Monday, February 1, 2016

One with EVM (Part 2)





Nang una ay balak ko sanang hindi na gumawa pa bukod na artikulo tungkol dito sapagkat napakaliwanag na ng mga binabanggit dito. Subalit ang aking inaalaala ay baka magkamali ng pag-unawa ang iba tungkol dito o kaya’y masamain ito ng mga tiwalag na lumaban sa Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo.

 
Baka akalain ng iba ay tao lamang o kaya’y aral lamang ng tao ang sinusunod ng mga Iglesia Ni Cristo (INC) kung kami man ay One with EVM at naninindigan sa puspusang pagsunod at pagpapasakop sa Pamamahala. Ang gayo’y isang maling akala.
 

Kung kami man ay sumusunod sa Namamahala at sa anuman na kanilang ipag-uutos at ipagtatagubilin sa amin ay katulad lamang ito ng pagsunod ng mga Israelita kay Moises at kay Josue palibhasa’y sila ang bibig ng Diyos para sa Kaniyang bayan. Sila ang nagpapahayag ng kautusan ng Diyos sa buong bayan kaya kapag sila’y sinunod, ang sinusunod ng bayan ay ang Diyos mismo na Siyang nagbigay ng gayong kautusan.
 

Sa panahong Cristiano, ang ibinigay o inilagay ng Diyos sa Iglesia upang maipahayag ang Kaniyang salita ay ang ministro na binigyan ng Diyos ng pamamahala.
 

“Na ako'y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa inyo upang maipahayag ang salita ng Dios” (Col. 1:25).
 

Ang karapatan ng Pamamahala ay galing sa Diyos. Galing din sa Diyos ang ipinapahayag ng Pamamahala samakatuwid baga’y ang mga salita ng Diyos.
 

Ano ngayon ang katumbas kapag kinuwestiyon ng isang tao ang karapatan ng Pamamahala? At ano rin ang katumbas kapag kinuwestiyon ng isang tao ang kautusan ng Diyos na itinuturo at ipinatutupad ng Pamamahala? Ang kinukuwestiyon ng taong iyon ay ang Diyos mismo.
 

Dahil dito, hindi kataka-taka na napakabigat ng parusa ang inihahatol noon pa sa mga taong kukuwestiyon sa karapatan ng Namamahala at kukuwestiyon, maghihimagsik, tututol o susuway sa utos niya (Jos. 1:18).

 
Pansinin din natin na kahit noon pa, ang pagsunod ng tunay na mga hinirang ng Diyos ay hindi “personality-based.” Sumunod sila kay Moises, hindi dahil sa pagkatao niya o dahil sa achievements niya kundi dahil sa karapatan niya na galing sa Diyos. Hindi nila pinaghambing ang pamamahala ni Moises at ang pamamahala ni Josue na para bagang ang batayan ng kanilang pagsunod ay kung sino ang mas mahusay sa kanila. Hindi nila sinabing “wala sa kalingkingan ni Moises si Josue.” Sa halip, ano ang “pledge” ng mga Israelita noon kay Josue?

 
Kung PAANONG LUBUSAN NAMING SINUNOD SI MOISES, gayon din ang gagawin naming pagsunod sa iyo. Nawa'y samahan ka ng PANGINOON mong Dios kung paanong sinamahan niya si Moises (Jos 1:17 NPV).

 
Kung ito kayang mga natiwalag na lumaban sa Pamamahala ngayon ay nabuhay noong panahong iyon ng transition ng pamamahala mula kay Moises patungo kay Josue, marahil ay pupunahin nila ang mga Israelita at sasabihing (1) “Mga sipsip! Pa-pledge, pledge pa kayo sa inyong tagapanguna.”

 
Baka sakali lang na hindi napansin kaya bayaan ninyong ipapansin ko ang talatang ito ng Biblia:

 
“To this they fully agreed and pledged themselves to obey Joshua as their commander-in-chief” (Jos 1:16 TLB).

 
Paano naman ang sinasabi ng iba na “kapanatikuhan daw ang puspusan o lubusang pagsunod sapagkat paano kung mali na raw ang iniuutos sa atin, susunod pa ba tayo?”

 
Ang tanong na “paano kung mali na raw ang iniuutos sa atin” ay naghahayag lamang ng pag-aalinlangan sa Pamamahala ng Iglesia. Na kaya ito itinatanong ng iba (gaya ni Joy “Kelly Ong” Yuson) ay upang isulong ang kanilang paniniwala na may limitasyon ang pagsunod sa Pamamahala.

 
Kung totoo na may limitasyon ang pagsunod sa Pamamahala, paano pa kaya magagawa ang pagsunod nang lubusan o puspusan (to the letter, completely)? (Jos. 1:16-17)

 
Kaya nga, ayon kay Apostol Pablo, marapat ba na mag-isip ng masama ang sinuman o kaya ay mag-alinlangan man lamang sa Pamamahala na inilagay ng Diyos sa Iglesia?

 
“Sapagka’t bagaman ako ay magmapuri ng marami tungkol sa aming kapamahalaan (na ibinigay ng Panginoon sa ikapagtitibay sa inyo, at hindi sa ikagigiba ninyo) ay hindi ako mapapahiya” (2 Cor. 10:8).

 
Para magawa ng kapatid ang puspusan o lubusang pagsunod sa Pamamahala, kailangan niyang sampalatayanan ang dahilan ng paglalagay ng Diyos sa Pamamahala. Ang Pamamahala ay sa ikatitibay at HINDI sa ikagigiba. Sa saling Abriol ay “sa ikabubuti ninyo at DI sa ikasasama.”

 
Kaya ang mga tunay na Iglesia Ni Cristo ay hindi kailanman mag-iisip na ang Pamamahala ay magtuturo at magpapatupad ng anumang bagay na mali o salungat sa doktrina na ating tinanggap. At ang Pamamahala mismo ng Iglesia ay hindi kailanman magtuturo at magpapatupad ng anumang bagay na mali o salungat sa doktrina na ating tinanggap lalo pa’t ang Iglesiang ito ay tiniyak sa hula na huling gawain ng Diyos sa pagliligtas at hindi ito matatalikod kapag ang pag-uusapan ay ang organisasyon.

 
Bilang pagwawakas, kapanatikuhan nga ba ang lubusan o puspusang pagsunod at pagpapasakop sa Pamamahala?

 
“At ito, ay hindi ayon sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Dios” (2 Cor. 8:5).

 
Kung susuriin natin ang konteksto ng talatang ito, ang mga Cristiano sa Macedonia ay nagawa na makapaghandog ng higit sa kanilang kaya sa kabila ng kanilang malabis na karukhaan. Hindi nila kinuwestiyon ang Pamamahala noon kung bakit dapat pa silang maghandog gayong marukha na nga sila sa buhay. Bakit nila ito nagawa? Ang sabi ni Apostol Pablo, “ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin.”
 

Panatiko ba ang mga unang Cristiano nang ibinigay nila ang kanilang sarili, una sa Panginoong Diyos at pagkatapos ay sa Pamamahala?


Kaya ano ang tawag sa lubusan o puspusang pagsunod at pagpapasakop sa Pamamahala? Ang tawag dito ay PANININDIGAN at hindi kapanatikuhan!

  

 

Lowell Menorca: Ang Sagot

“We didn’t try to BURY you, because we know that you are WEEDS.”

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.