Sunday, February 7, 2016

Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway! (Part 3)

“Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway,
at idalangin ninyo ang sa inyo'y nagsisiusig.” (Mat. 5:44)

karugtong ng Part 1 at Part 2

Bagaman utos ni Cristo na ibigin ang kaaway o ang mga sa atin ay hindi nagsisiibig, gayunman, hindi ito nangangahulugan na lahat ng kaaway ay ating iibigin. Ang diablo ay kaaway natin na sa halip na ibigin ay dapat pa ngang labanan pati na ang lahat ng kaniyang pakana.

Ano ang pakana ng diablo na ginagamit laban sa mga Cristiano? Ang paghahasik ng pagkakabaha-bahagi. Bakit ito’y pakana ng diablo? Ano ba ang ibubunga ng pagkakabaha-bahagi?

17“Datapuwa’t siya, na nakatataho ng mga pagiisip nila, sa kanila’y sinabi, Ang bawa’t kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay magkakawatakwatak; at ang sangbahayan na nagkakabahabahagi laban sa sangbahayan ay nagigiba (Luk. 11:17).

Ang Iglesia na itinulad sa kaharian at sambahayan ay magigiba kailanma’t ito ay nagkabaha-bahagi. Ano ang katunayang pakana nga ng diablo ang paghahasik ng pagkakabaha-bahagi?

14“Nguni’t kung kayo’y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan. 15Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo” (Sant. 3:14-15).

Ang pagkakabaha-bahagi o pagkakampi-kampi ay nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo kaya natitiyak nating pakana ito ng diablo.

Mismong ang diablo ba ang haharap sa mga Cristiano para maghasik ng pagkakabaha-bahagi? O may mga kasangkapan siya?

17“Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, tandaan ninyo ang mga lumilikha ng pagkakampi-kampi at nagiging sanhi ng pagtalikod sa mga aral na tinanggap ninyo; iwasan ninyo sila. 18Ang mga gayong tao ay hindi naglilingkod kay Cristo na ating Panginoon, kundi sa kanilang makasariling hangarin, at sa pamamagitan ng kanilang magaganda at matatamis na pangungusap ay inililigaw nila ang mga mapaniwalain” (Rom. 16:17-18 MB).

May mga kasangkapan ang diablo na mga lumilikha ng pagkakampi-kampi at nagiging sanhi ng pagtalikod sa mga aral na tinanggap natin. Ano ang katunayang hindi sila dapat ibigin? Ang tagubilin ay iwasan o layuan natin sila. Kaya nga, hindi marapat makisama o makisimpatiya sa kanila ang sinumang kapatid.

Sino pa ang mga kaaway na hindi dapat ibigin?

10“Datapuwa’t lalong-lalo na ng mga nagsisilakad ng ayon sa laman sa masamang pita ng karumihan, at nangapopoot sa pagkasakop. Mga pangahas, mapagsariling kalooban, sila'y hindi natatakot na magsialipusta sa mga pangulo: 12Datapuwa't ang mga ito, na gaya ng mga kinapal na walang bait, na ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at lipulin, na nagsisialipusta sa mga bagay na hindi nila nalalaman ay walang pagsalang lilipulin sa kanila ring pagkalipol” (2 Ped. 2:10, 12).

Ayon sa pagpapakilala ni Apostol Pedro, ang mga napopoot sa pagkasakop at mga nagsisialipusta sa mga pangulo ay tinawag na mga hayop na dapat lipulin—hindi sinabing ibigin.

Kaya walang nalalabag ang mga kapatid kung dahil sa pagtatanggol sa Iglesia at sa Pamamahala ay tuligsain ang mga tiwalag na ito na lumaban sa Pamamahala kahit pa sila’y pagsalitaan ng masasakit na salita. Ang totoo’y tinawag pa nga sila ni Apostol Tadeo na hayop at kinapal na walang bait. Dahil ba rito ay sasabihing hindi sinunod ni Apostol Tadeo ang utos na ibigin ang kaaway?

Kaya inuulit namin na bagaman utos ni Cristo na ibigin ang kaaway o ang mga sa atin ay hindi nagsisiibig, gayunman, hindi ito nangangahulugan na lahat ng kaaway ay ating iibigin.

May karugtong.


Lowell Menorca: Ang Sagot

“We didn’t try to BURY you, because we know that you are WEEDS.”

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.