Sa darating na Enero 2,
2016 ay sasapit ang ika-91 taon ng pagsilang ni Kapatid na Eraño G. Manalo
(1925-2009) na siyang inilagay na Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni
Cristo nang papagpahingahin ng Diyos ang Kapatid na Felix Y. Manalo
(1886-1963).
Kapag sumasapit ang
petsang ito, ginugunita, hindi lamang ng pamilya ni Ka Erdy, kundi ng buong
Iglesia ang lahat ng pagpapagal at pagsasakit pati na ang pagmamahal at pagmamalasakit
na iniukol ni Ka Erdy sa Iglesia lalo na sa 46 taon ng kaniyang
makapangyarihang Pamamahala sa Iglesia.
Maging ang mga dating
kaanib na ngayon ay mga tiwalag na ay may paggunita ring ginagawa kay Ka Erdy kapag
sumasapit ang petsang ito.
Upang maging makabuluhan
ang ating gagawing paggunita ay mahalaga na ito ay ibatay natin sa mga aral ng
Diyos na itinuro ng Biblia. Itinuro ng mga Apostol na:
“Alalahanin ninyo ang mga
nangasiwa sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin nga ninyo
kung paano sila namuhay at namatay, at tularan ninyo ang kanilang pananalig sa
Diyos” (Heb. 13:7 MB).
Mahalagang mapansin na ang
pag-aalaala sa mga nangasiwa (dating namumuno sa saling Bagong
Magandang Balita Biblia o “former
leaders” sa saling Goodspeed) o namahala sa atin ay ginagawa natin hindi
lamang dahil sa nais natin o naisip nating gawin kundi dahil sa ito ay iniuutos
sa atin.
Maging ang paraan kung
paano ito gagawin ay iniutos sa atin. Isipin natin kung paano sila namuhay at
namatay at tularan natin ang kanilang pananalig sa Diyos. Alam natin kung gaano
at kung paano minahal ni Ka Erdy ang Iglesia noong siya ay nabubuhay pa.
Bagaman kahit sa panahon niya ay mga naghimagsik sa kaniyang Pamamahala, hindi
niya pinayagan na ang Iglesia ay magkabaha-bahagi. Itiniwalag niya ang mga
naghimagsik na ito kahit sa mga nakaraang panahon ay pinagtiwalaan pa sila ng
mga mahahalagang gampanin sa Iglesia.
Namatay si Ka Erdy na
Iglesia Ni Cristo. Namatay siya na yakap ang kaniyang tungkulin, hindi lamang
bilang ministro ng Diyos at kundi higit sa lahat, bilang Tagapamahalang
Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo.
Paano naman natin magagawa
na tularan ang kaniyang pananalig sa Diyos? Si Apostol Pablo, na ministrong
namahala noon sa dako ng mga Gentil ay nagturo ng ganito:
“Isagawa ninyo ang lahat
ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin. Kung magkagayon,
sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan” (Fil. 4:9 MB).
Ang paraan upang matularan
ang kanilang pananalig o pananampalataya (“imitate” ang salitang itinumbas sa
saling NIV) ay ang isagawa ang lahat ng ating natutuhan, tinanggap, narinig at
maging ang nakita natin sa kanila.
Marami tayong natutuhan
mula kay Ka Erdy lalo na sa pangangasiwa niya ng pagsamba at maging sa kaniyang
mga lektura na pawang mula sa mga aral ng Diyos. Gayunpaman, minarapat namin na
sa pagkakataong ito ay sariwain sa inyo ang ilan sa mga pangunahing bagay na
ating natutuhan, tinanggap at narinig sa kaniya na pawang nakabatay sa Biblia.
Marahil ay naalaala pa
ninyo ang 10 Utos ng Diyos na tinipon ng Pamamahala mula sa mga aral ng Diyos
na nasa Biblia na itinuro sa buong Igesia Ni Cristo noong pagsisimula ng taong
1997. Pinamagatan itong ang “Ang 10 Utos Ng Diyos Upang Maingatan Ang
Kaligtasan.” Ito ay ang mga sumusunod:
- HUWAG MANLALAMIG ANG PAG‑IBIG SA DIYOS
- HUWAG PABABAYAAN ANG MGA PAGSAMBA
- HUWAG UURONG SA PAGKA-IGLESIA NI CRISTO
- HUWAG MAWAWALAN NG PANANAMPALATAYA
- HUWAG MABUBUHAY SA LAMAN O SA LIKONG PAMUMUHAY
- HUWAG SISIRAIN ANG PAG-IIBIGANG MAGKAKAPATID
- HUWAG PABAYAANG WASAK ANG SAMBAHAN
- HUWAG KALILIGTAAN ANG GAWANG PAGBUBUNGA
- HUWAG IPAGWAWALANG‑BAHALA ANG PAGTUPAD SA MGA TUNGKULIN
- HUWAG LALABAN SA PAMAMAHALA
Kaya sa nalalapit na paggunita natin sa kaarawan ng dating Namahala sa atin, ang Kapatid na Eraño G. Manalo, itanong natin sa ating sarili kung nasusunod pa ba natin ang mga aral na ito ng Diyos.
Sa panig ng mga natiwalag sa Iglesia Ni Cristo, alam namin ang iba sa inyo ay may magkahalong hinanakit at pagdaramdam sa iba’t ibang dahilan. Maaari ba na isaisantabi muna ninyo kung anuman ang inyong damdamin at itanong ninyo kung ito bang itinuro ni Ka Erdy, na pawang aral ng Diyos ay nasusunod pa ninyo. Kung hindi na at sa pamamagitan nito ay nakita ninyo na nagkamali kayo, naging padalus-dalos o kaya mas pinairal ninyo ang simbuyo ng damdamin, simpatiya o “pride,” bakit hindi kayo bumalikwas habang may panahon pa at magbalik-loob. Ang gusto ni Ka Erdy, at ang totoo’y siya ring gusto at panalangin ng Sugo ng Diyos sa mga huling araw, ang Kapatid na Felix Y. Manalo, na kung sila man ngayon ay wala na subalit doon sa Bayang Banal ay muling magkita-kita at magkasama-sama ang mga hinirang ng Diyos.
Sa mga susunod na artikulo ay iisa-isahin namin ang buod ng 10 utos na ito ng Diyos at nawa ay gamitin natin ang mga iyon na mabuting pagkakataon para suriin ang kasalukuyang kalagayan ng ating pananampalataya.
Tandaan natin ang sinabi ng mga apostol na marapat na pag-alaala sa mga nangasiwa o namahala sa atin.
Isipin nga ninyo kung paano sila namuhay at namatay, at tularan ninyo ang kanilang pananalig sa Diyos” (Heb. 13:7 MB).

No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.