamang anak na pinagsasabihan ng mga magulang ay mag-walk out, sa tingin ba natin ay respeto iyon, sabihin pang masakit sa pakiramdam ang sinasabi nila?
Ang lalo pang masaklap ay staged o planado pa ang ginawa ng mga nag-walk out na ito kaya nga kinunan pa nila ng video. Kung nabubuhay pa kaya hanggang ngayon ang Ka Erdy, sa tingin kaya ng mga taong ito ay kakampihan niya sila at palalampasin ang kanilang kalapastangan?
Kaya nais naming manawagan sa mga dating kaanib na natiwalag.
Sana naman kung sakaling maisipan ninyong gunitain ang ka Erdy sa kaniyang kaarawan, maipangako rin ninyo na hindi na ninyo uudyukan ang mga kapatid na lapastanganin ang pagsamba sa Diyos sa loob ng Iglesia Ni Cristo sa loob man ng gusaling-sambahan o sa labas man ng pinaka-compound nito. Huwag ninyo ring purihin ang mga taong ito dahil sa “katapangang” ipinakita nila nang sila ay mag-walk out sa panahon ng pagsamba. Hindi katapangan ang tawag doon kundi kalapastanganan.
Kung nais talaga nating gunitain ang kaarawan ni Kapatid na Eraño G. Manalo na siya namang marapat na gawin, mangako tayo sa Diyos na hindi tayo liliban sa pagdalo sa pagsamba kundi bibigyan natin ito ng malaking pagpapahalaga sa ating buhay yayamang ito ang pangunahing at panghabambuhay na katungkulan natin sa Kaniya.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.