Ang 10 Utos Ng Diyos Upang Maingatan Ang Kaligtasan
Ikapitong Utos
HUWAG PABABAYAANG WASAK ANG SAMBAHAN
(Hag. 1:8 NPV)
“Umahon kayo sa kabundukan, kumuha ng mga kahoy at itayo ninyo ang bahay upang makadama ako ng kasiyahan dito at maparangalan, sabi ng PANGINOON.”
Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Enero 25/26, 1997 ay binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtatayo at pagpapanatili ng mga bahay-sambahan ng Iglesia Ni Cristo at maging ang kahalagahan ng paghahandog o pag-aabuloy.
Dahil sa utos ng Diyos ang pagtatayo ng mga bahay-sambahan, kaya naman ang gawaing ito ay itinataguyod ng Iglesia mula pa sa panahon ng Pamamahala nina Kapatid na Felix Y. Manalo at Kapatid na EraƱo G. Manalo hanggang sa kasalukuyang Pamamahala ni Kapatid na Eduardo V. Manalo.
Maging noong una, ang pagpapasiya kung kailan patatayuan ng bagong gusaling-sambahan ang isang Lokal at kung kailan gagawin ang mga kinakailangang renovation ay nasa Pamamahala ng Iglesia sa pamamagitan ng Tagapamahalang Pangkalahatan at ng kanilang mga pangunahing pinagtitiwalaan sa gawaing ito. Bagaman, hinahangad ng iba na mapagsabay-sabay ang mga gawaing ito ngunit ang pangunahing isinasaalang-alang ng Pamamahala sa pagtataguyod ng mga contruction and renovation projects ay ang nakasulat sa Biblia:
“Kung ang isa sa inyo’y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon?” (Luk. 14:28 MB)
Pansinin na tore lamang ang itatayo ay tatayahin muna ang magugugol at titiyakin kung may sapat na salaping maipagpapatapos niyon, gaano pa kung ang itatayo ay mga gusaling-sambahan?
Nauunawaan ito ng mga tunay na kapatid kaya sa sandaling maiparating nila ang kahilingan nila sa Pamamahala tungkol man ito sa pagbili ng lupa na pagtatayuan ng gusaling-sambahan o sa mismong pagtatayo ng gusaling-sambahan o kaya ay sa renovation nito, matiyaga silang naghihintay at nagpapasakop sa pasiya ng Pamamahala kung kailan ito mapagtitibay.
Habang hinihintay nila ang pasiya ng Pamamahala ng Iglesia ay isinasaayos nila at sinisinop kung ano man ang mayroon sila sa kasalukuyan sa abot ng kanilang makakaya. Hindi sila kailanman magrereklamo at lalong hindi sila babaling sa social media at magsusumbong kung kani-kanino sapagkat ang bagay na ito ay ang mga bagay na panloob lamang ng Iglesia.
Maging ang pagpapasiya sa laki o liit ng mga ipinatatayong gusaling-sambahan at ang mga materyales na gagamitin dito ay kinikilala ng mga tunay na kaanib sa Iglesia Ni Cristo na nasa karapatan at diskresyon ng Pamamahala.
Kung ang Iglesia man ngayon ay nagtatayo ng mga tinatawag na barangay chapels ay dahil lamang sa matindi at madaliang pangangailangan. Matatandaan na inilunsad ng Pamamahala sa pangunguna ni Kapatid na Eduardo V. Manalo ang Puspusang Pagpapalaganap ng Ebanghelyo na kinapalooban ng tinatawag na mga Barangay Evangelical Missions. Dahil sa malaking tagumpay ng gawaing ito at dahil na rin sa pagkaakit ng maraming mga tao sa Iglesia lalo na yaong mula sa mga dakong malalayo at liblib, mga dako na dati-rati’y hindi naaabot ng pangangaral ng Iglesia, kaya bumangon ang isang madaliang pangangailangan—ang isang pansamantalang dako na mapagsasambahan ng mga naakit na ito at dako kung saan din patuloy na mailulunsad ang mga gawaing pagpapalaganap upang marami pa ang taong maabot ng balita ng kaligtasan na ipinangangaral ng Iglesia Ni Cristo.
Ang mga kapatid kasama na ang mga dinuduktrinahan at sinusubok na nabiyayaang mapagtayuan ng barangay chapel ang kanilang Lokal o extension ay labis na natutuwa at lubos na nagpapasalamat sa Pamamahala sapagkat nailapit sa kanilang tinitirhan ang dako ng pagsamba. Nakalulungkot naman na ito ay pinupuna ng mga natiwalag na lumaban sa Pamamahala. Ito ay isyu na kanilang ginagamit para palitawing bangkarote na ang Iglesia, bagay na walang bahid ng kahit katiting na katotohanan.
Paano natutugunan ng Iglesia ang mga gugulin sa mga construction and renovation projects na ito maging ang may kinalaman sa maintenance ng mga bahay o gusaling-sambahan at ng iba pang gusali na ginagamit sa paglilingkod sa Diyos?
“At nagkagayon, nang dalhin ang kaban sa kawanihan ng hari, sa pamamagitan ng kamay ng mga Levita, at nang kanilang makita na maraming salapi, na ang kalihim ng hari at ang pinuno ng pangulong saserdote ay naparoon at inalisan ng laman ang kaban, at kinuha, at dinala uli sa dakong kinaroroonan. Ganito ang kanilang ginawa araw-araw, at nagtipon ng salapi na sagana” (2 Kron. 24:11).
Ang unang bayan ng Diyos ay naghandog araw-araw kung kaya’t nakapagtipon sila ng salapi na sagana. Ipinakikilala nito na mataas ang pagpapahalaga nila sa gawang paghahandog anupa’t kahit araw-araw nila itong ginawa ay hindi sila natisod at hindi rin nila kinuwestiyon ang namamahala sa kanila kung bakit nila ito ginawa. Lalong hindi nila pinagdudahan ng katiwalian ang mga nangunguna sa kanila.
Kung ang natiwalag kayang ito na lumaban sa Pamamahala ng Iglesia sa kasalukuyan ay nabuhay noong mga panahong iyon, marahil ay tisod na tisod sila sa ipinasiya noon ng namamahala sa bayan ng Diyos. At kung may FaceBook na noon, marahil ay ilalagay nila sa kanilang FaceBook wall ang mga salita ng panunuya gaya ng “handugan ng Lunes, handugan na naman ng Martes, handugan uli ng Miyerkules at handugan hanggang Linggo. Wala na bang katapusang handugan ito.” Baka ang iba sa kanila ay magvi-“vigil” pa sa labas ng Templo noon na may placards na ang nakasulat ay pawang naghahayag ng pagkatisod nila sa gawang paghahandog.
Bukod sa pagtatayo ng mga gusaling-sambahan, ang mga salaping natitipon ng bayan ng Diyos mula sa gawang paghahandog ay iniuukol sa pagsasaayos at sa pagpapanatiling maayos at malinis ng mga gusaling-sambahan at maging sa paggawa ng mga kagamitan at kasangkapang ginagamit nila sa mga paglilingkod sa Diyos (2 Cron. 24:11-14 MB).
Ang pamamaraang ito ng masaganang paghahandog ang tinupad ng Iglesia Ni Cristo maging noong siglo. Si Apostol Pablo mismo ang nagpatotoo nito:
“Ibig kong ibalita sa inyo, mga kapatid, ang nagawa ng pag-ibig ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia. Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanya. At sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukas ang palad sa pagbibigay. Sila’y kusang-loob na nag-abuloy hindi lamang ayon sa kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito pagkat mahigpit nilang ipinamanhik sa akin na sila'y bigyan no pagkakataong makatulong sa mga kapatid sa Judea. At higit pa sa inaasahan ko inilaan nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos, sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos” (2 Cor. 8:1-5 MB).
Ang mga mananampalatayang kapatid ngayon ay tulad din ng mga Cristianong ito sa dako ng Macedonia. Kahit ang marami ay mahihirap lang at ang totoo’y inuusig at inuupatan pa ng mga tiwalag na nagsilaban sa Pamamahala, gayunma’y “masayang-masaya pa rin sila at bukas ang palad sa pagbibigay.” Minsan pa ay napatunayan ito nang maghandog sila nang sagana noong nakaraang taunang Pasalamat.
Hindi sila napadala sa mga paninira ng mga kaaway ng Iglesia na kung anu-anong paratang ng katiwalian ang ikinakalat maging sa social media nang walang matibay na batayan. Hindi sila naakit sa sinasabi ng mga tiwalag na lumaban sa Pamamahala na huwag daw munang dalhin ang handog pasalamat o kaya ay kaunti lang daw ang ibigay muna at itira ang mas malaking halaga at ilagak muna sa bangko.
Nahalata ng mga tunay na kaanib ang talagang layunin ng mga tiwalag na ito na kahit pinsalain ang Iglesia ay gagawin makaganti lamang sa Pamamahala na itinuring nilang kalaban. Hindi nga ba’t ang mga ito ang nag-uudyok sa mga kaanib na sa loob ng tatlong buwan ay huwag munang maghandog ng abuloy para maapektuhan daw ang pananalapi ng Iglesia?
Ang tanong, bakit hindi nila naakit ang mga mananampalatayang kapatid na gawin ang gusto nilang mangyari? Sapagkat alam ng mga kaanib na ang Diyos ang may utos na sa tuwing pagsamba ay magdala ng handog o abuloy. Alam din nilang kasalanan sa Diyos ang matisod sa banal na gawaing ito. Ito ang dahilan kaya ang Iglesia ay patuloy sa pagtagumpay at sa pagtatayo ng malalaking gusaling-sambahan at ng iba pang gusali na ginagamit sa paglilingkod sa Diyos sa kabila ng pag-uusig at paninirang ito ng mga kaaway ng ating pananampalataya.
Palibhasa’y ang bahay-sambahan ay bahay ng Diyos, tahanan ng Kaniyang kaluwalhatian at pangalan na doon ginagawa ang tunay na pagsamba sa Kaniya at doon din ipinangako ni Cristo na doroon Siya sa panahon ng pagkakatipon sa Kaniyang pangalan, marapat lamang na pag-ukulan ito ng mataas na pagkakilala at pagpapahalaga.
Kaya ang tunay na gumugunita sa nalalapit na kaarawan ni Ka Erdy ay hindi kailanman matitisod sa gawang paghahandog. Hindi nila kailanman lalapastangin ang gusaling-sambahan at ang banal na pagsamba na isinasagawa sa loob nito. Hindi nila gagawin ang mag-walk out sa panahon ng pagsamba o ang magsagawa ng vigil sa labas ng compound nito.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.