Friday, February 5, 2016

Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway! (Part 1)

“Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo'y nagsisiusig.” (Mat. 5:44)

Pagkatapos na maghasik ng katakut-takot na kasinungalingan at paninira ang mga tiwalag na lumaban sa Pamamahala ng Iglesia, pagkatapos nilang lapastanganin ang pagkatao ni Kapatid na Eduardo V. Manalo at pagkatapos nilang magbitiw ng mga mahahayap na salita laban sa mga Ministro at Manggagawa ng Iglesia Ni Cristo, ang nais nila ay manahimik at magsawalang-kibo na lamang kami.

Kapag dahil sa mga ginawa nilang ito ay kumilos kami ng pagkilos na hindi masarap sa pakiramdam at hindi tugma sa inaasahan nila, mabilis na sinisitas ng mga tiwalag na ito ito ang Mateo 5:44 para palitawing mali at masama ang gayong mga pagkilos namin.

Ang sabi nila “Naturingan pa man din kayong mga Cristiano, bakit ganiyan ang ginagawa ninyo? Hindi ba ang utos ni Cristo ay iibigin ninyo ang inyong mga kaaway?”

Para bagang ang Biblia ay binubuo lamang ng iisang talata na doon na lamang sila nagsusumiksik. Hindi nila pinapansin ang iba pang mga talata ng Biblia na naglalaman ng mga kautusan ng Diyos at ni Cristo na gaya ng:

·       Ibigin ang kapatiran (1 Ped. 2:17). Sa halip ay siniraan nila ang Tagapamahalang Pangkalahatan at ang mga Ministro at Manggagawa na nanindigan sa panig niya;
·       Kung may usapin ay dapat dalhin sa kinikilala ng Iglesia (1 Cor. 6:4-6 MB). Sa halip ay sa social media nila dinala ang usapin at ang iba ay idinemanda pa ang Sanggunian ng Iglesia pati ang Tagapamahalang Pangkalahatan;
·       Pag-ukulan ng lubos na paggalang at pag-ibig ang Namamahala (1 Tes. 5:12-13 MB). Sa halip ay nagawa nilang magbitiw ng masasakit na salita laban sa Namamahala at yurakan ang kaniyang reputasyon.
·       Walang karapatan ang sinuman na siyasatin ang Pamamahala sapagkat tanging ang Panginoon lamang ang may karapatang magsiyasat sa kanila (1 Cor. 4:3-4). Sa halip ay lagi nilang kinukuwestiyon ang bawat pagpapasiya at panukala o proyekto na inilulunsad ng Pamamahala.

At nang dahil sa hindi nila pagsunod sa mga nabanggit na utos ay kumilos ang Pamamahala at ang mga kapatid laban sa kanila ay saka nila sinasangkalan ang binabanggit sa Mateo 5:44 na “Iibigin ninyo ang inyong mga kaaway?”

Ang mahalagang tanong ay ito, kanino ba ibinigay ang kautusang ito? Hindi ba sa mga alagad ni Cristo o sa mga Cristiano?  Bakit o para sa ano kaya ibinigay ni Cristo ang kautusang ito sa mga Cristiano? Ibinigay ba ni Cristo ang kautusang ito para gamitin ng mga kaaway ng mga Cristiano laban sa kanila na para bagang binigyan sila ni Cristo ng lisensya o pases na murahin, laitin at siraan ang mga Cristiano? Na dahil sa may utos na ibigin ang kaaway ay mananahimik na lamang at magsasawalang-kibo ang mga Cristiano sa harap ng mga sinasadyang paninira at pag-aglahi na ito?

Ang kautusan sa Mateo 5:44 na “Iibigin ninyo ang inyong mga kaaway?” ay ibinigay ni Cristo sa mga Cristiano upang maipakita ang pagkakahigit o pagkakaiba nila sa mga hindi Cristiano. Kaya sa mga kasunod na talata ay ganito ang binabanggit:

45Ito ay upang kayo ay magiging mga anak ng inyong Ama na nasa langit sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga masama at sa mga mabuti. At binibigyan niya ng ulan ang mga matuwid at ang mga hindi matuwid. 46Ito ay sapagkat kung ang iibigin lamang ninyo ay ang mga umiibig sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamit? Hindi ba ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47Kapag ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong babatiin, ano ang kahigitan ninyo sa iba? Hindi ba ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? (Mat. 5:45-47 Bible’s International)

Marapat lamang na maiba at matangi ang ugali at pamumuhay ng mga Cristiano na siya ring mga anak ng Diyos sapagkat sila’y itinulad sa mga ilaw ng sanlibutan (Mat. 5:14). Kung ang mga tao man ng sanlibutan, palibhasa’y hindi naman mga Cristiano at hindi naman mga anak ng Diyos ay umiibig lamang sa nagsisiibig sa kanila, nakahihigit ang mga tunay na Cristiano at mga anak ng Diyos sapagkat pati ang hindi umiibig sa kanila ay iniibig nila.

Paano tinutupad ng mga Iglesia Ni Cristo ang kautusang ito sa Mateo 5:44? Ang Iglesia Ni Cristo ay lumilingap sa mga taong mahihirap at kapus-palad bukod pa sa laging pagdamay sa ating kapuwa na naging biktima ng mga kalamidad. Ang nililingap ng Iglesia ay hindi lamang ang mga kaanib nito kundi maging ang mga taong may ibang relihiyon at ibang pangkatin ng pananampalataya. Ang paglingap at pagdamay na ito ay mabuting gawa na inaasahang makita sa mga Cristiano upang magliwanag ang kanilang ilaw (Mat. 5:15-16 MB).

Maging si Apostol Pablo ay nagturo sa mga Cristiano noon na samantalahin ang lahat ng pagkakataon sa paggawa ng mabuti sa kapuwa lalo na sa mga kapatid sa pananampalataya.

“Samantalahin natin ang lahat ng pagkakataon sa paggawa ng mabuti sa ating kapwa, lalo na sa mga kapatid sa pananampalataya” (Gal. 6:10 MB).

Higit sa kapakanang pisikal ng tao, ang lalong kahayagan ng pag-ibig naming mga Iglesia Ni Cristo sa aming kapuwa tao (kaaway man sila o kaibayo sa pananampalataya) ay ang sila’y akayin sa loob ng Iglesia Ni Cristo upang matupad ang isa pang utos na:

“At ang iba’y inyong iligtas, na agawin ninyo sa apoy; at ang iba’y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan pati ng damit na nadungisan ng laman” (Jud. 1:23).

Wala nang hihigit pa sa gawaing ito na ang tao ay maagaw sa apoy o mailigtas sa nalalapit na kapahamakan sa Araw ng Paghuhukom.

Kaya, tinutupad ba ng mga Iglesia Ni Cristo ang kautusan na “Iibigin ninyo ang inyong mga kaaway?” Opo, mula pa noon at hanggang ngayon.

May karugtong.

  

Lowell Menorca: Ang Sagot

“We didn’t try to BURY you, because we know that you are WEEDS.”

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.