Friday, December 25, 2015

Ang Marapat Na Pag-alaala Sa Namahala Sa Atin (Part 06 of 11)

Ang 10 Utos Ng Diyos Upang Maingatan Ang Kaligtasan

Ikalimang Utos
HUWAG MABUBUHAY SA LAMAN O SA LIKONG PAMUMUHAY
(1 Cor. 6:9-10)

“O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga liko ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios? Huwag kayong padaya: kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diosdiosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga nangbababae, ni ang mga mapakiapid sa kapuwa lalake. Ni ang mga magnanakaw, ni ang mga masasakim, ni ang mga manglalasing, ni ang mga mapagtungayaw, ni ang mga manglulupig, ay hindi mangagmamana ng kaharian ng Dios.”

Sa leksiyon na itinuro sa pagsambang kongregasyunal noong Enero 18/19, 1997 ay ipinakilala ang kahalagahan ng puspusang pagbabagong-buhay. Ang katunayang may malaking kinalaman ang pagbabagong-buhay sa kaligtasan ay ang itinuro ni Apostol Pablo:

“na ang mga liko ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios…”

Kasama sa mga likong gawain ang mga gawang imoral gaya ng pakikiapid, pangangalunya at pakikipagrelasyon sa magkatulad na kasarian. Likong gawain din ang pagnanakaw, paglalasing sa alak man o sa ipinagbabawal na gamot, at pagtutungayaw.

Ano ang ibang tawag sa likong gawain? Ganito pa ang itinuturo ni Apostol Pablo na nakasulat sa Biblia:

“At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kahalayan, Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios” (Gal. 5:19-21).

Ang mga likong gawain ay tinatawag ding mga gawa ng laman na hindi ikapagmamana ng
kaharian ng Diyos sa langit. Anu-ano pa ang mga gawa ng laman bukod sa mga binanggit sa itaas?
Ang mga pagtatalo, paninibugho, pagkakaalitan, pagkakampikampi, pagkakabahabahagi at mga hidwang pananampalataya ay kabilang pa rin sa mga gawa ng laman na hindi ikapagmamana ng kaharian ng Diyos o hindi ikaliligtas.

Kaya kung paanong hindi marapat sa sinumang kaanib na mabuhay na may masamang bisyo o kaya ay mabuhay sa imoral na gawain, hindi rin marapat sa sinumang kaanib na siyang maging dahilan ng pagtatalo o pag-aalitan ng mga magkakapatid sa Iglesia. Ano ang idinudulot ng mga pagtatalo o pag-aalitan? Ang mga pagkakampikampi at mga pagkakabahabahagi.

Marapat naman kaya na isipin ng sinuman na maliit na kasalanan lang ang paglikha ng pagkakampikampi at mga pagkakabahabahagi? Hindi. Ang dahilan ay sapagkat ang paglikha ng pagkakampikampi at mga pagkakabahabahagi ay may panganib na maging dahilan ng pagkagiba o pagbagsak ng kaharian o sambahayan na siyang Iglesia.

“Datapuwa't siya, na nakatataho ng mga pagiisip nila, sa kanila'y sinabi, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay magkakawatakwatak; at ang sangbahayan na nagkakabahabahagi laban sa sangbahayan ay nagigiba” (Luk. 11:17).

Mabigat na kasalanan ang paglikha ng pagkakampi-kampi o mga pagkakabahabahagi. May mga kasalanan na ang tanging pinipinsala ay ang sarili ng gumagawa nito. Ngunit ang paglikha ng paglakampi-kampi o mga pagkakabahabahagi kasalanang nagdudulot kapuwa ng pinsala sa sarili at sa Iglesia.

Iminamatuwid ng mga natiwalag na lumaban sa Iglesia na mas mainam daw na magkabaha-bahagi sa paggawa ng mabuti kaysa magkaisa sa paggawa ng masama. Nilalayon nilang bigyang-katuwiran ang ginawa nilang mga pagpuna lalo na sa social media na nagdulot ng kasalukuyang ligalig na kinakaharap ng Iglesia. Ang totoo, walang mas mainam at wala ring mainam sa dalawang binanggit.
Hindi maaaring makagawa ng mabuti ang nagkakabaha-bahagi at hindi rin maaaring magdulot ng mabuti ang pagkakaroon nito sapagkat itinuro ni Apostol Santiago na:

“Nguni’t kung kayo’y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan. Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo. Sapagka't kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama” (Sant. 3:14-16).

Napansin ba ninyo na “kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama”? Itinuro pa ni Apostol Santiago na ang pagkakaroon ng pagkakampikampi ay nauukol sa lupa, sa laman at sa diablo.

Sana maunawaan ito ng mga natiwalag na hanggang ngayon ay hindi maamin sa sarili na masama ang kanilang ginawa dahil lamang sa inaakala nila na mabuti naman ang kanilang layunin. Ipagpalagay nang totoo na mabuti ang kanilang layunin gayunman ay hindi kailanman maaari na maging tamang paraan ang paglikha ng pagkakabaha-bahagi sa Iglesia.

Ang isa pang katunayan na napakabigat na kasalanan sa Diyos ang paglikha ng pagkakampi-kampi o pagkakabaha-bahagi ay ang ibinabala ng Diyos na mababasa sa Biblia:

“Kung ang sinuman ay magtangkang gumiba sa templo ng Diyos, ang taong ito’y gigibain ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at ang templong ito ay kayo” (1 Cor. 3:17).

Kaya nga natitiyak nating hindi totoong “restoration” kundi “destruction” ang nais ng mga natiwalag na nagsilaban sa Pamamahala at hanggang ngayon ay patuloy sa pagkakalat ng paninira at iba’t ibang kasinungalingan. Ito ay sapagkat ang paglikha ng pagkakabaha-bahagi ay pagtatangka na gibain (“destroy” ang katumbas sa maraming salin ng Bibla sa Ingles) ang templo ng Diyos na tinutukoy, na siyang Iglesia. Ano ang pasiya ng Diyos sa sinumang magtatangka ng gibain ang templo ng Diyos? “Ang taong ito’y gigibain ng Diyos.” Tiyak na hindi maliligtas ang gumagawa nito kaya nga kung ang gumagawa nito ay kaanib, inilalapat sa kaniya ang pinakamabigat na disiplina na maaaring igawad. Alin ito? Ang pagtitiwalag.

“Ang mga nasa loob ng iglesya ang dapat ninyong hatulan, hindi ba? Ganito ang sabi ng Kasulatan, ‘Itiwalag ninyo ang masamang kasamahan ninyo’ (1 Cor. 5:13 MB).

Ano ang napakahalaga na dapat nating mapansin? Ang Diyos ang may desisyon na gibain ang magtatangka na gibain ang Iglesia. Ang Diyos din ang may desisyon na itiwalag ang masama. Kaya bagaman tao (Pamamahala) ang inutusan niyang magtiwalag sa masama, natitiyak nating kapag sila’y pinasiyahan ng Pamamahala na itiwalag, ang Diyos mismo ang Siyang nagtiwalag sa kanila.
Paano naman ang sinasabi ng iba na oo nga’t nagkakaisa naman daw ang mga kaanib ngunit sa paggawa naman ng masama kaya mas mainam pa raw sila na baha-bahagi nga ngunit sa paggawa naman ng mabuti? Inuulit namin na walang mainam at walang mas mainam sa dalawa. Bakit daw nila sinasabi na nagkakaisa tayo sa paggawa ng masama? Ito raw ay dahil nakikipagkaisa pa rin tayo sa Pamamahala kahit daw kitang-kita na raw natin diumano ang mga katiwalian na ginagawa nila sa Iglesia.

Ang sinasabi ng iba na katiwalian sa loob ng Iglesia ay pawang mga bintang at akusasyon lamang na hanggang ngayon ay walang napatunayan kahit isa. At kaya lang may ilan silang napaniwala ay sapagkat pinuno nila ng kasinungalingan at paninira ang kanilang mga FaceBook pages at blogs sa layuning palitawin na parang totoo ngang may katiwalian sapagkat pinalilitaw nila na iba’t ibang tao ang nagsasabi nito samantalang ang totoo ay sila-sila lang din ang may gawa at katha nito.

Kaya, walang bahid ng kahit katiting na katotohanan ang sinasabi ng iba na ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay nagkakaisa sa panig ng masama. Walang masama na sumunod at magpasakop sa Pamamahala manapa’y ito ang mabuti at ayon sa utos ng Diyos (Heb. 13:17). Walang masama manapa’y mabuti ang magtiwalang ang Pamamahala ay inilagay ng Diyos sa ikatitibay at hindi sa ikagigiba (2 Cor. 10:8).

Kaya kung ang mga kaanib ay nakikipagkaisa sa Pamamahala, ang katumbas nito ay nakikipagkaisa tayo sa panig ng mabuti. Sa kabila dako, kapag ang sinuman ay nakipagkaisa sa paglaban sa Pamamahala, ang katumbas nito ay nakikipagkaisa sila sa panig ng masama.

At yayaman din lamang na ang mga sunud-sunod na artikulong ito ay naglalayong gunitain natin ang dati nating Tagapamahalang Pangkalahatan na si Kapatid na Eraño G. Manalo sa nalalapit na pagsapit ng kaniyang kaarawan, minarapat namin sa pagkakataong ito na iparinig sa inyo ang kaniyang tinig.



Ka Eraño G. Manalo: Yun ay sa indibiduwal. E pero sa kabuuan ng Iglesia, paano maililigtas ang Iglesia sa pagkagiba? Heto sa Mat. 12:25 MB:

Ka Teofilo Ramos, Sr.: Batid ni Jesus ang kanilang iniisip, kaya't sinabi niya, “Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat. At mawawasak ang alinmang bayan o bahay na nagkakabaha-bahagi at nagkakalaban-laban.”

Ka Eraño G. Manalo: Sabi ni Cristo yung kaharian, yung bahay… ipinaalaala ko sa inyo ang Iglesia kaharian ng Diyos, kaharian ni Cristo… ipinaalaala ko sa inyo ang bahay ng Diyos, alin? Ano ang ikagigiba ng kaharian o ng Iglesia? Pagka nahahati na, pagka magkakalaban na, pagka nagkakabaha-bahagi na. Ano ang sabi ng ating Panginoon? Babagsak at mawawasak. Samakatuwid kung mayroon tayong dapat na pakaingatan na mangyari sa Iglesia, magkahati-hati tayo.

Ayon din sa pagtuturo ni Ka Erdy na nakabatay sa kalooban ng Diyos na nasa Biblia, paano magkakaisa ang Iglesia at hindi magkakahati-hati?



Ka Eraño G. Manalo: Napakahalaga ng pagkakaisa ng Iglesia. Iyan ang dahilan kaya ang Diyos ay naglagay ng Pamamahala. Ang Pamamahala ang magpapatupad ng ikatitibay ng Iglesia. Paano? Huwag magkabaha-bahagi. Paano mabubuo ang Iglesia? Lahat ng maytungkulin ang mangunguna. Saan? Sa pagtupad ng saguting ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos.

Maliwanag ang sinabi ni Ka Erdy, “Ang Pamamahala ang magpapatupad ng ikatitibay ng Iglesia.” Samakatuwid, hindi maaaring tumibay ang Iglesia sa pamamagitan ng paglaban at paghihimagsik sa Pamamahala.

Sana kung paanong napakinggan ito ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay mapakinggan din ito ng mga natiwalag sa Iglesia na gumugunita kay Ka Erdy. Mula sana rito, makilala ninyo ang inyong naging pagkakamali sa ginawa ninyong pagkilos na lumikha ng pagkampi-kampi at pagkabaha-bahagi sa Iglesia.

Bakit mahalaga ang pagkilala sa ating nagawang kasalanan?

“Aking kinilala ang aking kasalanan sa iyo, At ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli: Aking sinabi, Aking ipahahayag ang aking pagsalangsang sa Panginoon; At iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking kasalanan” (Awit 32:5).

Mahalaga ang pagkilala o pag-amin sa naging kasalanan upang magawa natin itong ipahayag sa Diyos at ihingi sa Kaniya ng kapatawaran. Ang totoo ay ito ang unang dapat magawa ng sinumang magbabalik-loob sa Diyos at nawa’y samantalahin ito ng mga natiwalag sa Iglesia habang may pagkakataon pa.

Paano ang marapat at lubos na pagbabalik loob sa Diyos?

“Hanapin si Yahweh Samantalang siya’y iyong makikita, Siya ay tawagin habang malapit pa. Ang mga gawain ng taong masama’y Dapat nang talikdan, at ang mga liko’y Dapat magbago na ng maling isipan; Sila’y manumbalik, Lumapit kay Yahweh upang kahabagan, At mula sa Diyos, Matatamo nila ang kapatawaran” (Isa. 55:6-7 MB).

Ang tunay na nagbabalik-loob sa Diyos ay dapat magbago na ng maling isipan. Tandaan natin na ang isipan ng tao ang nag-uudyok sa kaniyang paggawa. Kaya kapag marumi ang kaniyang isipan o kapag hinayaan niyang parumihin ang kaniyang isipan ng mga katakut-takot na kasinungalingan na nababasa niya sa kung saan-saan ay ito ang magbubuyo sa kaniya sa mali ring gawain.
Pagkatapos na magbago ng maling isipan, ang kasunod ay dapat nang talikdan ang masamang gawain—ito man ay masamang bisyo, gawang imoral o gawang lumilikha ng pagkakampi-kampi o pagkakabaha-bahagi sa Iglesia.

Sa panig ng ilan na mga kaanib pa sa Iglesia Ni Cristo subalit nasusumpungan pa rin sa mga likong gawain o gawa ng laman, kailan nila dapat gawin ang pagsisisi at pagbabagong-buhay? Katulad ng binanggit sa talata ng Biblia:

“Hanapin si Yahweh Samantalang siya’y iyong makikita, Siya ay tawagin habang malapit pa.”

Huwag nating sayangin ang pagkakataong ito na ibinibigay ng Diyos upang muli tayong maging dapat sa Kaniya. Makipagkaisa tayo sa puspusang pagbabagong-buhay na ikinakampanya ng Pamamahala sa Iglesia upang maingatan natin ang ating kaligtasan. Nangako naman ang Diyos na kung gagawin natin ang totoong panunumbalik at pagbabagong-buhay ay mahahabag Siya at matatamo natin mula sa Kaniya ang kapatawaran.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.