Saturday, November 21, 2015

Katapangang Walang Pagsasaalang-alang

Maraming napakatatapang ngayon. Hinamon na nila ang lahat. Inumpisahan nila na siraan ang Sanggunian. Nang nabigo silang makita ang aksiyong hinahanap nila na gawin ng Tagapamahalang Pangkalahatan, pati ang Namamahala ay hinamon nila at siniraan na rin kasama ang kanilang buong sambahayan.

At dahil nagawa na nila ito sa mismong Namamahala kaya kahit sino na lang ay wala na silang pagsasaalang-alang. Ang mga debatista na buong tapang na nanindigan para ipagsanggalang ang pananampalatayang Iglesia Ni Cristo laban sa mga kaaway ng pananampalataya ay kasama na rin sa kanilang sinisiraan dahil lamang hindi nila makuhang pumanig sa kanila. Tapos sila raw na nanlalalait sa mga debatista ng Iglesia ay ang lalakas ng loob na magpakilalang mga INC Defenders.

Ang mga naninirang ito sa Pamamahala ay hindi tunay na INC Defenders. Ano sila? INC Destroyers. Sige nga, makipag-temahan sila sa mga debatista na nilalait nila. Ano kaya ang proposisyon? Baka puwede ito:

INC Destroyers:
Patutunayan namin sa pamamagitan ng Biblia na maliligtas din ang mga natiwalag sa Iglesia Ni Cristo.

INC Defenders:
Tututulan namin.

INC Destroyers:
Patutunayan namin sa pamamagitan ng Biblia na maliligtas ang mga nagsalita ng masama at lumaban sa Pamamahala.

INC Defenders:
Tututulan namin.

INC Destroyers:
Patutunayan namin sa pamamagitan ng Biblia na tatanggapin din ng Diyos ang pagsamba sa labas ng Iglesia Ni Cristo at kahit walang kalakip na handog.

INC Defenders:
Tututulan namin.

Sino ang ihaharap ninyo? Si Jun Samson? Marami naman kayong paraan. Itimbre lang ninyo sa amin kung saan, kailan at anong oras ang debate.

Hindi masama ang maging matapang subalit dapat may pagsasaalang-alang. Halimbawa, may nagdulog ng isang kaso sa korte, tapos ang hatol ng hukom ay hindi pumabor sa kaniya. Dahil lang ba sa sinasabi niyang matapang siya ay bigla siyang tatayo, sisigawan ang hukom at mumurahin at pararatangan ng kung anu-ano na walang batayan? Subukan kayang gawin iyan ng mga matatapang na INC Destroyers. Tingnan na lamang natin kung saan sila dalhin ng kanilang katapangang walang pagsasaalang-alang.

 Ito ang uri ng katapangan na ipinakita ni Jun Samson na sinundan naman nina Joy Yuson, Boyet Menorca at iba pa. Kataka-taka ba na maging ugali nila ito? Hindi. Kasi kasangkapan sila ni Satanas kaya kaugali rin sila ni Satanas. Ang inidolo nila ay ang “katapangan” ni Satanas. Isipin mong labanan nito ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat. E di wala ngang pagsasaalang-alang. Puro tapang ang alam pero walang pagkilala, pagpipitagan at pagsasaalang-alang.

Kaya ano rin ang natutuhan ng mga hindi tunay na kapatid mula sa kanila? Natuto ang mga ito na lumaban sa kanilang Tagapangasiwa at Destinado. Ang tatapang nila na murahin ang mga Ministro at Manggagawa ng Iglesia Ni Cristo at ang lalakas ng loob na magpakilalang sila ang nasa panig ng Diyos.

Ano raw gusto nila? Restoration. Kaya pala nila gusto ang restoration kasi sila ang magtatangkang gumiba, at kapag nagiba na (na imposibleng mangyari) tapos ire-restore nila. Tapos voila! Sila sila na ang may kani-kaniyang puwesto sa Sanggunian. Tapos babatiin sila ni Satanas: great work boys, mission accomplished!


In your dreams!

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.